Paigtingin ang Paglaban sa Papet na Rehimeng US-Aquino, Ilantad at Labanan ang Interbensyong Militar ng US sa Pilipinas, Patuloy na Magpunyagi sa Matagalang Digmang Bayan at Biguin ang Oplan Bayanihan!
December 26, 2012

Resize text: A+ A- Reset

Pahayag ng Kalihiman ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan para sa
Ika-44 na Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas—Marxismo-Leninismo-Maoismo

Disyembre 26, 2012

Salubungin natin ng nag-iibayong rebolusyonaryong optimismo ang ika-44 na Anibersaryo ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas—Marxismo-Leninismo-Maoismo. Sa dakilang araw na ito, taas-kamaong nagpupugay ang Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan (KRTK) sa lahat ng kadre’t kasapi ng Partido, sa Bagong Hukbong Bayan at sa mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan sa buong kapuluan.

Ibigay natin ang mapulang pagsaludo sa alaala ng mga rebolusyonaryong bayani’t martir na walang-pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay para itaguyod ang malaon nang hinahangad ng sambayanang Pilipino na lumaya sa kaapihan at pagsasamantala mula sa kuko ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Gawin nating inspirasyon ang kanilang buhay at pakikibaka, tularan ang kanilang halimbawa at suklian ang kanilang sakripisyo ng ibayong katapatan sa Partido at pagpupunyagi sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ating itambol ang kapuri-puring katapangan, determinasyon at katapatan ng mga kadre’t kasapi ng Partido, ng mga kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at ng rebolusyonaryong mamamayan sa kanilang patuloy na pagpupunyaging isulong sa bago at mas mataas na yugto ang ating digmang bayan at kamtin ang isang dramatikong igpaw mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagpatas.

At sa okasyong ito, muli nating sariwain ang isang bahagi ng ating sinumpaan sa Partido, sa rebolusyon at sa mamamayan na: paglilingkuran, magiging malapit, ipagtatanggol at ipaglalaban ang kapakanan ng sambayanan, at pananatilihing mataas ang dangal at prestihiyo ng Partido at pangangalagaan ang kaligtasan nito at lahat ng kasama buhay man ang ialay kung kinakailangan.

At sa diwa ng panatang ito, ibayong pasiglahin at pag-alabin ang kapasyahang gapiin ang mga kahirapan at balakid, panghawakan ang mga tagumpay at isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa ganap na tagumpay.

Ang US ang Pangunahing Banta sa Kapayapaan ng Daigdig

Ang imperyalismong US ang malaki at pangunahing banta sa kapayapaan ng daigdig. Sa harap ng pagsahol ng krisis ng monopolyo-kapitalismo, ibayong nagiging agresibo ang US sa panghihimasok at pang-uupat ng mga kaguluhan sa Asya, Latin Amerika at Aprika sa layuning panatilihin ang hegemonya’t paghahari sa daigdig.

Nasa sentro ang tambalang US, England at France sa mga panghihimasok–militar sa mga rebelyon at gera-sibil na naganap sa Libya, Egypt, Tunisia, at mga bansa sa North Africa at Middle-East sa tinaguriang Arab Spring Uprising. Ang US din ang nasa likod ng paglala ng gera sibil sa Syria at panunulsol sa Zionistang Israel sa pambobomba sa Gaza Strip na kontrolado ng Hamas.

Sa Latin Amerika, sa gitna ng lumalakas na anti-US na agos bunga ng pagkaluklok ng mga progresibo at makabayang gubyerno, nakatutok ang talim ng mga lantad at lihim na mga operasyon ng US-CIA para pahinain at sabotahehin ang mga tagumpay ng rebolusyong Cubano at ng makabayan at makamasang reporma ng anti-imperyalistang gubyerno ni Hugo Chavez sa Venezuela. Patuloy nitong ginigipit ang bansang Cuba sa pamamagitan ng patuloy na pagpataw ng economic embargo at pagpopondo sa anti-Castro at anti-Cuba na oposisyon na nakabase sa Miami, Florida. Sinusuportahan naman nito ang malalaking burges na oposisyon sa loob at labas ng Venezuela para sirain at pahinain ang gubyerno ni Chavez at sinusulsulan ang anti-Chavez na rehimen ng Columbia para gumawa ng mga probokasyong militar laban sa Venezuela sa ngalan ng pagsupil sa armadong pakikibaka ng FARC na naglalayong itayo ang isang rebolusyonaryong kaayusan sa Columbia. Samantala, gumagawa ng diplomatikong maniubra at panunuhol ang US para kaibiganin ang mga anti-US na mga gubyerno ng Bolivia, Brazil, Argentina at Chile at ihiwalay ang Cuba at Venezuela sa asosasyon ng mga bansa sa Latin Amerika.

Sa Asya, ginigipit ng US ang Iran sa pagpapataw ng economic sanction para isuko at talikuran nito ang programa sa teknolohiyang nukleyar. Ginagamit nito ang UN Convention on Anti-Nuclear Proliferation at kinakabig ang UN Security Council para palalain ang rehiyunal na tensyon at mang-upat ng gerang low-intensity. Samantala, nagpapatuloy ang pananalakay ng US sa mamamayang Afghan at Pakistan sa likod ng islogan ng pagsugpo sa pandaigdig na terorismo habang minamantine ang antas ng presensyang militar sa Iraq, Saudi Arabia at Kuwait.

Sa balangkas ng estratehiya ng US para sa ika-21 siglo, muling pinalalakas ng US ang presensya at impluensya sa rehiyong Asya-Pasipiko upang pigilan ang lumalakas na impluensya ng China sa rehiyon. Pinatatatag nito ang kontrol sa mga bansang ASEAN na pro-US at pinahihigpit ang alyansa sa Australia at Japan bilang mga proxy sa pagsusulong ng hegemonyang US sa rehiyon. Patuloy nitong pinalulubha ang tensyon sa Korean peninsula at sinusulsulan ang anti-Komunistang gubyerno ng South Korea para bantaan at gipitin ang sosyalistang North Korea.

Sa timog-silangang Asya, ang rehimeng Aquino ngayon ang masugid na papet at utusang aso ng imperyalismo. Walang kahihiyan si Aquino sa pagsusulong at pagtatanggol sa interes ng US sa kapinsalaan ng malawak na sambayanang anakpawis. Walang pag-aatubiling isinusuko nito ang pambansang soberenya at integridad para maging forward base ng US ang Pilipinas sa pagtupad ng imperyalistang ambisyon ng huli sa Asya-Pasipiko. Kamakailan lamang, buong garapal na sinusuportahan ni Aquino ang muling pag-aarmas ng Japan na magbibigay daan sa muling pag-usbong ng militarismong Hapones sa Asya. Ginagamit naman ng US ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Pilipinas para panatilihin ang permanenteng presensya ng mga tropang US sa bansa at pinalulubha ang alitan sa Spratly Islands laban sa China para lumikha ng tensyong militar at kundisyon para manghimasok ang US.

Sa gitna ng mga kaguluhang ito, ang mga sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan ng imperyalismo ay naglulunsad ng pakikibaka para sa sariling-pagpapasya at nagkakapit-bisig para igiit ang pambansang kasarinlan, kalayaan at soberanya. Magiting silang nakikibaka para palayain ang sarili mula sa pre-industrial at malapyudal na pagkaatrasado at paunlarin ang sariling mga pambansang industriya na di nalulukuban ng imperyalismo. Samantala, ang mga armadong kilusang rebolusyonaryo na pinamumunuan ng mga partidong Marxista-Leninista-Maoista sa Asya, Latina Amerika at Aprika ay determinadong palayain ang sarili mula sa neokolonyal na pagkaatrasado sa pamamagitan ng armadong pakikibaka at pagtalunton sa rebolusyonaryong landas ng demokrasyang bayan at sosyalismo.

Sa mga kapitalistang bansa sa Europa at North America, lumalawak ang mga pakikibakang masa ng mga manggagawa at mamamayang anakpawis para tutulan ang ipinatutupad ng kanilang mga gubyerno na paghihigpit ng sinturon, pagkaltas sa social security pension ng mga manggagawang blue collar, pagbawas ng subsidyo sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon, pagpapataw ng karagdagang mga buwis at ng walang-pagkabusog na korporadong pagkaganid ng malalaking pinansyal na mga institusyon. Inudyukan nito ang malawakang pagkilos ng kilusang Occupy Wall Street at mga katulad sa US at Canada, ng mga pangkalahatang welga, malalaking demonstrasyon at welgang bayan sa Spain, Greece, France at England at ng mga dambuhalang mga rali laban sa mapaniil na patakaran ng G7.

Sa harap ng pandaigdig na mga ligalig at matagalang depresyon ng monopolyo-kapitalismo, maaliwalas ang hinaharap at hitik ang paborableng mga posibilidad para magkamit ng malalaking pagsulong at tagumpay ang pakikibaka ng mga mamamayan sa daigdig laban sa imperyalismo.

Ilusyon ang Ekonomikong Pag-unlad sa Ilalim ng Rehimeng US-Aquino

Walang maaasahang tunay at makabuluhang pag-unlad ang Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Aquino. Ipinagpatuloy lamang nito ang dating neoliberal na patakaran at programa ng deregulasyon, liberalisasyon, denasyunalisasyon at pribatisasyon ng mga nagdaang rehimen mula pa kay Ramos, Estrada at Arroyo. Ang mga programa at patakarang ito ay lalong naglulubog sa bansa sa malapyudal at pre-industriyal na pagkaatrasado’t neokolonyal na pagkagapos sa imperyalismong US.

Ang programang Public-Private Partnership o PPP na tinaguriang centerpiece program ng gubyernong Aquino ay naglalayong isapribado ang mga publikong serbisyo, yutilidad at imprastruktura, isubasta ang pambansang patrimonya’t isuko ang pambansang soberanya para sa pagpasok ng dayuhan at pribadong pamumuhunan ng malalaking negosyo. Hindi karaniwang tao ang tunay na makikinabang sa PPP kundi mga dayuhan at malalaking negosyo.

