Pahayag para sa Ika-48 na Anibersaryo ng KABATAANG MAKABAYAN

Kabataan, lumahok sa armadong rebolusyon!
November 30, 2012

Resize text: A+ A- Reset

“Dapat naman ninyong mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at magbabangon ng ating kapurihan na inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad.”
(Mararahas na Anak ng Bayan, Deklarasyon ni Gat Andres Bonifacio circa Marso 1897)

Rebolusyonaryong pagbati sa mga tunay na anak ng bayan, mga kasapi at lider ng mga balangay ng rebolusyonaryong Kabataang Makabayan (KM) sa ika-48 na pagdiriwang ng anibersaryo ng KM sa buong kapuluan.

Mahal na mga kasama, pagpugayan natin ang mga rebolusyonaryong martir ng KM at ng sambayanan sa kanilang iniaalay na buhay, lakas at talino para sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Kung wala ang kanilang mga sakripisyo hindi maabot ng rebolusyonaryong kilusan ang kasalukuyang lakas nito. Ang kanilang mga ambag ay nagsisilbing ilaw sa karimlan upang ang sambayanan ay patuloy na umasa ng paglaya sa imperyalistang pandarambong at mga lokal na naghaharing-uring kasapakat nito.

Gat Andres at armadong rebolusyon para sa pambansang paglaya

Ipinagdiriwang din natin sa araw na ito ang ika-149 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, magiting na anak ng bayan at lider ng Rebolusyong 1896. Ating ibudyong sa sambayanan ang nalalapit na ika-150 kaarawan ni Gat Andres sa susunod na taon sa pamamagitan ng pagsariwa sa dakilang ambag ni Gat Andres bilang lider ng Rebolusyong 1996 at kabuluhan nito sa ating nagpapatuloy na paglaban para sa tunay na kalayaan. Si Gat Adres tulad nina Jose Rizal, Emilio Jacinto, Gregorio H. Del Pilar at iba pang mga rebolusyonaryong bayani, ay nasa kanilang kabataan noong sila ay namuno at sumapi sa Katipunan at rebolusyon.

Ang Rebolusyong 1896-1898 ay kulminasyon ng mahigit tatlong-daang taong pag-aalsa ng mamamayan at pagiisa sa isang pambansa demokratikong pakikibaka para sa kalayaan laban sa kolonyalismong Kastila sa ating bayan.

Bagaman hindi tuluyang napagtagumpayan ang lumang demokratikong rebolusyon ng 1896 dahil sa pataksil na pananakop ng imperyalistang Estados Unidos matapos ang maikling pamamayani ng Unang Republikang idineklara noong 1898, pinagliyab naman nito ang diwang mapanglaban ng mamamayang Pilipino. Hinawan nito ang landas upang ang ating mga ninuno ay magiting na lumaban sa pihadong mas superyor na lakas-militar ng United States. Ating alalahanin na itinanghal ng Rebolusyong 1896 ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino sa buong kapuluan at nasyonalismo, na naging inspirasyon ng mamamayang Pilipino upang armadong labanan ang sumunod na brutal na pananakop ng imperyalistang US na pumaslang ng halos milyong Pilipino.

Neokolonyal na estado at pagsidhi ng krisis

Ang imperyalismong US kahit na matapos ang “nominal” na deklarasyon ng kalayaan ng bansa, ay nagpapatuloy na may kontrol sa lahat ng aspeto ng buhay ng sambayang Pilipino kasabwat ang mga panibagong ilustrado hanggang sa kasalukuyan. Ito ang patuloy na batayan kung bakit sa kasalukuyan ang pambansa demokratikong rebolusyong bagong tipo, na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay patuloy na umuugat sa masang anak-pawis at mga anak ng bayan.

Ang hiblang tumatahi sa nakaraan at kasalukuyan, ang esensya ng ating kasaysayan ay ang marubdob na rebolusyonaryong paglaban ng mamamayang api, ng mga anak-pawis, para sa pambansang paglaya, soberanya at ganap na hustisyang panlipunan.

Ang rehimeng US-Aquino II ay lantad na tuta ng imperyalistang US at di-magkadaugaga sa pagsunod sa mga patakarang neoliberal ng imperyalistang amo nito. Upang maipataw ang krisis na kinakaharap ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng US sa mamamayan ng mga malakolonyal at malapyudal na bansa, patuloy na nagpapatupad ito ng mga polisiya ng liberasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyonalisasyon.

