Matatagumpay na taktikal na opensiba sa Isabela
December 05, 2012

Resize text: A+ A- Reset

Pinalalabas ng mga opisyal ng 5th Infantry Division ng Philippine Army na ang naganap na tambang ng NPA sa mga tropa nila sa Mabbayad, Echague, Isabela noong Nobyembre 17 ang pangalawa sa dinanas nilang pagkatalo sa hilagang Luzon nitong 2012. Pinakamatindi diumano nilang pagkatalo ang tambang ng NPA sa mga pasistang tropa sa Tinoc, Ifugao noong Abril, na kung saan nasawi ang 11 tauhan ng 85th Infantry Battalion.

Dahil hindi nila magawang itago, inamin nila ang dinanas nilang pinsala sa Echague; pero kasabay nito’y para pagtakpan ang serye ng mga tinamong pinsala ng mga pasistang tropa sa Isabela nitong Oktubre at Nobyembre. Ang masaklap para sa 5th ID, ang dalawa pa naman nitong pangunahing panagupang yunit –ang 51st at 52nd Division Reconnaissance Companies (DRC) – ang pangunahing lumasap ng mga pinsala.

Oktubre 17 – pasado alas dose ng hating gabi, tatlong tropa ng 24-kataong platun ng 51st DRC ang nasawi at di mabilang ang nasugatan sa naganap na engkwento sa pagitan nila at ng isang platun sa ilalim ng Benito Tesorio Command ng New Peope’s Army sa sitio Kidog-kidog, Brgy Santa Isabel sa bayan ng Jones, Nagtagal ng 30 minuto ang sagupaan at walang tinamong kaswalti ang mga Pulang mandirigma. Pinalabas ng 5th ID na walang kaswalti ang magkabilang panig.

Oktubre 30 – apat na tropa muli ng 25-kataong platun ng 51st DRC sa pamumuno ng isang 2Lt. Cabanas ang nasawi sa ginawang harassment ng isang team sa ilalim ng Reynaldo Pinon Command ng NPA sa sitio Old Nursery, Brgy. Disulap, sa bayan ng San Mariano.

Nobyembre 8 – dalawang pasistang tropa ang nasawi at sampu pa ang nasugatan nang i-harass ng isang iskwad ng NPA ang 54-kataong tropa ng 51st DRC sa pamumuno ni 2Lt. Cabanas sa sitio Namulan, Brgy. San Jose, San Mariano. Pinagtakpan muli ito ng militar sa mass media, bagama’t maraming masa ang nakakita sa paghahakot ng mga bangkay at sugatan pasakay sa sumaklolong dalawang helicopter.

Dalawang Tambang sa Madaling Araw

Subalit kahit anong gawin ng mga eksperto sa psy-war ng 5th ID, hindi nila nagawang itago at napilitang aminin na lamang ang naganap na dalawang tambang laban sa dalawang elite nitong mga yunit sa madaling araw ng Nobyembre 17.

Sa tambang na naganap noong 1:30 AM sa sitio, Luzcon, Brgy. Gangalan, San Mariano, inamin ng mga pasista na may naganap ngang engkwentro; pero hindi nila inamin ang pagkakaroon nila ng kaswalti. Anim na tropa ng isang platun ng 51st DRC sa pamumuno muli ni 2Lt. Cabanas ang nasawi sa pagtambang sa kanila ng isang platun sa ilalim ng Reynaldo Pinon Command ng NPA.

Tatlong oras ang nakalipas, pitong tropa ng 52nd DRC sa pamumuno ni 2Lt. Jimnah Torrepalma ang nasawi (kabilang si Torrepalma) at walo pa ang nasugatan nang tambangan ng isang platun sa ilalim ng Benito Tesorio Command ng NPA ang 20-kataong yunit ng kaaway. Ayon sa opisyal na ulat ng Benito Tesorio Command, kabilang sa mga nasamsam sa mga pasista ang tatlong machine gun – isang M60 at dalawang K3, limang M16 armalite rifles, tatlong night vision scopes, isang Harris radio, isang binocular, daan-daang mga bala at 15 US army packs.

Madaling araw ng Nobyembre 16 nang puntahan ng mga tropa ng 52nd DRC ang lugar na pinagbasehan ng mga gerilya ng NPA noong nakaraang araw, at nang walang madatnang NPA ay maghapon silang nagkubli sa lugar na mabuho. Nang malaman ito ng isang platun ng NPA na nasa di kalayuan, pumusisyon sila sa mga lugar na posibleng daanan ng mga pasista para tambangan.

Regular ang pasa ng mga masa sa kalagayan ng mga nagkukubling kaaway, at itinuro nila ang daan na laging dinadaanan ng mga militar kapag lumilipat sila mula sa pinusisyunan nilang sitio ng Mabbayad patungo sa katabing baryo.

Siguradong gagalaw ang kaaway sa gabi at mas malaking posibilidad na dadaan sila sa rutang tinukoy ng masa, kaya pagsapit ng dilim ay pumusisyon na ang tatlong iskwad ng platun ng NPA sa mga paborableng pwesto sa itinakdang ambush site. Anumang oras ay maaaring gumalaw na ang target nila, kaya hindi na kumain ng hapunan at hindi na iniwan ang mga pusisyon. Habang nag-aabang sa buong magdamag, hindi na naglabas ng tulugan ng mga nagtatambang na gerilya, at panapanahong inihihilata lamang ang katawan sa manipis na plastic na nakalatag sa medyo basang lupa.