Samantala, para diumano ibsan ang kahirapan, higit na pinalawak pa ni Aquino ang conditional cash transfer program o CCT ng dating rehimeng Arroyo na isang programa para mamudmod ng limos na pera sa pinakamahihirap na 4.3 milyong pamilyang Pilipino na puponduhan mula sa dayuhang pangungutang. Noong 2011 lamang, nangutang ang gubyerno ng US$805 million sa World Bank at Asian Development Bank (ADB) para ponduhan ang inilaan nitong Php22 bilyong badyet at kung saan, sa bawat Php4 pinanlilimos, Php1 ang binabalikat ng gubyerno habang nagbabayad ito ng US$5 sa bawat US$4 na inutang. Kaya, sa halip na lumikha ng trabaho at sustenableng pag-unlad, nililikha at pinararami ng CCT ang milyon-milyong pulubing pamilya na umaasa sa pamamalimos ng rehimeng Aquino at lalong inilulubog ang bansa sa kumunoy ng walang katapusang pangungutang.

Kamakailan, nagmamalaking itinatambol ng rehimeng Aquino ang 7.1% paglago ng GDP para sa ikatlong kwarto ng 2012 bilang pinakamabilis sa buong timog-silangang Asya. Subalit ang hindi binabanggit at pinagtatakpan ng mga tagapagsalita ng rehimen, na ang paglagong ito ay nangyari sa gitna ng malaganap na kawalan ng trabaho. Sa katunayan, ang 7.0 porsyento ng walang trabaho sa Pilipinas na inaamin ng gubyerno, ang pinakamataas sa buong ASEAN mula sa naitalang datos sa Thailand (0.9%), Laos (1.4%), Cambodia (1.7%), Vietnam (2.0%), Singapore (2.0%), Brunei (2.6%), Malaysia (3.0%), Myanmar (4.0%) at Indonesia (6.5%). Sa kabila ito na sinalamangka ng mga teknokrata ni Aquino ang pakahulugan ng kategoryang “may trabaho at walang trabaho” upang ikulumpol sa diumanong may trabaho ang mga may maliliit na sari-sari stores, kainan sa bangketa, mga maglalako at mga katulad, at ang di-binayarang paggawa sa pamilya o unpaid family labor, bilang mga bagong trabaho.

Mula sa parehong kwarto ng 2011, 477,000 trabaho lamang ang nadagdag nitong Hulyo 2012 o kulang sa kalahati ng target na 1 milyong bagong trabaho bawat taon. Halos di nagbago ang upisyal na datos ng gubyerno na 7.0% tantos ng walang trabaho mula sa 7.1% sa nakaraang taon o tinatayang 2.8 milyon mula sa sinalamangkang datos at ginawang kategorisasyon ng NSCB. Subalit ipinakikita mula sa ginawang pagtutuwid ng IBON na mas mataas ang walang trabaho sa bansa na bumibilang sa 4.6 milyon.

Higit pa, marupok ang tinutuntungan ng diumanong 7.1% paglago ng GDP. Mismong sariling datos ng rehimen ang nagpapakita na nagmumula ang paglagong ito pangunahin sa sektor ng serbisyo na mababa ang potensyal na lumikha ng bagong trabaho, produktibidad at kita kung ihahambing sa sektor ng manupaktura at agrikultura. Itinulak ang paglagong ito pangunahin ng 24% paglago mula sa gastos sa konstruksyon ng mga retail malls, ispasyo para sa mga opisina at pabahay dahil sa ispekulasyon na magtutuloy-tuloy ang paglago ng mga operasyon sa pagnenegosyo at paggasta ng mga konsyumer mula sa ipinadadalang dolyar ng mga migranteng manggagawa. Nagmumula din sa sektor ng kalakalang bultuhan (wholesale) at tingi (retail) ang 7.5% paglago sa unang 9 na buwan ng 2012. Kabaligtaran nito ang di nagbagong paglago sa sektor ng manupaktura na 5.3% samantalang bumagal ang paglago ng sektor ng agrikultura tungong 1.8% mula 4.9% sa parehong panahon sa nakaraang taon.

Makukumpleto ang larawan ng kawalan o kakulangan ng trabaho sa bansa kung isasama pa dito ang inaamin ng rehimen na mahigit sa 8.54 milyong o 22.7% kulang sa trabaho noong Hulyo 2012 na mas lumaki sa naitalang 7.09 milyon o 19.1% sa parehong panahon noong 2011.1

Sa SWS surbey naman ng Agosto 2012, lumaki ang tantos ng walang trabaho mula sa naitala noong Mayo na 26.6% tungong 29.4%.—12% sa nawalan ng trabaho ang nagbitiw, 13% ang nawalan ng trabaho alinman sa dahilan na tinanggal sa trabaho (1%), di na binago ang kontrata (10%) o nagsarang empresa (2%). Mas malaganap ang kawalang trabaho sa hanay ng kababaihan na lumaki mula 36.4% tungong 42.5%. Samantala, mahigit 40% ng mga walang trabaho ay mga tapos ng kolehiyo na nagpapakita lamang ng kabiguan ng reaksyunaryong estado na magpatupad ng modernisasyon ng ekonomya para higupin ang lumalaking bilang ng reserbang paggawa sa bansa.

Kaya ang nag-iisang malaking tanong: kung lumago ang ekonomya gayung patuloy na lumaki ang kawalan at kakulangan ng trabaho, saan napupunta at sino ang nakikinabang ng kaunlarang ito? Malinaw na hindi ang maliliit na mamamayan kundi ang sektor ng malalaking negosyo na kontrolado ng dayuhan at lokal na mga naghaharing uri at mga burukrata-kapitalistang nasa gubyerno.

Hindi kailanman lulutasin ng mga neoliberal na reporma ang agrikultural at pre-industriyal na pagkaatrasado ng bansa. Hanggat walang tunay na reporma sa lupa, magpapatuloy ang atrasadong mga relasyon sa produksyon sa kanayunan batay sa hiwa-hiwalay at maliitang produksyon. Magpapatuloy ang malaganap na kawalan at kakulangan ng trabaho. Magpapatuly ang malaganap na paghihikahos. At hanggat patuloy na nalulukuban ng imperyalismo ang ekonomya ng bansa, walang mangyayaring pambansang industrialisasyon na hahawan ng daan para sa modernisasyon ng industriya at agrikultura.

Nilulutas ng rebolusyong agraryo at tunay na reporma sa lupa ang ugat ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal, pinahihina at binabali ang gulugod ng pyudal na kapangyarihan sa kanayunan at pinalalaya ang enerhiya ng mga produktibong pwersa para sa pagpapaunlad ng produksyong agrikultural. Samantala, nililikha ng pambansang industriyalisasyon ang mga kundisyon sa pagbubuo at akumulasyon ng pambansang kapital para sa modernisasyon ng industriya at agrikultura, pinalalaya ang pambansang kapital mula sa kontrol ng malalaking negosyo at pinansyal na intrumento ng mga dayuhan at lokal na entidad at ginagamit ito para sa pagpapasigla ng lokal na ekonomya para tugunan ang pangangailangan ng lumalaking pwersa sa paggawa at buong lipunan.

Ang masahol na pagkapapet ng rehimeng Aquino sa imperyalismong US ay ibayong magpapalala sa krisis ng lipunang Pilipino. Sa malao’t madali, hahalinhan ng disgusto ang labis na inaasahan ng sambayanang Pilipino sa mga pangakong reporma at “matuwid na daan” ng rehimeng Aquino. Habang tumatalas ang mga kontradiksyon sa lipunang Pilipino at habang mabilis na bumubulusok ang krisis sa ekonomya’t pinansya ng imperyalismo, mas pabibilisin ang proseso ng pagkawasak ng bulok-sa-kaibuturang pyudal at malapyudal na sistema ng Pilipinas. Subalit hindi kusang mangyayari ito. Kakailanganin ng isang rebolusyon para likhain ang isang maaliwalas na bukas para sa mamamayang Pilipino.

Patuloy na Umiiral ang mga Kundisyon para sa Rebolusyon sa Bansa

Sa kabila ng mga retorika at burges na ilusyon para sa reporma at pagbabago na pinaypayan ng midya at sa ilalim ng islogang “daang matuwid” ni Benigno Simeon Aquino III, nagpapatuloy na lumalalim ang mga panlipunang kundisyon para sa panlipunang rebolusyon sa Pilipinas. Dalawang taon makalipas, ang mga ipinagmamaraling reporma ng rehimeng Aquino ay di man lang kumanti ni katiting sa ekonomiko at pulitikal na interes at kapangyarihan ng malalaking naghaharing burgesya-kumprador, panginoong maylupa at burukrata-kapitalista sa bansa. Nananatiling dominado at monopolisado ang kapangyarihan sa lipunang Pilipino ng kulang sa isang porsyento ng populasyon—ng mga gahaman at lintang may kontrol at impluensya sa malalaking negosyo, pinansya at pagbabangko, malalawak na plantasyon, trosohan at minahan at mga dinastiyang protektor ng mga interes na ito na malalim na nakabaon ang hawak sa reaksyunaryong burukrasya. Sa nakalipas na dalawang taon, ang tanging ginawa ng rehimeng Aquino ay buwagin ang kontrol at kapangyarihan ng karibal na paksyong Arroyo at konsolidahin ang kontrol at impluensya ng sariling paksyon at angkan sa reaksyunaryong gubyerno, todong magpakapapet at maging numero unong utusang aso ng US, at buo-buong isuko ang soberanya, patrimonya at kasarinlan ng bansa para sa hegemonyang interes ng imperyalismong US sa Asya-Pasipiko.

Sa buong bansa, nananatiling mailap ang paghahanap ng malawak na mamamayan ng panlipunang hustisya.

Labis na pinipiga ng supertubo ang masang manggagawa dulot ng samu’t-saring iskema ng pagpapatindi ng kapitalistang pagsasamantala, at sa kabilang banda, marahas na sinusupil ang karapatan ng masang manggagawa sa pag-uunyon, pinagkakaitan ng karapatang magtamasa ng makataong kundisyon sa trabaho, makipagtawaran sa kapitalista at mamuhay bilang disenteng tao.

