Pangungurakot ang nasa likod ng kasinungalingan ng 503rd Brigade at PNP-Cordillera

February 02, 2013

Resize text: A+ A- Reset

Magkatuwang na pangungurakot at pagsisinungaling ang nasa likod ng mga hungkag na pahayag ng 503rd Brigade ng Philippine Army, at ng PNP-Cordillera kaugnay sa mga ilang pangyayari kamakailan sa Abra, na may kinalaman sa NPA.

Una ay ang di-umano’y pag-surrender ni Connie Santiago Valera, 29 na taong-gulang, ng Poblacion Lacub, Lacub Abra. Sinabi ni Cordillera Police Director Chief Supt. Benjamin Magalong na si Valera ay isang mataas na lider ng Ilocos-Cordillera Regional Committee ng CPP at #5 daw sa 4th Quarter “Order of Battle” ng 2012. Hindi opisyal ng Agustin Begnalen Command si Connie Santiago Valera, at lalong hindi si mataas na lider ng Ilocos-Cordillera Regional Committee ng CPP. Modus Operandi na ng mga opisyal ng AFP at PNP na markahang matataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF ang mga ordinaryong mamamayan na hinihinala o idinidiin nilang kasapi ng rebolusyonaryong kilusan, upang kolektahin ang “reward money” na nagkakahalaga ng ilang milyon. Matatandaang nagtalaga ng mahigit P400M ang Pamahalaan ni Pnoy para sa pabuya sa pagkakadakip ng mga lider ng CPP-NPA-NDF. Kaya’t ilang mga ordinaryong mamamayan na ang arbitraryong dinadakip at pinaparatangang matataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF. Sa kabilang banda, namamayagpag lang ang berdugong kriminal na si General Jovito Palparan, na hindi maaresto kahit may kakarampot na patong sa ulo, dahil sa pagkukopkop ng AFP at PNP sa kaniya.

Pangalawa ay ang di-umano’y apat (4) na NPA na napatay sa isang engkwentro sa pagitan ng mga pwersa ng 41st IB at ng NPA sa Lagangilang, Abra. Totoong may nangyaring labanan sa pagitan ng mga pwersa ng 41st IB at ng mga NPA sa ilalim ng Procopio Tauro Front sa Manipit, Kayapa, Lagangilang noong 9:15 ng umaga, ika-30 ng Enero, 2013. Ngunit taliwas sa pahayag ng 41st IB at 503rd Brigade ng Philippine Army, walang namatay na NPA, o kahit man lang sugatan. Sa kabilang banda, may hindi bababa sa 2 sundalo ng 41st IB ang itinakbo sa ospital matapos ang naturang labanan.

Ngunit ang mas malaking usapin matapos ang labanang ito ay ang iligal na paghuli at pag-hold ng 4 na masang magsasaka mula sa Kayapa, Lagangilang ng mga miyembro ng AFP. Magkakasama daw silang lumabas sa baryo upang maghanap ng pukyutan noong ika-30 ng Enero, 2013, sa araw mismo ng labanan, ngunit ngayon lamang nakakabalik at binantaan pa ng mga AFP na huwag magsusumbong tungkol sa nangyari sa kanila. Ang mga naihold na masa ay sina Anacleto “Killito” Tugade, Ceferino “Boying” Poclani (Barangay Kagawad ng Kayapa), Jemmy Esmie Bageng, at Bonifacio “Pacio” Bagang. Agad na hinanap ng kamag-anakan sa 503rd Brigade HQ sa Barbarit, Lagangilang ang mga naturang nawawalang masa, ngunit sinabi daw ng AFP na sa NPA hanapin. Wala sa NPA, at hindi gawain ng NPA ang manghuli at lalo na ang pumatay sa walang-salang mga indibidwal, hindi tulad ng AFP at PNP. Hindi kaya ang mga ito ang binansagan ng 503rd Brigade na mga napatay na NPA?

Dagdag pa, bago pa ang labanan, binugbog ng mga sundalo ng 41st IB si Meymar Alcantara, isang kabataang mula sa Kayapa, Lagangilang, Abra. Pinaghihinalaang taga-suporta ng NPA si Meymar Alcantara.

Muli, pakay ng mga opisyal ng AFP sa kasinungaling may 4 na NPA na napaslang sa labanan, ang magsumite ng napakagandang mga ulat para sa kanilang promosyon at limpak-limpak na salapi sa kanilang pagreretiro. Dagdag pa, layon ng mga kasinungalingang ito na makapag-pabango sa malawak na mamamayan, samantalang mas malamang ay sila ang may kagagawan sa pagkawala ng 4 na mamamayang taga-Kayapa.

Bulok sa kaibuturan ang institusyon ng PNP at AFP. Kurakot at sinungaling ang mga opisyal ng mga ito. Higit pa, hindi nila ipinaglalaban ang interes ng mamamayan, kundi ang interes ng iilang naghaharing uri at mga dayuhang monopolyo kapitalista.

Ito ang dahilan kung bakit patuloy na nabibigo ang Oplan Bayanihan at sumusulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan, tungo sa yugto ng pagkakapatas hanggang sa gabap na tagumpay.