Ang pinakamaiitim na ulap na lumalandong sa pag-asang umusad ang matagal nang nabimbing usapang pangkapayapaan ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang bago nitong planong Oplan Bayanihan (OPB). Walang awat ang mga sagadsaring pasistang pwersa sa kaliwa’t kanang paghadlang at pananabotahe sa usapan.
Download PDF; Read all articles
Sa tuwing may aninag ng pag-asang sumulong ang pag-uusap sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng Pilipinas (Government of the Philippines o GPH), kumikilos ang mga sagadsaring pwersang anti-kapayapaan upang mabahura ang pag-uusap. Ang tapang ng apog ng mga pasistang heneral ng AFP na ideklara ang sarili bilang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan samantalang kaliwa’t kanan ang paglapastangan nila sa mga umiiral na kasunduan at panlilibak sa NDFP at sa seryosong layunin nito sa pakikipag-usap sa GPH.
Patraydor na dinakip ng mga pasistang sundalo at pulis si Kasamang Alan Jazmines sa Baliuag, Bulacan nitong Pebrero 14. Si Kasamang Jazmines ay isa sa mga kilalang lider ng Partido Komunista at nangungunang konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan. Nang dakpin siya, tahasang niyurakan ng AFP ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Dinakip siya ng AFP sa bisperas ng muling pagbubukas ng pormal na pag-uusap sa pagitan ng NDFP at GPH. Mistulang winasak ng AFP ang lubos na pinananabikang pagdiriwang ng sambayanan sa malaking pag-usad ng pag-uusap.
Dinakip si Kasamang Jazmines ilang linggo matapos dakpin ng AFP si Kasamang Tirso “Ka Bart” Alcantara. Si Ka Bart ay isa sa mga nangungunang kadre ng Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Southern Tagalog at konsultant sa usapang pangkapayapaan. Sa kabuuan, 15 konsultant na ng NDFP na sangkot sa pagsusulong ng usapang pangkapayaan ang inaresto at ikinulong ng AFP at PNP. Lahat sila’y humaharap sa mga kasong kriminal na inimbento ng militar at pulis upang bigyang-matwid ang kanilang matagalang detensyon.
Naghahambog ang AFP na isa itong kapangyarihang hindi maaaring ipailalim sa mga kasunduang binubuo sa pagitan ng GPH at NDFP. Buong pagmamalaki nitong idinedeklara na hindi maaaring masuspinde ng usapang pangkapayapaan ang mga operasyon ng militar at pulis para sa “pagpapatupad ng batas.” Kahit sa panahon ng 19-na-araw na tigil putukan noong Disyembre-Enero, walang tigil ang AFP sa paghahasik ng terorismo sa inilunsad nitong mga “special operations” sa mga baryo sa mga larangang gerilya. Nagawa pa nilang tawagin ang mga ito na “operasyon para sa kapayapaan at kaunlaran.”
Walang interes ang mga pasistang upisyal ng rehimeng Aquino na magtagumpay ang usapang pangkapayapaan. Nais lamang nilang gamitin ang usapan para linlangin ang mamamayan at pasukuin ang mga rebolusyonaryong pwersa. Para sa mga upisyal ng militar at pulis, walang ibang kahulugan ang kapayapaan kundi ang pagsupil at paggupo sa lahat ng armadong paglaban at mga pakikibakang masa ng mamamayan.
Nilalaman ng OPB ang anti-kapayapaang patakaran ng militar. Nakapadron ito sa Counterinsurgency Guide ng US na ang layunin ay panatiliin ang imperyalistang paghahari nito sa Pilipinas at iba pa nitong malakolonya sa pamamagitan ng pagsugpo sa mga pwersang nagtataguyod sa pambansang kalayaan at demokrasyang bayan.
Makikita sa OPB ang kawalan ng interes sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Alinsunod sa OPB, ang deklaradong tungkulin ng mga upisyal ng AFP kaugnay ng usapang pangkapayapaan ay ang “pagkaitan ng bentahe” ang NDFP sa pagharap nito sa GPH. Ipinakikita ng AFP na walang puwang sa pasistang pag-iisip nito ang diwa ng pantay na pag-uusap at pagtutulungan para harapin ang mga usaping nasa ugat ng gera sibil.
Ipinakikita rin ng AFP na hindi ito maaaring matali sa buo na o mabubuo pang kasunduan sa pagitan ng NDFP at GPH. Sa gayon ay nais nitong ipamukha sa sambayanan na walang makabuluhang ibubunga ang usapang pangkapayapaan. Inuudyok nito ang NDFP na umatras sa pakikipag-usap para bigyang-matwid ang patuloy na pagpapaigting nito ng pasistang gera laban sa sambayanan.
Dapat mabatid ng lahat na magtatagumpay lamang ang usapan sa pagitan ng NDFP at GPH kung mapagpasyang mawawakasan ang pananabotahe rito ng mga sagadsaring pasista sa militar at pulis. Hindi nakatutulong sa usapang pangkapayapaan ang patakaran ng rehimeng Aquino na pakawalan ang mga pasistang aso nito sa AFP at hayaan ang mga itong basta lapastanganin ang lahat ng mga kasunduang GPH-NDFP, kabilang ang JASIG at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Nagkakaisa ang sambayanang Pilipino sa hangaring makamit ang pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa katarungan. Tungo rito, sinusuportahan nila ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GPH sa pamamagitan ng malawakang paglaban sa mga pasistang pwersang anti-kapayapaan.
Dapat puspusang ilantad at labanan ang pananalanta ng AFP at ang kahungkagan ng bukambibig nitong “kapayapaan at kaunlaran.” Dapat labanan ang pasistang terorismo nito.
Mulat ang mga rebolusyonaryong pwersa na ang pakikipagnegosasyon ng NDFP sa GPH ay magiging mabisang larangan ng pakikibaka para sa kapayapaan kung isasagawa ito kaakibat ng mga pakikibakang masa at armadong paglaban ng sambayanan. Kung gayon, dapat puspusang isulong ng mamamayan sa lahat ng larangan ng pakikibaka ang kanilang mga pambansa at demokratikong adhikain na siyang salalayan ng minimithi nilang kapayapaan.