Ang patakarang neoliberal na globalisasyon na ipinapataw ng imperyalismong US ay tuwirang atake sa masang manggagawa at kilusang paggawa. Itinataguyod ng patakarang ito ang pagkitil at malawakang pagmasaker sa regular na trabaho, pagbuwag sa organisadong paggawa at pagpapatupad ng labis na mapagsamantala at mapanupil na iskema ng kontraktwalisasyon, labor flexibilization, at kaswalisasyon. Ang layunin ng iskemang ito ay buwagin ang organisadong paggawa, itulak sa pinakamababa ang minimum na sahod, tanggalin ang mga benipisyong naipagwagi sa collective bargaining at pigain ang lakas-paggawa ng uring manggagawa ng papalaking superganansya para sa gahamang interes ng mga kapitalista.

At habang hinahagupit ng krisis ang pandaigdig na sistema ng monopolyo-kapitalismo, higit ang paghuhurumentado ng mga kapitalista na pumiga ng papalaking tubo mula sa masang manggagawa at malawak na sambayanang anakpawis.

Kamakailan, para akitin ang dayuhang mamumuhunan sa bansa, tusong ipinatupad ni Aquino ang 2-tier wage system o ang dalawang andanang iskema sa pagpapasahod sa 11 rehiyon sa bansa. Unang iniksperimento ito sa Calabarzon kung saan sa ilalim ng iskemang 2-tier wage system, papalitan ang kasalukuyang mababa na ngang minimum na sahod ng ibayong mas mababa pang halaga na katumbas ng pagkaltas ng hanggang 30 porsyento sa minimum na sahod. Binabaklas ng iskemang ito ang mismong minimum na sahod at itinatakda ang sahod at anumang dagdag dito sa dalawang paraan—ang unang andana na tinatawag na “floor wage” ay ibinabatay sa “poverty threshold” ng bawat rehiyon o ang halaga ng mga kinakailangan ng isang pamilya para masabing hindi na ito naghihirap; at ang pangalawang andana ay ibabatay sa produktibidad ng mga manggagawa sa isang kumpanya o linya ng mga industriya kung saan ang kumpanya ang nagtatakda batay sa sarili nitong pagtaya sa produktibidad ng mga manggagawa. Dapat mariing labanan ito ng masang manggagawa dahil direktang pag-atake ito sa kanilang karapatan para sa disenteng pasahod, regulasyon sa minimum na sahod at collective bargaining.

Samantala, mas naging brutal ang demolisyon sa mga komunidad at pook-tirahan ng mga maralita sa kalunsuran at mas maigting ang paglaban dito ng mga maralitang lungsod. Matapos makuha ang boto at suporta ng mga maralitang lungsod dahil sa pagdadala ng huwad na platapormang makamahirap sa nagdaang halalang pampanguluhan, walang habas na sinasagasaan at marahas na winawasak ng mga iskwad sa demolisyon ang mga pook-panirahan ng mga maralita sa kalunsuran para ipwersa ang mga proyekto at negosyo sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP)—isang programang kontra-masa at kontra-mahirap at pumapabor sa malalaking negosyo at dayuhang interes.

Sa kanayunan, nananatiling timawa at atrasado ang kalagayan ng masang magsasaka na bumubuo ng 75 porsyento ng populasyon sa bansa at kung saan ang 75-80 porsyento ay mga maralitang magsasaka. Patuloy na nagiging mailap sa kanila ang kalutasan ng dantaong suliranin sa kawalan ng lupa. Ang nagsalin-saling pakete ng reporma sa lupa na inihain ng naghalinhinang rehimen mula kay Roxas hanggang kay Benigno Aquino III ay puno ng mga probisyong mapanggantso na ang layunin lamang ay payapain ang nagpupuyos na galit ng masang magsasaka at sa dulo’y buksan ang panibagong rekonsentrasyon ng lupa sa iilang angkan ng malalaking panginoong maylupa.

Sa ganitong mga huwad na reporma sa lupa kinamkam ng angkang Cojuangco-Aquino ang Hacienda Luisita sa masang magsasaka. Ni ang diumanong Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ni Corazon Aquino ay nabigong kantiin ang kontrol ng mga Aquino-Cojuangco sa Hacienda Luisita na sa pamamagitan ng maniubrang stock-distribution option (SDO) ay nagawang ikutan ang pamamahagi ng lupa ng asyenda; at ngayon, sa ilalim ng CARPER (CARP Extension with Reform) ni Benigno Aquino III at ng ispesyal na ahente nitong Akbayan, nais na muling pahabain ang panibagong iskema ng panggagantso sa masang magbubukid ng inutil na CARP at magkaroon ng programang magagatasan ang mga panginoong maylupa.

Katulad ng mga kapatid nitong magsasaka, ang mga katutubong mamamayan ay biktima din ng malawakang pangangamkam at pagpapalayas mula sa kanilang lupang ninuno ng mga dambuhalang negosyo sa pagmimina, pagtotroso at agro-korporasyon. Dumadanas sila ng sari-saring anyo ng diskriminasyon mula sa sobinismong Kristiyano at sobinismo ng mga tagapatag. Dagdag na pahirap sa kanila ang malalaking proyekto sa pagtatayo ng dam at malawakang ispekulasyon ng lupa para sa eko-turismo.

Halimbawa, sa Mindoro, katulong sa panggagantso sa mga katutubo ang mga ahensya tulad ng National Commission for Indigenous People (NCIP) at mga reaksyunaryong NGO tulad ng PLAN International na mga aktibong katuwang ng AFP para sa kontra-insurhensyang programa ng Oplan Bayanihan. Sa Palawan naman, ginagamit ng Sagip-Kalikasan ang tabing ng pangangalaga sa likas-yaman ng Palawan para protektahan ang interes ng malalaking negosyo sa pagmimina laban sa maliliit na magmimina at ng mga proyektong eko-turismo laban sa maliliit na mamamalakaya sa industriya ng pangingisda. Sa Rizal at hilagang Quezon magkatulong ang NCIP, mga reaksyonaryong NGO na nakabase sa simbahan sa panlilinlang at minimal lamang ang nakakaabot ng tulong sa mga katutubo dahil sa korupsyon.

Produkto ng dantaong kawalan ng lupa at mga atrasadong relasyong pyudal at malapyudal ang labis-labis na paghihikahos ng masang magsasaka at ang malaganap na kawalan ng hanapbuhay sa kanayunan. Ito ang ugat ng panlipunang tensyon sa hanay ng mga magsasaka upang patuloy na makibaka para sa katarungang panlipunan. Pinalulubha pa ito ng mga bagong batas, mga pagpapalawig ng dating huwad na batas sa reporma sa lupa, sa pangisdaan at pagmimina.

Sa Quezon, ang mga magsasaka sa nyugan laluna sa timog Quezon, ay muling nagbibigkis upang ipaglaban ang pagbawi sa Php842 bilyong coco levy fund na kinikil ng sabwatang Marcos-Enrile-Cojuangco-Romualdez mula sa 3.5 milyong magsasaka sa niyugan noong panahon ng diktadura samantalang sa gitnang Quezon na konsentrasyon ng mga pabrika sa desikadura, oil mills at kopra ay nagpapanibagong sigla ang kanilang pagkilos at paglaban para sa mga karapatan at kagalingan. Makatarungang ipaglaban ang paglalaan ng bahagi ng pondong coconut levy para sa kagalingan ng mga manggagawa at manggagawang bukid at gayundin sa mga magsasaka sa Batangas na apektado ng sakit sa nyugan na nagpalala lalo sa kahirapan ng mamamayan.

Sa iba’t ibang panig ng rehiyon, patuloy na nilalabanan ng lumalakas at lumalawak na mga kilusan ng masang magsasaka, mangingisda at mamamayan ang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas ng malalaking debeloper sa real estate, mga kumpanya sa pagmimina’t agro-korporasyon at mga proyekto para sa eko-turismo. Tampok dito ang pakikibaka ng masang magsasaka sa Hacienda Looc at Hacienda Roxas sa Batangas, Hacienda Yulo sa Laguna, lupang Aguinaldo sa Cavite, Hacienda Reyes, Murray at Matias sa timog Quezon at Pujalte Estate sa Palawan bilang ilan lamang sa maraming mga kaso sa rehiyon.

Samantala, lumalakas ang paglaban ng mamamayang Batangueño laban sa pagmimina ng Mindoro Resources Limited (MRL). Matapang namang nilalabanan ng mga katutubong Palaw-án ang mapangwasak na operasyon sa pagmimina ng Citinickel Mining Corporation sa bayan ng Sopronio Española tulad din ng ginagawang paglaban ng mga Mangyan sa Mindoro sa operasyon sa pagmimina ng Intex Resources (dating Mindex Mineral Crew) at pagpasok pa ng Agusan Petroleum at Pitkin Ltd. Masiglang nilalabanan din ng mga mamamayan ng rehiyon ang mga dambuhalang proyekto sa pagtatayo ng dam na magpapalubog sa maraming komunidad tulad ng Kaliwa-Kanan Dam Project at Laiban Dam Project sa hilagang Quezon at Rizal. Pinag-alab pa ng pinalawig na huwad na CARPER ang pangangamkam ng mga lupain, ang militarisasyon at ang kaapihan ng mga mangingisda at maralita sa kanayunan.

Ang malaganap na kahirapan at inhustisya-sosyal sa kanayunan ay matabang lupa para hanapin ng masang magsasaka at iba pang uring pinagsasamantalahan at inaapi ang rebolusyonaryong solusyon sa malaon nang problema sa lupa. Sa mga lugar na sinasaklaw ng mga sona at larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan, papalaki ang kanilang hanay na sumusuporta sa armadong pakikibaka at rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa. Sa mga lugar na ito kung saan matagumpay na naipatutupad ang minimum at maksimum na layunin ng rebolusyong agraryo, mas namumulat ang masang magsasaka na ang tanging landas para palayain ang kanilang sarili sa pyudal at malapyudal na pambubusabos ay ang landas ng armadong pakikibaka at demokratikong rebolusyon ng bayan.

Sa kaparehong tindi, ang kababaihan ay dumaranas ng grabeng pang-aapi at diskriminasyon sa pook-trabaho at lipunan. Ang mga kababaihang manggagawa, magsasaka at katutubo bukod sa katulad na pahirap na tinatamasa ng mamamayan ay higit na bumabalikat ng dagdag na pang-aapi, karahasan at pagsasamantala hindi lamang sa kamay ng mga malalaking panginoong maylupa, burgesya kumprador at burukrata-kapitalista kundi sa diskriminasyon sa kanila bilang babae.