Pinag-aralan ng kumand ng platun ng NPA kung paano makontra ang pagkilos sa gabi (night movement_) ng mga tropa ng DRC sa pamamagitan ng tambang sa gabi (_night ambush). Tatlong-kapat lamang ng pwersa ng platun ang nakariple at sangkatlo lamang ang may karanasan sa opensibang labanan.

Ang itinakdang killing zone ng kumand ng platun ay ang maliit na kalsada sa ibaba ng burol na pwinestuhan ng mga gerilya. Ang unang iskwad ay nakahiwalay nang may distansya sa dalawa pang iskwad; ang pangalawang iskwad ay nakahilera sa taas ng burol na lupa lamang ang kublihan; at ang kalapit nitong pangatlong iskwad ay nakakubli sa ilang tumpok ng mga saging sa mas mataas na bahagi ng burol. Sa pagitan ng kalsada at ng dalawang iskwad ay ang nalinis nang pinagtamnan ng mais na paahon sa sa burol. Madilim ang gabi, at lalong dumilim nang magmadaling araw na ng Nobyembre 17.

Pasado alas kwatro na ng madaling araw nang may maaninag ang ilang kasama na papalapit na magkakadikit na tao, na noong una’y hindi matiyak kung iyon bang isang iskwad ng NPA o kaaway na. Magkakadikit at marahan sa pag-ahon sa burol sa pagitan ng ikalawa at pangatlong iskwad ng NPA ang isang platung kaaway; may gamit na night vision scope ang nasa unahan, hindi dumaan sa kalsada at wala halos mga yabag, kaya tatlong metro na lamang ang layo nila sa mga nagtatambang nang paputukan sila.

Hindi alam ng natambangang kaaway na may mga NPA pala sa inaakyat nilang burol; kaya nang paputukan sila ay nagtakbuhan ang mas marami pababa sa burol, habang ang iba, kabilang ang may hawak ng M60 machine gun na nasa harapan, ay umahon sa tutok ng burol na pwinestuhan ng pangatlong iskwad ng NPA. Sinalubong ng isang kasama ang kaaway na naka-masinggan, papuputukan niya sana ito ng shotgun pero hindi pumutok, kaya sinunggaban niya ang kaaway at nagpambuno sila. Iniulos ng isa pang kasama ang dulo ng kanyang M14 sa tagiliran ng kaaway, tumilapon; tumakbo ito pero pinagbabaril, naiwan ang hawak niyang M60. Masinggan ang unang nasamsam sa unang bugso pa lamang ng putukan.

Nakapusisyon ang unang iskwad ng NPA sa bahagi ng likod ng kaaway, pero hindi makapagpaputok dahil dikitan ang labanan at napakadilim ang paligid. Nagpaputok na lamang ang mga ito nang magliliwanag na; natuliro ang kaaway nang bugsuhan sila ng putok mula sa likod.

Bagama’t nagmumula na ang putok ng NPA mula sa harap, tagiliran at likod, hindi iniatras ng CO ng kaaway ang kanyang yunit at bagkus ay nanatili sila sa bahagi ng burol na walang makokoberan kahit nang magliwanag na ang paligid. Maliban sa mga tumakbo pababa sa burol at nagtago sa mga puno sa ibaba, isa-isang tinamaan ang mga pasista, kabilang ang CO nilang si Torrepalma. Nagkalat ang mga masinggan, armalayt, pak at patay at sugatang kaaway ilang metro lamang ang layo sa mga nakapalibot na gerilya.

Bandang 6 AM, pinasusuko na ng NPA ang mga kaaway na nanatili sa burol. Ang CO nila na malalang nasugatan ay nagpahayag ng pagsuko, kasama ang dalawa pang kaaway na sugatan na naiwan sa burol. Ginamot ng NPA ang sumukong CO pero malala ang sugat, at ginamot din ang dalawa pang sumuko na di gaanong malala ang sugat at nabuhay pagkatapos. Agad itinawag ng NPA sa isang radio reporter ang tungkol sa mga sugatang kaaway at sinabing kunin na nila ang mga ito para malapatan ng lunas. Pero pasado alas dose na ng tanghali nang magdatingan ang dalawang helicopter at reinforcement troops ng 5th ID.

Sa dalawang tambang ng NPA ng Nobyembre 17, binigo ng NPA ang taktikang night movement ng kaaway na may mga gamit na night vision scope sa pamamagitan ng night operation at night ambush. Matinding tinamaan ang mga elite na tropa ng 5th ID.

Kahit anong pagtatangka nilang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa dinanas nilang pagkatalo, kagaya ng pagpapalaganap na may tatlong dayuhang kababaihan daw na kasama ng NPA at ng pagpapadala pa raw ang NPA ng mga mandirigma nito mula sa Cagayan patungong Isabela, hindi maikukubli ang makabuluhang paglakas ng hukbong bayan at armadong pakikibaka sa Isabela.

Topics: People's War