Mag-asawang matanda, pinaslang ng mga tropa ng 86th IB sa Isabela

December 05, 2012

Resize text: A+ A- Reset

Lubos na nahubaran ang mga pagpapanggap ng 5th Infantry Division ng Philippine Army na ito daw ay tagapagtaguyod na ng mga karapatang tao at sumusunod sa “rules of engagement” nang pagbabarilin ng mga tropa ng Alpha Company ng 86th Infantry Battalion sa pamumuno ng isang 2nd Lt. Bernardino ang dalawang matandang mag-asawa sa sitio Calatbagin, Brgy San Miguel, Echague, Isabela noong alas tres ng madaling araw ng Nobyembre 23.

Agad na namatay ang magsasakang si Vicente Valenzuela, 60 anyos, at ang kanyang asawang si Rosario Valenzuela, 51 anyos, na nagtamo ng maraming tama ng bala ng armalayt sa katawan. Pinagbabaril sila kahit pa sinabi ng isa nilang kamag-anak na sibilyan sila at hindi NPA at sumisigaw din ang isang militar na mga sibilyan ang kanilang binabaril. Bago nito ay nakita ng mga pasista si Vicente na may hawak na itak na pantadtad niya sa bunga ng tanim niyang kamoteng kahoy, kaya pinaghinalaang NPA. Kinuha ng mga pasista ang bangkay ng mag-asawa at dinala sa kanilang kampo sa Soyung, Echague, pagkatapos.

Pagdating ng tanghali, pinalabas ng civil-military relations battalion ng 5th ID na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP sa San Miguel, Echague, kahit pa wala namang naganap na labanan doon at walang yunit ng NPA sa baryo sa panahong iyon.

Mabilis namang nagpunta sa isang lokal na istasyon ng radyo ang mga kamag-anak ng mga biktima upang ilantad ang tunay na pangyayari. Nakipagtulungan din ang mga opisyal ng barangay sa mga progresibong organisasyong nagtataguyod ng karapatang tao upang mapanagot ang mga salaring militar at mabigyang katarungan ang mag-asawang Valenzuela.

Sa panayam sa Bombo Radyo DZNC, itinatanggi ni Ka MJ, ang press relations officer ng Benito Tesorio Command ng NPA na may naganap na engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP sa San Miguel, at nanawagang kumilos ang mga mamamamayan ng Echague at iba pang lugar upang mabigyang katarungan ang mag-asawang Valenzuela.

Sa kabila ng mga ito, makapal ang mukhang pinalalabas sa mass media ng mga tagapagsalita ng 5th ID na NPA ang pumaslang sa mag-asawa at totoo daw na may naganap na engkwentro. Bulaan nilang sinasabi na ang AFP ay nagtataguyod ng “rules of engagement” at mga karapatang tao at hindi nila magagawa ang pagpaslang sa dalawang matandang sibilyan.

Sa mga tuluy-tuloy na pahayag ng civil-military relations battaiion at mga opisyal ng ng 5th ID sa mass media at gayundin sa mga minemoryang pananalita ng mga special operations team nila (na ngayo’y tinatawag ang mga sarili bilang mga Community Peace and Development Teams o CPDT), disintunado silang nagkokorus kaugnay ng kanilang pagrespeto sa mga karapatang tao. Pero kasabay, malaganap ang mga pagbabase ng mga militar sa mga pampublikong lugar na kagaya ng mga barangay hall at tabi ng eskwelahan, lasingan at sugalan at pang-iistorbo sa katamihikan sa mga baryo, pambabastos sa mga kababaihan, pananakot ng mga nag-ooperasyong tropa sa mga sibilyan, at iba pang katulad. Sa timog Isabela, naitala sa panahong Enero-Nobyembre ang sampung baryong binabaran ng mga CPDT.

Ang pagpaslang sa mag-asawang Valenzuela ay bahagi ng mga paglabag sa mga karapatang tao ng AFP sa timog at gitnang Isabela matapos ang magkakasunod na taktikal na opensiba ng NPA sa Isabela nitong Oktubre at Nobyembre. Limang araw bago nito, natambangan at nalipol ang 20-kataong tropa ng 52nd Division Reconnaissance Company noong madaling araw ng Nobyembre 17 sa Brgy Mabbayad, Echague, Isabela.