Labis na nalulungkot ang BHB-CMC sa pagkakadamay ng batang si Rose Ann Mae Gubat Y Macasinag, 10 taong gulang ng Barangay San Pascual, Casiguran sa putukang naganap nitong ika-3 ng Abril 2011 dakung 5:20 ng hapon.
Ang nakakalungkot na insidente ay bunga ng putukang naganap sa pagitan ng BHB at ng tropa ng 49th IB na nagsasagawa ng SOTs sa nasabing Barangay. Ang operasyon ay bahagi ng paglaban ng BHB at masa sa SOT ng militar sa ibat-ibang lugar sa probinsya na patuloy na nagbubuo ng mga Barangay Intelligence Network (BIN) at gumagawa ng mga abuso tulad ng pambubugbog, panghaharas, panghahati at panlilinlang sa masa. Batay sa ulat ng mga kasama at masa, sadyang bumabase ang mga militar sa mga Barangay Hall, Health Centers at eskwelahan lalo na ang mga nasa sentrong baryo upang gawing panangga o human shields ang mga residente sa paligid nito upang ligtas na makapagpahinga, magsugal at mag-inuman.
Bagamat inaako ng BHB na inisyatiba nito ang naturang aksyong militar ngunit hindi nito natitiyak na bala ng mga kasama ang kumitil sa buhay ng inosenteng bata dahil ang militar ay walang habas na nagpaputok habang nagkanya-kanyang tago bilang ganti sa putok ng mga kasama. Ang target ng mga kasama mula sa mataas na burol ay ang pwersang nakabase sa Barangay Hall na ikinagulat naman ng mga nakapwestong militar sa likod ng bahay ng biktima na walang habas ding nagpaputok. Kung susuriin ang posisyon at tama ng bata batay sa opinyon ng doktor, malaki ang posibilidad na ang nakabaril ay nasa mababang bahagi. Maaaring tinamaan si Rose Ann Mae ng ligaw na bala mula sa mga nagulat na militar na walang habas na pagpaputok sa ibat-ibang direksyon. Sa katunayan, pilit na pinapalaki ng militar ang bilang ng umatakeng kasama upang bigyang katwiran an kanilang walang habas na pagpaputok sa tindi ng pagkabigla. Hindi inaasahan ng mga militar na ganoon na kalapit ang kanilang kalaban na sa kabila ng ipinangangalandakan nilang tagumpay ng SOT at diumano’y kooperasyon ng taumbaryo ay wala pa rin silang makuhang impormasyon sa mga kilos ng BHB sa lugar.
Bukas po ang BHB-CMC sa independenteng imbestigasyon sa naturang insidente. Gayunpaman ipinapaabot ng BHB-CMC ang taos-pusong pakikiramay at nakahanda itong harapin ang anumang pananagutan sa pamilya ng biktima.
Ang patuloy na pananalasa ng Oplan Bayanihan ay kikitil ng marami pang buhay sa panig ng BHB, militar at sibilyan. Ngunit maiiwasan ang mga insidenteng magdadamay sa mga inosenteng sibilyan tulad ng nangyari sa San Pascual kung mahigpit na tututulan ng mamamayan na gawing detatsment ng militar ang kanilang mga Barangay Hall, Health Centers at Eskwelahan lalo na kung ang mga ito ay nasa sentro ng baryo at napapaligiran ng maraming kabahayan. Huwag na po nating hayaang gawing mga panangga o human shields ang ating mga kababaryo.
Haharapin natin ang Oplan Bayanihan ng malawakan at maigting na digmang bayan.
Tutulan at Labanan ang Oplan Bayanihan
Tutulan ang pagbabase ng militar sa sentro ng mga Barangay at paggamit sa mga residente bilang panangga o human shields!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!