Papanagutin ang berdugong 48th IB sa kanilang malalalang paglabag sa karapatang-tao sa mamamayan ng Nueva Ecija at Aurora
November 23, 2012

Resize text: A+ A- Reset

Tinambangan ng isang platun ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ilalim ng Domingo Erlano Command ang convoy ng mga sundalo ng 48th Infantry Battalion, Philippine Army kahapon sa hangganan ng Barangay Villa, Maria Aurora, Aurora at Barangay Labi, Bongabon, Nueva Ecija. Pinakatan ng ambus ang inaasahang pagsaklolo ng militar sa kontratistang Angel P. Palacios Constructions na ginawaran ng parusa dahil sa paglabag sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay sa pagnenegosyo sa loob ng mga larangang gerilya.

Pinasabugan ng tatlong command-detonated anti-personnel landmines ang naunang military trak na sinakyan ng humigit-kumulang sa 20 sundalo bandang 8:15 ng umaga. Walang nakaganti sa kanila ng putok at tinatayang patay lahat ang mga sakay nito.

Sinalubong naman ng mga pulis na nakasakay sa limang single na motor ang putok ng mga isnayper sa blocking force na agad na ikinamatay ng 8 sa kanila. Tumagal ng halos 20-minuto ang labanan sa Sitio Kamatis, Villa Aurora dahil hinarang pa rin nila ang pag-abante ng mga sundalong sakay ng pang-sibilyang trak.

Bukod sa nabanggit na bilang ng mga namatay ay marami pa sa kanila ang naiwang sugatan. Nadamay sa nangyaring labanan sa blocking zone ang driver ng DPWH truck na sinakyan ng mga sundalo at dalawa pang sibilyan na isinakay nila papunta sa pinangyarihan. Ligtas at mabilis namang nakapagmaniobra ang mga pulang mandirigma mula sa ambush site.

Halos dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas nang buong pagmamayabang na inihayag ni Col. Victor Castro, punong kumander ng 702nd Infantry Brigade ng Philippine Army, sa isang panayam sa radyo na iilan na lamang at wala nang kakayahang maglunsad ng mga opensiba ang BHB sa Aurora at Nueva Ecija. Hindi kataka-takang pilit nilang itinatago sa midya ang sinapit ng kanyang mga tauhan ngayon upang pagtakpan ang kanilang kahihiyan at kasinungalingan. Nais nilang mapanatili ang ilusyong nilikha nila na diumano’y insurgency-free ang lugar upang tumaas ang kanilang mga ranggo, at maging kaakit-akit sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan alinsunod sa isinasagawang pambubugaw ng dinastiyang Angara sa lupain, likas-yaman at lakas-paggawa ng mamamayan ng Aurora.

Ang naganap na taktikal na opensiba ay bahagi ng tuluy-tuloy na kampanyang militar ng BHB sa magkakaratig na probinsya para pagbayarin ang berdugong 48IB at iba pang tropa sa ilalim ng 7th Infantry Division ng Philippine Army sa dumaraming biktima ng kanilang pananakot, pandarahas, pagdukot, at pagpatay. Sila ang pinakamaaasahang utusan ng mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri upang maitaguyod at maipagtanggol ang makauring interes ng mga amo nila sa sistematikong pagsasamantala at pang-aapi.

Sariwa pa sa puso at isip ng mamamayan ang nangyaring masaker sa Barangay Digmala, Bongabon, Nueva Ecija kina Erwin “Ka Onil” Manalo, Sheena “Ka Sara” Trinidad, Zeny “Ka Ye” Cadiang, at Ka Rey nitong Marso 9, 2012; ang pagdukot sa mamamahayag na si Joey Estriber sa Baler na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan; ang daan-daang biktima ng matitinding tortyur at pang-aabuso sa Aurora at Nueva Ecija; at marami pang anyo ng paglabag sa karapatang-pantao. Sa rebolusyonaryong paraan lamang ganap na makakamit ang hustisya para sa lahat ng mga naging biktima ng pasistang estado.

Kaugnay nito, kinokondena ng Domingo Erlano Command ang tusong paggamit ng 48IB ng mga sibilyang sasakyan, driver, at pagsasakay ng mga inosenteng pasahero papunta sa combat zone. Sadya nila itong ginagawa bahagi ng duwag na paraan nila ng pagdedepensa sa sarili. Nilalabag nito ang Pandaigdigang Batas ng Digma ng Geneva Conventions at mga malilinaw na probisyon sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights anf International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nilagdaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sumisimpatya at nakikiramay kami sa mga sibilyang naipit sa nangyaring labanan. Malinaw na ang mga mga pasistang tropa ng gobyerno ang nagdala sa kanila sa kapahamakan ng walang tapat na pagsasaalang-alang sa kanilang kaligtasan. Gayunman, nakahanda ang Panlalawigang Pamatnugutan ng BHB-Aurora sa pagbibigay ng kakayanin nitong tulong para sa mga nasabing biktima.

Nanawagan din kami sa lahat ng mamamayan na tutulan ang pakana ng militar na gamitin kayo bilang panangga sa pinangangambahan nilang pag-atake sa kanila ng BHB, tulad ng paghihimpil nila sa gitna ng mga bahayan, eskwelahan, simbahan at pampublikong pasilidad. Magkaisa tayo upang tuluy-tuloy natin silang singilin at biguin sa layunin nilang alisan tayo ng kakayahang magtanggol at lumaban sa tunay na mga salot na nagpapahirap at nang-aapi sa malawak na bilang ng mamamayan!