Brutal na pamamaslang ng berdugong 2nd IBPA sa mga sibilyan sa Guinobatan, Albay

November 13, 2012

Resize text: A+ A- Reset

Kinukondena ng Santos Binamera Command ang dalawang magkasunod na brutal na pamamaslang ng mga inosenteng sibilyan na kagagawan ng berdugong tropa ng 2nd Infantry Battalion, Philippine Army na nagpapanggap na “peace and development team” o PDT.

Brutal na pinaslang ng tropang 2nd IBPA si Brgy. Kgwd. Ely Oguis ng Brgy. Cabaluaon, Guinobatan, Albay nitong Nobyembre 11. Bandang alas-11:00 ng gabi, habang pauwi si Kgwd. Oguis sa kanyang bahay mula sa sentrong baryo nang makarinig ng ilang putok ng
baril ang mga residente ng Cabaluaon. Bandang ala-1:00 ng umaga, Nobyembre 12, natagpuan ang pugot na bangkay ni Kgwd. Oguis. Tinanggalan ito ng tenga at nilublob ang pugot na ulo sa putikan, ilang metro ang layo mula sa katawan na tadtad ng bala ng baril.

Si Kgwd. Oguis ay ilang beses na kinumpronta at inimbistigahan ng PDT sa kanilang barangay mula pa noong Agosto 2011 dahil pinaghinalaan din siyang “NPA supporter”. Ganito rin ang pagbibintang sa kanya kahit ng naunang Special Operations Team o SOT (lumang katawagan sa PDT) na inilunsad ng 2nd IB sa Brgy. Cabaluaon noong huling semester ng 2008 kung saan naging biktima na rin siya ng pananakot ng 2nd IBPA.

Isa pang biktima ng pamamaslang ng mga tropa ng 2nd IBPA si Dante Osma, residente ng Sinungtan, Guinobatan, Albay na binaril ng tropa ng militar noong Nobyembre . Alas 6:00 ng gabi, pinagbabaril si Osma sa harapan ng kanilang tahanan, na may layo lamang na 300 metro mula sa baraks ng PDT sa sentrong baryo ng Brgy. Sinungtan.

Bago nito, matagal nang pinag-iinitan ng miitar at pinagbibintangang tagasuporta ng BHB si Osma at ilang beses nang kinumpronta ng PDT sa kanilang barangay. Si Dante Osma ay dating kasapi ng Bagong Hukbong Bayan noong maagang bahagi ng dekada ’80 at lampas tatlong dekada nang namumuhay bilang sibilyan.

Kinukundena din ng Santos Binamera Command ang pagbibintang sa BHB ng brutal na krimen ng militar. Ang ng gawa-gawang kwento ni Maj. Narzan Obuyes, ang spokesperson ng 2nd IBPA, hinaras diumano ng BHB ang tropa ng PDT sa Brgy. Cabaluaon bandang alas-11:00 ng gabi noong Nobyembre 11, samantalang walang presensya ng BHB sa lugar sa panahong ito.

Rekord ng berdugong 2nd IBPA ang brutal na pamamaslang at pang-aabuso sa karapatang-tao ng mamamayan sa probinsiya ng Albay mula pa nang madestino ito dito noong 2006, sa panahon ng panghaharumal ng Oplan Bantay Laya 1 at 2. Tampok sa mga kaso ng brutal na pagpatay ng 2nd IBPA ang sumusunod:

  1. Pagdukot at pagpatay kina Ananias Cardiente Jr at Vicente Moradillo noong Enero 15, 2010 sa Brgy. Taplacon, Camalig, Albay.
  2. Sinunog ang mga bangkay at basta na lamang iniwan para lapain ng mga aso.
  3. Pagdukot at pagpatay kay Salvador Mancera noong Enero 20, 2010 na natagpuan ang bangkay sa Brgy.Floresta, Jovellar na laslas ang leeg.
  4. Pagdukot at pagpatay kay Edgar Oguis noong Enero 20, 2010. Itinapon ang bangkay nitong pugot ang ulo sa San Antonio, Oas.

Ang Operasyong Peace and Development Team (PDT) ng 2nd IBPA sa Guinobatan, Albay ay matagal nang nais palayasin ng mamamayang Albayano. Nang lumakas ang pagkilos ng mamamayang Albayano pagkatapos malantad ang kanilang mga paglabag sa karapatang-tao, pansamantalang bumaling sa panlilinlang at psywar ang PDT upang pakalmahin ang galit ng mamamayan. Sa ngayon, muling nalalantad ang tunay na pagiging mamamatay-tao at berdugo ng Operasyong PDT ng 2nd IBPA sa Guinobatan, Albay. Hanggang nananatili sa lugar ang PDT ng 2nd IBPA tiyak patuloy na lalapastanganin nito ang karapatang-tao ng mamamayan Guinobatueño.

Kailangang higit na magkaisa ang mamamayang Albayano para panagutin ang 2nd IBPA sa kanilang brutal na krimen at ilantad ang anumang paglapastangan sa kanilang karapatang-tao. Biguin ang Oplan Bayanihan!