Ang sentral na programa ni Aquino na Public-Private Partnership (PPP) ay walang iba kundi paggawad ng rehimeng US-Aquino ng mga proyekto tulad ng impastraktura na pinopondohan ng gobyerno at mapagkakamalan ng dambuhalang tubo ng mga dayuhang korporasyon at malalaking komprador tulad nila Cojuangco, Tan, Sy at iba pa. Inuutusan ng rehimeng Aquino ang mga pulis, pribadong gwardiya ng mga korporasyon at lokal na mga gobyerno upang marahas na idemolis ang mga maralitang-lungsod at itaboy sila sa kanilang mga tahanan at kabuhayan. Sinusunog ang mga komunidad, pinapaslang ang mga lider at tinatakot ang lumalabang mamamayan upang bigyang daan ang mga proyekto ng PPP.

Ibayong pinasasahol ng rehimeng US-Aquino II ang malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunang Pilipino at lalong nagpapatindi sa pagsasamantala sa sambayanan ng malalaking komprador at panginoong-maylupa. Pinapatupad ng rehimen ang bogus na CARPER upang ipalabas na interesado ang ito sa repormang agraryo. Ang kanyang pamilya ng panginoong maylupang Cojuangco ay patuloy ang maniobrang legal, pananakot, panlalansi at paghahati sa hanay ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita kasabwat ang mga kaibigang NGO nito upang manatili sa kanilang ang pagmamay-ari ng asyenda.

Ipinangangalandakan ng rehimeng US-Aquino na umuunlad ang ekonomya ng bansa sa kabila ng malawakang pagdarahop ng mamamayan, kawalang trabaho, kontraktwalisasyon at mababang pasahod sa mga manggagawa. Sinasalanta rin ang mamamayan ng walang-patumanggang pagkaltas sa badyet ng mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. Ipinatutupad ang utos ng imperyalistang amo ang programang K-12 ng rehimen na lalong magpapasahol sa krisis sa edukasyon. Lalo magkakait ang programang K-12 sa maraming kabataan at mahihirap ng karapatang makapag-aral, magsusuhay sa labor export policy ng estado, pagbebenta ng murang lakas paggawa ng kabataang Pilipino sa mga dayuhang korporasyon at sa ibayong dagat at lalong magpapabarat sa sahod ng mga manggagawa.

Sunud-sunuran ang rehimeng US-Aquino II sa pagbubukas sa bansa sa mas masidhing interbensyong militar ng US na mas masahol sa nakaraan—-ginawang base ng US Special Forces ang Camp Navarro at iba pang kampo-militar, nagroronda ang pwersang militar ng US sa ating karagatan ng walang hadlang, tinatapunan ng toxic waste ang ating mga dagat, tinatayuan ang ating mga baybayin ng mga spy satellites na paniktik ng US sa buong Asya Pasipiko, ginagawang daungan ang ating karagatan ng mga sasakyang pandigma ng US kailanman nila naisin, at kasamang nanalakay ng mga armadong katunggali ng Armed Forces of the Philippines tulad ng New Peoples Army (NPA) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa lahat ng ito kabilang na ang pagpaslang sa simpleng mamamayan at pagsasamantala sa kababaihang Pilipino, maamong tupang yumuyukod ang rehimeng US-Aquino tulad ng isang mabuting papet sa harap ng mga paglabag ng imperyalistang US.

Anumang maskara tungong “kapayapaan” ng estado, ito ay nahuhubaran sa kanyang pagwawasiwas ng kontra-rebolusyonaryong dahas sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan. Sa tabing ng operasyong “peace and development” naghahalihaw ng mga komunidad sa kanayunan ang mga militar na nagdudulot ng malawakang paglabag sa karapatang pantao. Ang mga militar ay nagsisilbing parang mga pribadong goons ng mga dambuhalang MNC ng minahan at agro-corporation. Naghahasik sila ng terorismo sa mga magsasaka at mamamayang lumalaban sa pandarambong ng mga MNC sa ating likas na yaman at nagpapalayas sa pambansang minorya at magsasaka.

Mag-ambag para sa rebolusyonaryong pagbabago!

Ngayon higit kailanman dapat na imulat ang malawakang bilang ng kabataan at mamamayan sa imperyalistang pagsasamantala, dominasyon at pagyurak sa ating soberanya kasabwat ng mga lokal na komprador at panginoong-maylupa. Dapat na humungos ang mas maraming kabataang Pilipino upang maintindihan ang mga isyung kinakaharap niya tulad ng pagkakait ng gobyerno sa karapatan sa edukasyon, K-12 ay nakaugat sa nabubulok na malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunang Pilipino.