Ang petiburgesya sa kalunsuran kabilang ang maliliit na propesyunal at kawani ng gubyerno ay hirap na makaagwanta sa paghihigpit ng sinturon para tugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan dahil sa walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin gayundin sa lumalaking bayarin sa tubig, LPG at kuryente.

Ang maliliit na kawani sa gubyerno kabilang ang mga guro ay pinagkakaitan ng mga karapatang magbuo ng mga lehitimong samahan na magsusulong ng kanilang kagalingan at para sa collective bargaining. Nanatiling nakapako sa di makabubuhay na halaga ang kanilang sweldo, iniipit ang mga benipisyo at isinusubsob sa mahabang oras ng pagtatrabaho nang walang sapat na kumpensasyon. Labis nilang tinutulan ang tiwaling palakad at kabulukan sa gubyerno at aktibong kumikilos para baguhin ang kanilang kalagayan at isulong ang mga karapatan at kahilingan para sa kanilang kagalingan at umento sa sweldo.

Gayundin, ang sektor ng kabataang estudyante ay paulit-ulit na tinatamaan ng patuloy na tumataas na mga bayarin sa matrikula at miscelleneous fees dahil sa komersyalisasyon ng sistema sa edukasyon habang patuloy namang sumasamâ ang kalidad at mga pasilidad sa edukasyon. Sa kabilang banda, nililimitahan ang kanilang malayang paghahanap ng karunungan sa ngalan ng pagsusulong ng kalayaang akademiko, sinusupil ang malayang pamamahayag sa kampus sa pamamagitan ng isang malaya, nagsasarili at demokratikong mga konseho at dyaryo ng mga estudyante. Pinasusuot sa butas ng karayom ang pagkilala ng mga lehitimong organisasyon ng mga estudyante at ipinatutupad ang samut-saring anti-estudyanteng paghihigpit sa kanilang mga aktibidad upang ilayo sila sa landas ng militanteng pagkilos at paghahanap ng solusyon sa problema ng lipunan at ng sektor. Nangunguna ang militanteng seksyon ng kabataan at estudyante sa mga protesta para isulong ang pagkakamit ng demokratikong reporma sa loob ng eskwelahan, tutulan ang pagtaas ng mga bayarin sa matrikula, igiit ang kalayaan sa akademiko at pamamahayag, at makipagbigkis sa pakikibaka ng uring anakpawis.

Labis namang pinahihirapan ang mga namamasadang tsuper dahil sa paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina na labis na nagpapaliit ng kanilang kinikita sa araw-araw. Labis na pabigat sa kanila ang Oil Deregulation Law na nag-alis ng natitirang regulasyon at kontrol sa pagpipresyo ng mga produktong petrolyo. Dahil dito, paulit-ulit na naglulunsad ng mga protesta at tigil-pasada ang militanteng kilusan ng mga tsuper para tutulan at labanan ang bawat iskema ng mga dambuhalang kumpanya sa langis na patuloy na pumiga ng superganansya kapalit ng paghihikahos ng malawak na sambayanan.

Sa kabilang panig, sa balangkas ng Oplan Bayanihan, higit na nag-iibayo ang bangis na pinakakawalan ng rehimeng Aquino sa pagsupil sa nakikibakang mamamayan na nagsusulong ng mga kahilingan para sa kanilang kabuhayan at kagalingan. Mas malupit at malawak ang saklaw ng mga operasyong militar sa kanayunan at kalunsuran na nagtatago sa maskara ng “kapayapaan at kaunlaran”. Sa Timog Katagalugan (TK) lamang, naitalang sa panahon mula Hunyo 2010 hanggang Nobyembre 2012, umabot na sa 2,329 na indibidwal, 72 mga bata, at 3,820 pamilya ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng AFP at PNP. Sa 300 dokumentadong kaso sa TK, 20 ang naging biktima ng pamamaslang sa 129 kaso sa bansa, 3 ang kaso ng pagdukot sa kabuuang 12 kaso, 5 kaso ng bigong pamamaslang sa kabuuang 150 kaso, 26 ang tinortyur sa naitalang 72 kaso, at 76 kaso ng iligal na pag-aresto at iligal na detensyon sa kabuuang 467 kaso sa bansa. Sa panahon ni Benigno Aquino III, naitala ang 64 na bilanggong pulitikal sa rehiyon na hinigitan pa ang naitalang bilang noong rehimeng Arroyo. Ang mga dokumentadong kasong ito ay dulo lamang ng higit na marami pang kaso ng di naitala o naiulat sa mga upisina ng mga organisasyon para sa karapatang-tao.

Sa pagtatalaga ni Aquino kay Brig. Gen. Eduardo Año bilang pinuno ng kinasusuklamang Intelligence Service of the AFP (ISAFP), sa kabila ng maraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa TK at pagiging sangkot sa mga sapilitang pagkawala ng mga aktibista tulad ng sa kaso ni Jonas Burgos ay indikasyon na hindi maglulubay kundi magpapatuloy sa ilalim ng kanyang rehimen ang kultura ng impunity o ang di pagpapanagot at paglibre sa pag-uusig sa mga nagkakasalang elemento ng reaksyunaryong gubyerno. Binuksan din ni Aquino ang pagbaha ng mga paglabag sa karapatang-tao sa pagtataas ng patong sa ulo ng mahigit sa 300 mga lider at personahe ng CPP-NPA-NDFP kahit malinaw na nilalabag nito ang mga kasunduan sa Joint Agreement on Security and Immunity Guarantee (JASIG) sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Pilipinas. Sa katunayan, inilalatag na lamang ni Aquino ang mga kalagayan para tapusin na ang usapang pangkapayapaan at pakawalan ang all out war laban sa rebolusyonaryong armadong kilusan ng CPP-NPA-NDFP.

Ang mga kaganapang ito ay maliwanag na katibayan na walang mababanaag na pampulitikang solusyon sa kasalukuyang gera sibil sa Pilipinas hanggat ang nakaluklok na naghahari sa bansa ay di tatalikuran ang antimasa, antidemokratiko at pro-imperyalistang patakaran sa ekonomya at pulitika.

Ibayong mas magiging masahol ang krisis ng malapyudalismo at neokolonyalismo sa Pilipinas sa ilalim ng paghaharing Aquino. Nakatakdang hilahin ang krisis ng naghaharing sistema sa bansa sa kailaliman ng nagpapatuloy na pandaigdig na resesyon at depresyon sa ekonomya bunga ng pagsasanib at nagpatong-patong na domestikong krisis ng Pilipinas sa krisis sa pinansya, pautang at krisis ng labis na produksyon na bumabayo sa monopolyo-kapitalismo.

Higit na pabibilisin ng panloob at pandaigdig na krisis ng monopolyo-kapitalismo at neokolonyalismo ang panibagong pagkahinog ng krisis ng mga naghaharing-uri sa Pilipinas at pabibilisin ang pangkalahatang paghina ng nabubulok na sistemang panlipunan sa bansa. Sa kabilang panig, uudyukan nito ang malawakang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa pasista at papet na rehimeng Aquino at bibiguin ng popular na paglaban ng bayan ang malakas na tunguhin ng pasisasyon at kagustuhang patatagin ang paghahari ng angkang Aquino-Cojuangco.

Patuloy na Nagkakamit ng Tagumpay ang Rebolusyon sa TK sa Gitna ng Napakahirap na Sitwasyon

Higit kaysa nakaraan, determinado ang Komiteng Rehiyon ng Partido sa TK na dalhin at pamunuan ang rebolusyonaryong pakikibaka sa bago at mas mataas na antas—tungo sa isang dramatikong igpaw ng digmang bayan—sa estratehikong pagpatas.

Nanatiling sapat ang napreserbang lakas ng kilusan sa kanayunan at kalunsuran upang patuloy itong makapagpunyagi at makapangibabaw sa gitna ng maraming kahirapan at limitasyon—mga kahirapan na ibinunga ng pinaigting na pananalakay ng rehimeng Aquino sa ilalim ng Oplan Bayanihan; at mga limitasyon na kakabit pa ng mababang antas ng ating pakikidigmang gerilya. Kahit sa maraming disbentahe, ang Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong mamamayan ay nakapagkakamit ng makabuluhang inisyatiba sa pulitika at militar upang ilunsad ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya at mga pakikibakang pampulitika’t pang-ekonomya sa kalunsuran at kanayunan.

Sa mga teatrong gerilya, napanatili humigit-kumulang ang bilang ng mga larangang gerilya na iba’t iba ang laki. Sinasaklaw ng mga larangang gerilya ang ilang milyong populasyon ng mamamayang nasa 75 bayan at mahigit 600 baryo na nakikilusan at nagbubuklod sa may ilan daang libo ng populasyon ng baseng masa ng rebolusyon. Sapat ang lakas ng hukbong bayan upang sumulong nang paalon at hakbang-hakbang at higit sa sapat ang kasalukuyang lakas-pamutok ng BHB para armasan ang higit na maraming mga bagong rekrut na mandirigma.

Kahit sa gitna ng pinaigting na focus and contain at focus and destroy operations and campaigns ng mersenaryong AFP, napanatili ng hukbong bayan ang inisyatiba sa pulitika at militar. Nailunsad ng hukbong bayan sa rehiyon ang 105 na mga taktikal na opensiba sa nakaraang tatlong (3) taon na nagbigay-dagok sa kaaway ng 91 napatay sa labanan at 70 sugatan. Hindi pa kasama dito ang 33 patay at 14 sugatan na kaaway sa mga depensiba labanan kung saan nakuha ng hukbong bayan ang kalamangan at inisyatiba. Kinumpiska sa mga labanang ito ang kabuuang 131 sandata kabilang ang 2 light machinegun (1-K3 at 1-M60), 4 na grenade launcher (3-M203 at 1-M79), 66 mataas na kalibreng riple, 5 sub-machinegun/machine pistol, at 54 na mga pistola. Pinakatampok dito ang pagkadurog ng 1 platun ng 22nd DRC sa isang platun-sa-platung labanan sa Mindoro noong 2010 at ang ambus sa SAF-PNP sa Rizal ng mga pwersang gerilya noong 2010.

