Magiting na nilabanan ng isang yunit sa gawaing masa na laking iskwad sa ilalim ng pamumuno ng Edgardo Dagli Command ang tangkang pagdurog ng regular na platoon ng 730th Combat Group ng Philippine Air Force na nakadestino sa Sityo Palico, Brgy. Bilaran, Nasugbu, Batangas.
Ganap na ika-4 ng umaga noong Marso 23, 2011 nang maganap ang enkwentro at puminsala sa hanay ng PAF, 1 patay at 9 ang sugatan. Matagumpay na nabigo ng ating palabang yunit ang isinagawang pagkubkob, walang anumang pinsala sa ating hanay at maayos na nakalabas sa ensirkulong bitag ng kaaway ang mga kasama.
Umabot sa laking batalyon ang tropang panagupa ng 730th Combat Group ng PAF at pinalibutan ang buong bundok ng Batulao pati na ang mga karatig na baryo sa laylayan nito.
Dahil sa malalim na nakaugat ang ating hukbo sa hanay ng masa at maraming tagumpay sa rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka kaya’t niyayakap at pinapangalagaan ng masa ang kanilang mahal na hukbo.
Bigong bigo ang Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino sa kanilang magarbong planong durugin sa loob ng tatlong taon ang Bagong Hukbong Bayan at ang buong rebolusyonaryong kilusan.
Bukod dito, pinasusubalian namin ang lahat ng pahayag ng AFP na ang mga nakalayang miyembro ng Morong 43 ay muling umanib sa BHB. Ang pagdadawit sa kanilang mga pangalan sa naganap na enkwentro ay pagpapatunay lamang ng desperadong hakbang upang muling kasuhan ang M43 dahil di nila matanggap na nagkamali sila sa pagkakahuli sa mga ito.