Ang landas ng armadong rebolusyon ang magtitiyak na mapapabagsak ang mga naghaharing uri na nagpapanatili ng bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema na pinangungunahan sa ngayon ng rehimeng US-Aquino II. Nais nating abutin ang pagpapatalsik ng reaksyunaryong pangkating US-Aquino II, hanggang abutin natin ang yugto ng pagdaluyong na hindi na lamang magkakasya ang mamayang api na mapapalitan lamang ng mga nasa poder, kung di isang rebolusyonaryong pagdaluyong na magpapabagsak sa paghahari at pagsasamantala ng burgesya. Hindi tayo makakaasa ng pambansang industriyalisasyon, tunay na repormang agraryo, kalayaan sa imperyalistang pandarambong at pagkakamit ng ating mga demokratikong karapatan hangga’t may diktaturya ng mga malalaking komprador at panginoong-maylupa sa kumpas nitong imperyastang US.

Hinihimok natin ang lahat ng kasapi at mga balangay ng KM na ibayong paigtingin ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagapapakilos ang libo-libong mga kabataan sa mga isyung panlipunan at matalas na iugnay ang kilusang kabataan sa mga usapin at kilusan ng masang anakpawis para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Ang natatanging papel ng KM sa rebolusyonaryong propaganda ay mas ilang ulit na dapat paghusayin upang mahamig hindi lamang ang libu-libo kundi milyun-milyong mga kabataan at mamamayan para sa pambansa demokratikong rebolusyong may sosyalistang perspektiba.

Magagawa ng KM ang matalas na pagsusuri at paghubog sa sarili bilang rebolusyonaryo sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na paglubog sa batayang-masa, pagpapalalim ng panlipunang pagsisiyasat sa aktwal na gawaing masa at paglahok sa pakikibakang masa, pagpapalalim ng pagunawa sa lipunan at rebolusyong Pilipino, at tuluy-tuloy na kilusang pagaaral ng mga sulatin hinggil sa Marxismo, Leninismo at Maoismo.

Nanawagan tayo sa kapwa kabatang Pilipino, na imulat ang ating kaisipan at pag-aralan ang kasaysayan ng ating bayan na walang ibang isinasaad kundi patuloy na paglaban sa dayuhang pagsasamantala para sa ganap na panlipunang paglaya. Inspirasyon natin ang walang-pagiimbot na diwa ng nasyonalismo nila Gat Andres, ating mga rebolusyonaryong martir at patuloy na paglaban ng masang anakpawis upang yakapin ang rebolusyon. Walang maaliwalas na kinabukasan ang maghihintay sa ating kabataang Pilipino sa ilalim ng diktaturya ng imperyalismong US at lokal na burgesya-komprador at mga panginoong maylupa.

Tulad ng makasaysayang ambag at tungkulin ng KM, nanawagan tayo na ibayong magpalawak ng kasapian ang KM at itayo ang pinakamaraming balangay sa mga pagawaan, sakahan, eskuwelahan, opisina, maralitang komunidad sa lungsod at saanman may konsentrasyon ng kabataan. Sa pamamagitan nito matitiyak ang pag-ambag ng KM sa ibat-ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain, at higit sa lahat ay sumanib sa kilusan sa kanayunan at magambag sa armadong pakikibaka sa pangunguna ng New People Army na nasa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM). Kung wala ang NPA, wala ni anuman ang sambayanan kung kaya laksa tayong humungos at sumapi sa ating hukbong bayan!

Mga kasama, igpawan natin ang ating mga kahinaan at tanganan ang mga positibong aral sa pagsusulong ng pakikibakang masa at pagpapalakas ng ating organisasyon! Padagundungin ang paglaban ng kilusang kabataan estudyante at ibayong mag-ambag sa pagdaluyong ng rebolusyonaryong kilusang masa sa buong bansa! Ibayong mag-ambag para sa pagkakamit ng rekisito para sa mas mataas na antas ng ating digmang bayan!

Ipagpatuloy ang rebolusyong nasimulan nila Gat Andres!
Kabataang Pilipino, Paglingkuran ang Sambayanan!
Gapiin ang imperyalistang paghahari, Lumahok sa digmang bayan!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!