Nito lamang Disyembre 2012, nailunsad ang sampung taktikal na opensiba sa tatlong probinsya ng rehiyon kung saan ang pinakatampok ay ang reyd sa istasyon ng pulis sa Roxas, Palawan at ang pagpaparusa sa mapaminsalang operasyon ng mga kumpanya sa pagmimina ng Citinickel Mining Corporation sa bayan ng Sopronio Española, Palawan at ng Veronica Iñiquez Lee Mines Corporation at Macro Asia sa Tagkawayan, Quezon na mga pag-aari ni Danding Cojuangco. Kinumpiska ng BHB sa mga operasyong ito ang malalakas na kalibreng riple at maraming kagamitang militar.

Makabuluhan ang mga natipong tagumpay ng pagsusulong ng mga pakikibakang antipyudal at rebolusyong agraryo sa mga larangang gerilya. Nakinabang ang puo-puong libong mga maralita at mababang panggitnang magsasaka sa mga kampanya para ibaba ang upa-sa-lupa, itaas ang presyo ng mga produktong bukid sa farmgate, itaas ang sahod ng mga manggagawang-bukid at hakbang-hakbang na pawiin ang usura. Sa ilang piling lugar na ipinahihintulot na ng kalagayan, selektibong ipinatutupad ang pamamahagi ng mga lupaing panginoong maylupa na kinumpiska ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika o sadyang pinabayaan nang nakatiwangwang ng mga absentee landlords.

Sa mga lugar ng mga pambansang minorya, sinimulan na ang pamamahagi ng lupa sa mga katutubo mula sa lupaing nabawi sa malalaking pastuhan at sa nauna nang sama-samang inukupahan ng kanilang mga samahan at komunidad para kolektibong bungkalin at gawing produktibo. Sa mga lugar na ito, pinamamahalaan ng mga lokal na gubyerno ng mamamayan, mga samahang masa at mga sangay ng Partido ang mga kampanya sa sama-samang paggawa, pagpapaunlad ng kooperasyon at produksyon.

Ang mga tagumpay sa pagpapatupad ng reporma sa lupa ng rebolusyonaryong kilusan ang matibay na haligi na pinagmumulan ng walang pagkasaid na suporta ng masang magsasaka sa demokratikong rebolusyong bayan—isang matibay na haligi na di maitutumba ng anumang uri ng panloloko at panunupil na pakakawalan ng mersenaryong AFP sa baseng masa ng rebolusyon.

Kaya kahit paulit-ulit na salakayin, buwagin at wasakin ng AFP ang mga samahan ng mamamayan sa mga larangang gerilya at magtagumpay silang pansamantalang maitaboy ang mga pwersang gerilya, ang baseng masa ng rebolusyon ay palaging handang magbigay ng suporta at tangkilikin ang mga pwersang gerilya tuwing babalikan at babawiin nila ang mga lugar na pansamantalang naiwanan.

Ipinakita ang katotohanang ito sa maraming karanasan natin madaling nabawi’t nabalikan ang mga winasak na komunidad ni Gen. Jovito Palparan sa Mindoro at paulit-ulit na napatotohanan ito sa mga kanarasan natin sa Timog Quezon-Bondoc Peninsula, Batangas, Rizal, Laguna at sa iba pang bahagi ng rehiyon.

Patuloy na pinamumunuan ng Partido ang rebolusyonaryong kilusang masa ng mga manggagawa’t mga maralitang lungsod, magsasaka, kababaihan, kabataan at estudyante, at iba pang seksyon ng petiburgesyang lungsod sa kalunsuran ng rehiyon at mga puting erya. Sa direksyon ng Partido, patuloy na nag-aambag ng makabuluhang suporta ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran sa isinusulong na armadong pakikibaka at mga pakikibakang antipyudal sa kanayunan ng masang magsasaka. Hindi masusukat ang halaga ng naging ambag ng kalunsuran sa paglalantad at pagpapapurol ng pasistang panunupil ng AFP at lumalawak na militarisasyon sa kanayunan.

Sa mga kampanya at pakikibakang pampulitika, mariing nilabanan at inilantad ng demokratikong kilusan sa kalunsuran ang bawat pasistang abuso at nagbigay ng makabuluhang suporta sa pulitika sa kilusang magsasaka at armadong pakikibaka. Mahalaga ang ginampanang papel ng mga pwersa sa kalunsuran upang kabigin ang suporta ng panggitnang pwersa’t upinyong publiko.

Maraming beses na binigo ng kilusang lihim sa kalunsuran ang paulit-ulit na atake’t panunugis ng mga pwersang panseguridad ng rehimen sa layuning pinsalain at pilayin ito at lagutin ang epektibong ugnay at koordinasyon sa mga pakikibaka at kilusan sa kanayunan. Tuwing sasalakayin ng mga pwersang panseguridad ng estado ang hayag at lihim na kilusan, kaagad na sinasalubong ito ng malakas na pagtutol at paglaban mula sa organisadong mamamayan sa kalunsuran. At sa tuwing ilalabas ng estado ang kanyang pasistang pangil, lalong napabibilis ang paglalantad sa mata ng malawak na mamamayan ang marahas na mukha ng estado ng naghaharing rehimen at nahuhubaran ito ng mga demokratikong pagpapanggap.

Sa pamumuno ng Partido, malawakang pinupukaw, inoorganisa at pinakikilos ang mamamayan para sa demokratikong rebolusyong bayan. Sa mga kampanya at pakikibakang masa, lumilitaw ang maraming aktibong elemento sa kalunsuran na handang pumaloob sa kilusang lihim at marekrut sa Partido. Ang mga napanday sa hanay nila ang bukal ng mga potensyal na rekrut para sumapi sa hukbong bayan at lumahok sa armadong pakikibaka.

Malalim na nakaugat ang Partido sa rehiyon sa masang manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at estudyante, at iba pang seksyon ng petiburgesyang lungsod. Ang kasapian nito na bumibilang ng ilang libo ay gulugod ng matatag na pagsulong ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran. Sa kanila magmumula ang bagong henerasyon ng mga kadre at lider ng Partido upang tiyakin ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng rebolusyon.

Sa nagdaang mahigit sa isang dekada, ang mga rebolusyonaryong pwersa sa TK ay matagumpay na nakapangibabaw sa mga kahirapan ng malawakan, sustenido at matinding pananalakay at pagsupil ng mga pwersang pasista mula pa ng rehimeng Arroyo sapul 2000 hanggang sa kasalukuyang paghahari ng rehimeng Aquino. Magiting na nakibaka ang mga rebolusyonaryo sa rehiyon upang biguin ang Oplan Bantay-Laya I at II, at hinaharap nito ang lupit ng kasalukuyang Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino. Sa kalahatan, nakapagpreserba ng sapat na lakas ang rebolusyonaryong kilusan sa TK upang muling sumulong mula sa mga pansamantalang pag-atras at kabiguan sa ilang bahagi at saklaw.

Samantala, may mga bahagi ng rebolusyonaryong kilusan ang nagpapakita ng banayad na pagsulong at panibagong pagbawi mula sa mga komulatibong pinsala ng OBL I at II at Oplan Bayanihan. Patuloy na nagpupunyagi ang hukbong bayan na bigyan ng dagok ang mga pwersang pasista ng mga anihilatibo at atritibong patama sa ulo at katawan batay sa kakayanan habang sa kabilang banda, patuloy na nagpupunyagi ang mga rebolusyonaryo at progresibong mga organisasyon at kilusan sa kalunsuran para biguin at labanan ang pasistang puting lagim ng di deklaradong Batas Militar.

Ang Ating Mapanghamong mga Tungkulin

Ang sentral na tungkulin ng Partido at kilusan sa TK ay dalhin sa panibagong antas ang kabuuang rebolusyonaryo at armadong pakikibaka sa rehiyon upang sumulong ang digmang bayan sa yugto ng estratehikong pagpatas mula estratehikong depensiba. Malalaking balakid ang kailangang harapin at lampasan upang makamit ang hinahangad na malaking igpaw. Gawin natin ang abot ng ating makakaya upang tupdin ang dakilang tungkuling ito sa pamamagitan ng sumusunod:

1. Mabilis na patatagin at palawakin ang Partido upang pamunuan ang mamamayan sa kanilang milyon.

Ang Partido ang utak at motor ng rebolusyon. Kung mahina ang Partido, hindi nito magagampanan na maging epektibong lider ng rebolusyon; mahihirapan itong pakilusin at pamunuan ang mamamayan sa kanilang milyon at dalhin ang rebolusyon sa panibagong antas at yugto. Kung gayon, kailangang patuloy na buuin at palakasin ang Partido.

Ang pagbubuo ng Partido, una sa lahat, ay pangunahin, pagbubuo sa ideolohiya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ang isang Partido lamang na konsolidado sa ideolohiya at armado ng pinakasulong na rebolusyonaryong teorya ang magkakaroon ng kakayahang lutasin ang masasalimuot na usapin sa teorya at praktika ng rebolusyong Pilipino at tanawin nang malayo ang patutunguhan ng bawat liko at ikot ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan. Kung hindi armado ng teorya, malakas ang panganib na makagawa ito ng seryosong mga pagkakamali, mawalan ng loob sa harap ng malalaking balakid, kahirapan at kabiguan o mahulog sa bitag ng emperisismo at pesimismo.

Pangalawa, ang pagbubuo ng Partido ay pagbubuo sa organisasyon ng isang Leninistang Partido na tinatanglawan ng mga prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ito ay Partido na mahigpit na nagkakaisa sa prinsipyo at may matibay na disiplinang bakal. Ito ay Partidong may mahigpit at masaklaw na koneksyon sa mamamayan sa pamamagitan ng mga lihim na sirkulong nagsisilbing malalakas na sentro ng pamumuno sa malawak na masa ng sambayanan.

