Pagpupugay kina Kasamang Angel at King
January 25, 2013

Resize text: A+ A- Reset

TAAS-KAMAONG nagpupugay ang Bagong Hukbong Bayan-Sorsogon kina Ritchie “Ka Angel” Espenida at William “Ka King” Harilla, mga Pulang mandirigma na magiting na nakipaglaban at nag-alay ng kanilang buhay sa rebolusyonaryong paglilingkod sa sambayanan.

Sina Ka Angel at Ka King ay nasawi sa pakikisagupa sa mga pasistang tropa ng 31st Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Carriedo, Gubat, Sorsogon nitong Enero 24. Matapang na hinarap ng dalawa ang dumog na pagsalakay ng mga sundalo kahit maiiksing baril lamang ang kanilang sandata. Dalawang kaaway ang nasugatan sa labanan.

Nasawi man sila sa labanan, isang malaking dagok ang iniukol nina Ka Angel at Ka King sa aroganteng 31st IB. Kaya naman nagsisinungaling ngayon si 31st IB Commander Lt. Col. Teody Toribio at pinalalabas niyang pito (7) ang nakalaban nilang gerilya na armado raw ng malalakas na riple.

Hindi matatawaran ang kagitingan nina Ka Angel, na anim na taong tuluy-tuloy na nagserbisyo sa BHB, at Ka King, na ilang araw pa lamang sa hukbong bayan ay nag-alay na ng kataas-taasang sakripisyo.

Ang kanilang alaala ay habampanahon nang magsisilbing inspirasyon sa mga Pulang mandirigmang kanilang nakasama at sa masang magsasaka sa Sorsogon na kanilang pinagsilbihan.