Malaking Kumpanya ng Quarry sa Rizal Pinarusahan ng NPA!

February 04, 2013

Resize text: A+ A- Reset

Ni-raid ng isang platoon ng NAAC-NPA-Rizal ang Pacific Concrete Product Incorporated noong Pebrero 3, 2013 sa ganap na ika-5:00 ng hapon sa Sitio Catmon, San Rafael Rodriguez, Rizal. Milyong halaga ng mga kagamitan ang sinunog ng mga kagawad ng NAAC-NPA kabilang ang makina ng gilingan ng bato, isang (1) backhoe, isang (1) pay loader, at isang (1) truck. Nakakumpiska rin ng isang (1) Shotgun at dalawang (2) cal. 38 revolver mula sa mga gwardiya at mahahalagang dokumento kabilang ang dalawang (2) CPU ng computer.

Kalahating kilometro ang layo ng kumpanyang ito sa kampo ng 59th IB-PA at dalawang (2) kilometro mula sa kampo ng PNP-SAF. Matapos maisagawa ang naturang raid ay ligtas na nakaatras ang mga kagawad ng NAAC-NPA pabalik sa pusod ng Sierra Madre. Samantalang galit na galit at walang habas na nagpaputok ang mga army at police nang wala na silang naabutan sa kanilang pagresponde kundi ang mga nagliliyab na mga kagamitan.

Inilunsad ito upang bigyang hustisya ang mga biktima ng malawakang pagbaha noong panahon ng bagyong Ondoy at Habagat. Matagal nang inirereklamo ng mga mamamayan ng Rodriguez, Rizal ang kumpanyang ito na pag-aari ng mga Lopez dahil sa malaking epekto nito sa pagkawasak ng kabundukan. Ito rin ang isa sa mga sanhi ng matinding pagbaha sa mga kapatagan ng Rodriguez, San Mateo, Marikina at iba pang karatig na bayan at sumira ng maraming ari-arian, taniman, at pumatay ng maraming buhay.

Magsisilbing babala ito sa lahat ng mga kumpanya ng quarry at minahan sa buong lalawigan na patuloy na sumisira ng kalikasan, buhay at kabuhayan ng mga mamamayan. Malakas ang panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na kundenahin at ipatigil ang mga pagmiminang ito at ipreserba ang kalikasan kaya’t ipapatupad ng lahat ng yunit ng NAAC-NPA-Rizal ang pamamarusa sa mga kumpanyang lalabag sa patakaran ng Demokratikong Gubyernong Bayan hinggil sa pangangalaga sa kalikasan at mamamayan.

Buong lipos na pasasalamat sa lahat ng rebolusyonaryong masa sa lugar, mga kaibigan, mga opisyal ng gubyerno at naliliwanagang pulis at sundalo sa pakikipagtulungan upang matagumpay na mailunsad ang aktibidad na ito.

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES!

MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!