At pangatlo, ang pagbubuo ng Partido sa ideolohiya at organisasyon ay mga kinakailangang salik upang konsolidahin ang pamumuno ng Partido sa mamamayan—at patuloy na palawakin ang lambat ng koneksyon nito sa pagsusulong ng kanilang makauring pakikibaka. Kung maliit ang kasapian ng Partido, magiging limitado ang ugnay at pamumuno nito at magiging mahirap para sa Partido na pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan sa kanilang milyon.

Kaugnay ng mga ito, kailangang isagawa natin sa natitirang mga taon ng pinalawig na 5-taong programa ng KRTK ang sumusunod:

a. Bigyan ng edukasyon at pagsasanay ang mga kadre at kasapi ng Partido sa linyang pang-ideolohiya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa pangkalahatang linyang pampulitika ng bagong demokratikong rebolusyon.

Kailangang mabilis na konsolidahin ang kasalukuyang kwerpo ng mga kadre sa iba’t ibang antas ng pamumuno at responsibilidad. Dapat bigyan sila ng angkop na mga pagsasanay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang ihanda sila sa iba’t ibang tungkulin sa pamumuno. Ang kasalukuyang kwerpo ng mga kadre ang magiging matagalang puhunan sa tuloy-tuloy na pagpapalakas ng Partido.

Dapat kumpletuhin ang edukasyon ng kasapian ng Partido sa mga saligang teorya at prinsipyo ng MLM batay sa tatlong antas ng edukasyon sa Partido. Ang mga namumunong komite ng Partido sa iba’t ibang antas ay kailangang magtayo ng sariling makinarya sa edukasyon at instruksyon upang malutas ang lumalaking pagkukulang sa edukasyong pamPartido.

Kailangang gumawa ng plano sa edukasyon upang maramihang mapatapos sa batayang kurso ang kasapian ng mga sangay ng Partido sa lokalidad at mga bagong rekrut. Ang mga kadreng nasa intermedyang katungkulan ay kailangang mabigyan ng mga pag-aaral sa intermedyang kurso. At ang mga kadre naman na nasa namumunong katungkulan ay dapat bigyan ng edukasyon sa abanteng kurso ng Partido.

Kaakibat nito, kailangang matamang magbigay ng pansin ang mga namumunong organisasyon ng Partido sa paglalagom ng mga karanasan at pangunahan ang pananaliksik sa teorya at paglutas ng mga lumilitaw na suliranin sa praktikal na kilusan.

Kailangang pangunahan ng mga namumunong komite at kadre ng Partido sa gayong antas ang paghuhubog at rebolusyonisasyon ng mga sarili batay sa proletaryong paninindigan, pamamaraan at pananaw. Indibidwal na responsibilidad ng mga kadre ang pagpapanibagong-hubog at pagpapanday ng sarili at kolektibong responsibilidad naman ng mga kolektibo na subaybayan ang aktwal na iniunlad ng mga indibidwal na kadre batay sa mga proseso ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili at pagkilatis ng kanilang perpormans sa pagtupad ng mga gawain at responsibilidad. Ang mga prosesong ito lamang ang tanging garantiya na hindi matagal na makapagtatago sa loob ng Partido ni makakapuslit sa iba’t ibang namumunong komite ang mga elemento na di puspusang nagtakwil sa kanilang pyudal at burges na gawi at pag-iisip.

Ang tuloy-tuloy na paglahok sa rebolusyonaryong praktika ang kundisyon sa paglalim ng komitment at pagpapanday sa sarili ng isang rebolusyonaryo. Ito ang materyalismo ng pagpapanibagong-hubog sa proletaryong ideolohiya. Samantala, ang antas, lalim at pagsulong sa paghuhubog-sa-sarili sa batayan ng MLM ay may tuwirang ugnayan o interaksyon sa paglalim ng paglahok sa rebolusyonaryong praktika at ng mga kundisyong iniluluwal ng paglahok dito. Ito ang dialektika ng pagpapanibagong-hubog-sa-sarili.

Ang tuloy-tuloy na rebolusyonisasyon ng Partido ay higit na kailangan lalo sa panahong humaharap ito ng malalaking hamon at pagsubok, dumaranas ng kahirapan at tinatamaan ng pansamantalang mga pinsala mula sa pakikipagpukpukan sa kaaway. Sa ganito lamang tuloy-tuloy na madadalisay ang hanay ng Partido at masasala ang mga “ipa at binlid” sa organisasyon at mapipili ang magagandang butil.

Para sa higit na kalinawan ng mga tungkulin sa organisasyon at edukasyon, mahalagang balik-aralan ang memurandum sa organisasyon at edukasyon na inilabas ng Pangkalahatang Kalihiman ng KS noong Abril 2003 at ang kahalintulad na memurandum na inilabas ng Kalihiman ng Komiteng Rehiyon noong Mayo 2003. Nagbibigay ng masaklaw na paglilinaw ang mga memurandum na ito sa mahahalagang usapin sa organisasyon at edukasyon upang tuparin ang mga tungkulin sa programa ng Partido para sa inaasam na malaking igpaw ng rebolusyon.

b. Pabilisin ang pagrerekrut ng mga kandidatong kasapi mula sa rebolusyonaryong kilusang masa at mapangahas na palawakin ang Partido.

Dramatikong palawakin ang kasapian ng Partido. Reklutahin sa Partido ang pinakaaktibo at pinakasulong na mga elemento mula sa rebolusyonaryong kilusang masa ng mga manggawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at estudyante, at iba pang uring anakpawis at petiburgesya sa kalunsuran. Ibatay ang pagpaplano sa rekrutment sa bilang ng mga aktibista na mulat na sinasanay sa kilusang masa.

Kakailanganin natin ng puo-puong libo na kasapi ng Partido sa rehiyon upang pumasok sa bungad ng malalaking pagsulong ang rebolusyonaryong kilusan. Ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan sa kanayunan at kalunsuran ang malawak na karagatan na pagmumulan ng rekrut sa Partido. Sa kilusang masa sinasanay sa pulitika at organisasyon ang mga potensyal na rekrut sa Partido. Sa kilusang masa din pinapanday at sinasala ang mga potensyal na kasapi ng Partido upang tiyakin na hindi napapapasok ang mga elementong di kanais-nais. Kung ibayong mas malaki ang kasapian ng mga organisasyong pangmasa, mas malawak ang hanay ng mga aktibista na mapagpipilian upang papasukin sa Partido.

Kailangang habulin ang mabilis na pagpaparami ng kasapian ng Partido sa kalunsuran partikular sa hanay ng mga manggagawa, malaproletaryado, kababaihan at kabataan. Relatibo sa lawak ng napapakilos at sinsin ng mga mobilisasyon sa kalunsuran, manipis ang narereklutang kasapi para sa Partido at kilusang lihim. Kaugnay nito, dapat regular na tasahin ng mga komite at organisasyong ito ang katayuan ng pagkamit sa itinakdang target sa rekrutment. Dapat lagumin ang mga dahilan at gumawa ng pagpuna-sa-sarili kung bakit barado ang mabilis na pagpapalawak sa Partido.

Kailangang itayo at paganahin ang pamalagiang kalihiman mula sa antas ng rehiyon at mga nakabababang komite ng Partido. Ito ang tuwirang susubaybay sa pang-araw-araw na gawain ng Partido kaugnay sa mga gawain sa organisasyon at edukasyon. Pinangangasiwaan at sinusubaybayan ng pangalawang kalihim sa organisasyon ang mga usapin sa organisasyon ng Partido at ng pangalawang kalihim sa edukasyon ang mga usapin sa edukasyon ng Partido samantalang sinusuperbisahan ng kalihim ang kabuuang gawain ng Partido bilang pangkalahatang pinuno ng kalihiman. Isang mahalagang bahagi ng pamumuno ang mga kalihiman upang makamit ang target na pagpapalawak, pagpapalakas at pagpapatatag na itinatakda ng 5-taong programa ng Partido.

Ang bilang ng mga aktibistang masa sa isang saklaw ang pinakamatibay na batayan sa pagtaya sa potensyal sa pagpapalawak ng isang organisasyon ng Partido. Maaani ang mga pinakaabante mula sa mga aktibistang masa para maging kasapi ng Partido kung higit na mapauunlad ang kakayahan ng mga sangay ng Partido at ng mga yunit sa gawaing masa sa pagpapasigla at pagsusulong ng kilusang masa at armadong pakikibaka. Dito mapalilitaw ang pinakamahuhusay at pinakasulong na mga elemento para maging kasapi ng Partido. Dapat iangkla sa usaping ito ang pagrerekrut. Sa pag-agos ng kilusang masa at armadong pakikibaka, kailangang ibayong mapangahas na palawakin ang Partido habang patuloy na itinataas ang pagmamatyag laban sa pagpuslit ng mga di kanais-nais na mga elemento.

Gawin ang abot ng makakaya para kamtin ang dagdag na 10-15 libong kasapian sa susunod na 5-10 taon. Dapat na repasuhin ng mga kinauukulang komite at organisasyon ng Partido ang mga panuntunan sa pagpapasapi na nasa Saligang Batas ng PKP at mga karagdagang paglilinaw na nilaman ng mga memurandum ni AL at pambansang sentro.

c. Pukawin, organisahin at pakilusin ang papalaking bilang ng mamamayan para lumahok sa antipasista, anti-imperyalista at antipyudal na kilusang masa sa kanilang milyon.

Ang pagpapalahok sa mamamayan sa antipasista, anti-imperyalista at antipyudal na kilusang masa ang pinakakumprehensibong balangkas sa pulitika na pupukaw, magbubuklod at hihinang ng pagkakaisa at lakas ng malawak na bilang ng masang inaapi at pinagsasamantalahan ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Kung nais nating hangarin na pamunuan at pakilusin ang mamamayan sa kanilang milyon, kailangan ang higit na determinasyon para pukawin at organisahin ang milyon-milyong mamamayan para sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Para magawa ito, kailangang itayo ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at mga rebolusyonaryong samahan ng mamamayan sa mga larangang gerilya. Kailangan ding buuin ang masasaklaw na anyo ng organisasyon na magbubuklod ng malaking bilang ng mamamayan kasabay ng pagsisinsin at pagpaparami ng kasapian ng mga organisasyong masa sa batayang antas upang magsilbing maskulo ng pampulitikang lakas ng demokratikong kilusang masa. Dapat na buuin sa bag-as ng mga organisasyong ito ang kilusang lihim na binubuo ng Partido at di-Partido. Kailangang paunlarin ang iba’t ibang tipo ng makinarya para sa masasaklaw na gawaing propaganda at edukasyon sa mamamayan tulad ng mga akademyang pampulitika ng mga sektoral na kilusang masa. At kailangang gumawa ng sistema ng pag-ani sa organisasyon ng produkto ng ating gawaing propaganda at edukasyon. Mawawalan ng saysay ang mga pagsisikap sa gawaing propaganda at edukasyon kung hindi naaani ang mga tagumpay sa larangang ito para sa ibayong paglawak at pagpapalakas ng mga organisasyon ng mamamayan.

Samantala, mulat na pangibabawan at bakahin ang lokalismo at sektaryanismo—sakit ito na nagpapakitid ng sariling inisyatiba sa pulitika at organisasyon, nagpapalakas ng pagkakanya-kanya at nagpapatigas ng mga pananaw na umaayaw na magbukas ng pakikipagtulungan sa ibang pampulitikang pwersa. Mas mapaminsala ang epekto nito kung ang pagtangging makipagtulungan ay dadalhin sa loob ng balangkas ng mga organisasyon na nasa sarili nating bakuran.

Sa kabilang banda, kailangang magmatyag sa kumandismo at paglitaw ng mga burukratikong istilo sa pamumuno sa masa. Dapat magmatyag sa panganib ng burukratisasyon ng mga upisina ng kilusang masa sa kalunsuran. Sinisira nito ang mahigpit na koneksyon ng mga lider sa masang kasapian.

Patuloy na pagsikapan na makamit ang ilanpung libong kritikal na mobilisasyon sa lansangan lalo sa kaigtingan ng krisis sa pulitika at ekonomya. Tungo rito, dapat na likhain ang mga batayang kundisyon sa pamamagitan ng pagsuyod sa batayang antas upang paramihin ang kasapian at sinsinin ang mga hayag at lihim na organisasyon ng mamamayan.

Punuan ang mga rekisitos sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at kultura ng mga samahang masa. Ibayong palakasin ang kakayanan ng kilusang lungsod sa masasaklaw na paraan ng pagpupukaw sa mamamayan. Bigyan ng prayoridad ang pag-andar ng mga akademyang pampulitika ng mga sektoral na kilusang masa at punuan ito ng sapat na tauhan upang ipalaganap ang mga pag-aaral sa pambansang demokrasya sa pinakamalawak na bilang ng mamamayan. Maramihang magsanay ng mga lider sa hanay ng mamamayan upang tiyakin ang tuloy-tuloy na daloy ng pamumuno sa demokratikong kilusang masa. Ang mga ito, humigit-kumulang, ang kabuuan ng ating pamalagiang tungkulin at gawain para likhain ang daluyong ng rebolusyonaryong kilusang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal.

2. Ubos-kayang magpunyaging dalhin ang digmang bayan mula sa mababang antas ng pakikidigmang gerilya tungo sa largadong pakikidigmang gerilya.

Ang pagpapaunlad ng pakikidigmang gerilya mula sa mababang antas tungo sa largadong antas ang pinakamapagpasyang salik para makamit ang malaking igpaw ng digmang bayan tungong estratehikong pagkakapatas. Sa yugto ng estratehikong depensiba, ang pakikidigmang gerilya ang pangunahing anyo ng pakikidigma. Layunin nitong pahinain ang kaaway at magtipon ng lakas para umigpaw sa yugto ng estratehikong pagkapatas kung saan ang regular na pakikidigmang makilos ang magiging pangunahing anyo ng pakikidigma.

Isinusulong natin ang pakikidigmang gerilya nang malaganap at masinsin batay sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa. Mga anihilatibong taktikal na opensiba na mabilis na tinatapos ang pangunahing anyo ng pakikidigmang gerilya para makatipon ng armas at makapagpalaki ng hukbo. Dahil ang ating pakikidigma ay nagsisimula sa mahina tungo sa pagpapalakas, ang pag-unlad ng ating pakikidigmang gerilya ay dadaan sa tatlong antas sa estratehikong depensiba—mababang antas, antas ng pagpapalaganap at pagpapasinsin, at antas na largado ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa buong bayan.

Upang malikha sa rehiyon ang mga kinakailangang kundisyon sa pagsulong sa largadong antas ng pakikidigmang gerilya, kailangang kumpletuhin ang mga sumusunod na rekisitos:

Una, pagsisinsin ng latag ng mga larangang gerilya upang maabot ang humigit-kumulang sa 33-35 na larangang gerilya na ang malaking mayorya ay lakas kumpanya hanggang undersize battalion. Katumbas ang bilang na ito ng gayunding bilang ng mga distritong kongresyunal sa 10 probinsya ng TK na maaaring saklawin ng pakikidigmang gerilya.

Ang mga larangang gerilya ang batayang yunit teritoryal sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya sa buong bayan. Sa mga ito kumprehensibong naipatutupad ang mga sangkap ng estratehiya at taktika sa pakikidigmang gerilya—pulitikal, pang-ekonomya, pagpapalaki ng tauhan, pagpaparami ng armas, ligtas, mabilis at walang putol na sistema ng komunikasyon at kilusang pagsisikreto.

Sa kasalukuyang antas ng ating digmang bayan, kailangang magpursige sa pagtatayo ng mga lakas-kumpanyang larangang gerilya upang magkaroon ng epektibong lakas ang isang larangang gerilya na harapin ang operasyon ng kaaway, patuloy na mahawakan ang inisyatibang militar sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, lahatang-panig na maharap ang mga gawain at makapagpalakas sa gitna ng paglaban.

Sa proseso ng pagpaparami ng mga larangang gerilya, maitatayo ang natural na dugtungan ng magkakanugnog na mga larangang gerilya upang malikha ang mas malapad na teatro para sa pakikidigmang gerilya o ang mga subregional military areas. Ang mga teatrong gerilya ang erya para sa operasyon ng mga nakakalat na rehiyunal na pwersa na nagsisilbing sentro ng lakas-pangmilitar ng mga lokal na mga pwersang gerilya na nasa mga larangang gerilya.

Ikalawa, pagtatayo at pagpapaunlad ng bertikal na pwersang gerilya ng BHB na magsisilbing angkla at tipunan ng lakas-militar ng buong pwersa ng hukbo. Ito ay ang rehiyunal na pwersa ng BHB na kinabibilangan ng mga yunit gerilya ng rehiyon na nakakalat bilang pangunahing platun, platun sa mga subrehiyunal na eryang militar at/o SDG ng mga probinsya. Depende sa latag ng mga horisontal na pwersa, maaaring palakihin ang rehiyunal na pwersa sa kumpanya hanggang maliit na batalyon.

Ang laki ng bertikal na pwersa na pinauunlad natin relatibo sa horisontal na pwersa ay 20 porsyento ng kabuuang horisontal na pwersa. Pagkilala ito na sa kasalukuyang yugto, ang mayor na diin ng mga gawain ay ang pagpaparami ng mga pahalang na pwersang gerilya upang mapalawak ang sinasaklaw ng pakikidigmang gerilya at maitalaga ang pinakamaraming bilang ng tauhan ng hukbong bayan o ang 80 porsyento sa gawaing masa—sa pagtatayo ng baseng masa ng rebolusyon at pagsusulong ng reporma sa lupa. Habang pangunahing binabalikat ng mga pwersang rehiyunal ang paglulunsad ng mga anihilatibong taktikal na opensiba, gumagampan naman ang mga horisontal na pwersa ng mga suplementaryong aksyon militar sa una.

Itinatayo at pinauunlad natin ang mga pwersang rehiyunal upang maging sentro de grabidad ng mga horisontal na pwersang gerilya. Maituturing ang mga bertikal na pwersa na pangunahing pwersang panlaban ng BHB at aasahang manguna sa pagpapalaganap at pagpapasinsin ng pakikidigmang gerilya sa kanilang saklaw.

Sa pagtatayo at pagpapaunlad ng bertikal na pwersang gerilya, nililikha ang mga salik para sa paglitaw ng ilang elemento ng pakikidigmang makilos kaalinsabay ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya. Ang huli ay magsisilbing transisyon tungong regular na pakikidigmang makilos sa yugto ng estratehikong pagkapatas.

Ikatlo, pagpapaunlad at pagpaparami ng horisontal na pwersa ng BHB. Ito ang mga lokal na pwersang gerilya na binubuo ng mga yunit ng SYP platun at SDG platun ng mga larangang gerilya. Ang mga ito ang tumatayong sentro de grabidad ng mga yunit milisya sa mga baryo at tumatayo ring sentro de grabidad ng larangang gerilya. Katuwang ng mga pwersang rehiyunal ang mga lokal na pwersang gerilya sa paglulunsad ng mga anihilatibo at atritibong taktikal na opensiba.

Sa pagtatayo ng mga horisontal at bertikal na pwersa, pormasyong platun ang batayang pormasyong pinauunlad natin. Dapat iwasan ang hila na ikalat nang manipis ang pwersa ng hukbong nakatalaga sa gawaing masa at gawaing militar dahil sa kagustuhang sumaklaw sa malawak na erya na binabawi at binabalikan. Sa tamang paggamit at pagtatalaga ng pwersa, magagawang masakalaw ng isang SYP platun at SDG platun ng humigit-kumulang 20-30 baryo basta’t maalam gamitin ang mga prinsipyo ng inisyatiba, pleksibilidad at pagpaplano sa gerilyang operasyon ng dispersyon, konsentrasyon at paglilipat upang ipreserba ang sariling lakas at durugin ang kaaway.

Ikaapat, pagpapaunlad ng pakikidigmang gerilya ng masa. Ang mga yunit milisya ang pangunahing pwersa para sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya ng masa at tumatayong sentro de grabidad ng mga kwerpo sa pagtatanggol sa sarili sa baryo at ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Ibayong nagsisinsin pa sa pakikidigmang gerilya sa buong bayan ang pakikidigmang gerilya ng masa. Gumaganap ito ng mahalagang papel para pagurin, pahinain, at uk-ukin ang moral ng kaaway; lituhin ang kaaway; tabingan ang mobilidad at mga plano ng mga lokal at bertikal na pwersang gerilya; tuwirang tumulong sa mga taktikal na opensiba ng mga lokal na pwersa at rehiyunal na yunit gerilya.

At ang ikalima, pagpapaunlad ng pakikidigmang partisano. Dapat na itayo ang mga pwersang partisano sa pangunahing syudad, kapitolyo at malalaking sentrong bayan upang gumampan ng gawaing paniniktik, pakikidigmang partisano sa sentro at mga lugar ng konsentrasyon ng kaaway (sabotahe, pagwasak sa intelligence units, pasabog atbp) at mga espesyal na operasyon. Ang mga operasyong partisano sa mismong pusod ng kaaway ay mahalagang suporta sa pakikidigmang gerilya sa kanayunan at may mahalagang ambag sa pagpapaigting ng mga operasyong militar ng BHB sa mismong tungki ng ilong ng kaaway.

Ang pagsulong mula mababa tungong mas mataas na antas ng pakikidigmang gerilya ay isang kumplikadong proseso na nangangailangan ng pagpapaunlad at pagtataas ng koordinasyon sa mga plano at operasyong gerilya, ng pagpapalakas ng istruktura ng kumand mula rehiyon, subrehiyon, probinsya at mga larangang gerilya, ng pagsasanay sa mga bertikal at horisontal na pwersang gerilya para abutin ang antas ng disiplina at pangmilitar na kapabilidad ng isang regular na pwersa, at ng pagpapaunlad ng sistema ng tuloy-tuloy na pagsasanay sa pulitika at militar ng lahat ng yunit at pwersa ng BHB.

Salungat dito ang pag-iral ng gerilyaismo at sibilyanisasyon sa mga yunit ng hukbo. Dapat itong itakwil at puspusang bakahin sa loob ng hukbong bayan dahil pinahihina nito ang disiplinang militar sa loob ng hukbo at ang mahigpit na pagtalima sa plano at atas ng mga organong pampulitika at pangmilitar ng hukbong bayan.

Dapat ding bakahin ang konserbatismong militar at ang hila ng absolutong pagkakalat ng mga yunit ng BHB sa mga iskwad-syp at pagtitilad-tilad ng SDG platun sa magkakahiwalay na iskwad dahil sa kagustuhang sumaklaw ng mas malawak na erya para mabalikan sa pinakamaagang panahon ang mga lugar na naiwan bunga ng pag-igting ng mga operasyon ng kaaway o kaya’y bunga ng pagliit ng lakas-tauhan ng larangang gerilya. Itinatali ng ganitong kairalan sa mababang antas ang pakikidigmang gerilya at sinasagkaan ang mga pagsisikap na itaas ang antas ng pakikidigmang gerilya sa kabuuan.

May mahalagang papel na gagampanan ang kilusang lungsod sa pagpapalakas ng mga larangang gerilya at mga rebolusyonaryong gawain sa kanayunan. Hindi lamang dapat itong magbigay ng suportang pampulitika sa rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan at sa armadong kilusan, kundi kailangang ipadala nito sa kanayunan at sa hukbong bayan ang pinakamahuhusay na mga elemento at kadre sa kanilang hanay. Ang mga kadre at kasapi ng Partido na nakadeploy sa kalunsuran ay kailangang puspusang ihanda ang mga sarili na matalaga o kumilos sa kanayunan at hukbong bayan. Dapat pangunahan ng mga nangungunang kadre ng kilusang lungsod na may malusog na pangangatawan na magpatalaga sa gawain sa hukbo at sonang gerilya upang maging huwarang halimbawa sa kanyang pinamumunuan. Dapat bakahin ang paglitaw ng maling kaisipan sa ilang kadre sa kalunsuran na ituring na sila ay nababagay lamang kumilos at gumampan ng gawain sa kilusang lungsod bilang dahilan ng pagtangging maitalaga sa gawain sa kanayunan o kaya’y maliitin ang halaga ng mga gawain sa kanayunan relatibo sa mga ginagampanan nilang responsibilidad sa kilusang lungsod.

Kaugnay nito, kailangang paagusin ang pagtungo sa kanayunan ng mga kadre at aktibistang manggagawa at intelektwal sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsasagawa ng ahitasyon at kampanyang pagpapasampa sa hukbong bayan. Leksyong hindi mapasusubalian ang katotohanang ito mula sa karanasan ng pagbangon ng rehiyon mula sa sunod-sunod na pinsala sa mga pangrehiyong organisasyon ng Partido at mga larangang gerilya noong dekada 1970; at sa pangalawang pagkakataon, nang muling bumangon ito mula sa mga pinsalang ibinunga ng adelantandong regularisasyon at insureksyunismong lungsod na umiral sa rehiyon mula 1987-1992 bago inilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

3. Buuin at palakasin ang gawaing nagkakaisang prente at kabigin sa rebolusyon ang lahat ng potensyal na kaibigan at ihiwalay at labanan ang mga kaaway ng mamamayan.

Ibayong palawakin at palakasin ang pangmasang suporta sa rebolusyon sa pamamagitan ng pagbubuo at pagpapalakas ng mga gawain sa nagkakaisang prente at alyansa. Sa pamamagitan ng pagtupad sa mga patakaran ng nagkakaisang prente, kinakabig natin ang lahat ng potensyal na kaibigan ng rebolusyon at nilalabana’t inihihiwalay ang mga kaaway ng mamamayan.

Ang batayan ng pagpapalakas ng nagkakaisang prente ay nasa pagtupad ng mga patakaran ng nagkakaisang prente ayon sa wastong makauring linya: pagsalig sa batayang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka, pagkabig sa petiburgesyang lungsod upang buuin ang progresibong alyansa ng mga batayang pwersa, ibayong kabigin ang mga panggitnang burgesya upang buuin ang patriotikong alyansa, at higit pang palawakin ang nagkakaisang prente sa pamamagitan ng mga panandaliang mga alyansa sa ilang seksyon ng reaksyunaryong uri para ihiwalay ang sagad-sarin at gapiin ang kaaway sa pinakamaikling posibleng panahon. Gamitin ang nagkakaisang prente upang pukawin, organisahin at pakilusin ang milyon-milyong masa para itaguyod ang digmang bayan.

Sa panahon ng mga reaksyunaryong eleksyon, ang patakaran at taktikang nagkakaisang prente ay mahalagang kompenente ng pagpapatupad ng rebolusyonaryong dalawahang taktika. Sa wastong pagpapatupad ng patakaran at taktikang nagkakaisang prente sa eleksyon, mapagsisilbi ang mga panandaliang alyansa sa mga reaksyunaryo upang palakasin ang inisyatiba ng mga progresibo at rebolusyonaryo, higit na isulong ang digmang bayan at itutok ang pinakamalakas na dagok laban sa mga pinakasagadsaring palaban sa rebolusyon.

Dapat na itayo at palawakin ang mga kasaping organisasyon ng NDFP bilang pinakakonsolidadong bahagi ng pambansang nagkakaisang prente. Dapat bigyan ng pansin ang pagpaparami ng kasapian ng mga kasaping organisasyon ng NDFP. Ang relatibong lakas at latag ng mga alyadong organisasyon ng NDFP at ang lawak ng impluensya ng mga progresibo at pambansa-demokratikong organisasyon, ang salalayan para magkaroon ng kasarinlan at inisyatiba o kalayaang kumilos sa loob ng mga pormasyong nagkakaisang prente.

Sa batayan ng lakas na ito, higit na palawakin ang inisyatibang pagkaisahin ang lahat ng mga patriyotiko at progresibong pwersa upang labanan ang imperyalismong US at kanilang pinakamatapat na papet. Kailan man umiral ang kalagayan, paunlarin natin ang mga pansamantalang alyansa sa mga reaksyunaryong tutol sa pinakamasahol na reaksyunaryo bilang target na kaaway upang paisa-isang gapiin ang mga reaksyunaryong paksyon ng naghaharing-uri.

Higit na palakasin ang inisyatiba sa pulitika ng mga progresibo at militanteng kilusan sa nagkakaisang prente sa pamamagitan ng mas pursigidong mga kampanyang masa sa kanayunan at kalunsuran at paramihin ang napapalahok na bilang ng mamamayan sa mga pagkilos sa lansangan. Ikumbina ang iba’t ibang tipo ng kampanyang masa para itaguyod ang kagalingan ng mamamayan, itaas ang diwa ng sama-samang pagkilos at pagdadamayan, at punuan ang mga rekisitos sa pulitika, organisasyon at kultural para sa kanilang lahatang-panig na pag-unlad.

Samantala, masiglang ilunsad ang mga kampanya at pakikibakang magsasaka upang palakasin ang antipyudal na nagkakaisang prente na nakatutok sa pagpapahina ng kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at pagbubuo ng sariling lakas sa pulitika ng mga batayang pwersa sa kanayunan. Higit sa lahat, palawakin at pasiglahin ang kanilang pagtataguyod sa armadong pakikibaka at paglahok sa mga tungkulin ng digma. Ang antipyudal na nagkakaisang prente ang salalayan ng pambansang nagkakaisang prente.

Kailangan ding paunlarin at kabigin ang pinakamalawak na suportang internasyunal para sa rebolusyong Pilipino. Paunlarin ang kapatirang relasyon sa lahat ng pwersang lumalaban sa imperyalismong US upang mabuo ang pinakamalapad na posibleng internasyunal na nagkakaisang prenteng anti-imperyalista. Paunlarin ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang pwersang komunista sa pamamagitan ng mga bilateral at multilateral na mga pulong at kumperensya bilang paraan ng pagtataguyod ng proletaryong internasyunalismo gayundin sa mga progresibo’t anti-imperyalistang kilusan at mga organisasyon ng mamamayan sa labas ng bansa na bukas na magbigay ng tulong sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Sa harap ng naglalakihang mga tungkuling ito, mahigpit tayong magbigkis sa likod ng mga panawagan ng Partido—Biguin ang Oplan Bayanihan, Mariing labanan ang papet na rehimeng US-Aquino, Labanan ang interbensyong militar ng US sa Pilipinas, at Magpunyagi tungo sa pagpasok sa estratehikong pagkapatas ng digmang bayan.