Paglilinaw ukol sa hakbang-pamamarusa ng BHB laban sa dalawang elementong 9th ID at ukol sa panibagong biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng 9th ID sa Gubat, Sorsogon
April 30, 2012

Resize text: A+ A- Reset

Sugatan ang dalawang elementong 9th ID na sina PFC Jordan Enconado at PFC William Acunia nang isakatuparan ng isang yunit ng BHB ang hakbang-pamamarusa noong Abril 29, bandang alas-dos ng umaga, sa Brgy. Bulacao, Gubat, Sorsogon.

Si PFC Enconado ay napatunayan ng Hukumang Bayan na direktang sangkot at maysala sa serye ng ekstra-hudisyal na pamamaslang ng mga death squads sa lalawigan ng Sorsogon mula pa noong Oplan Bantay-Laya 1 hanggang sa kasalukuyan. Narito ang ilang biktima ng pamamaslang at iba pang mga krimen ni PFC Enconado laban sa mamamayan:

  • 2004 – Pinaslang si Edmundo Villareo, isang mekaniko sa talyer, sa Brgy. Ogao, Gubat, Sorsogon. Nasugatan at nabaldado sa insidenteng ito ang isang estudyante na si Jason Recto.
  • 2006 – Pinaslang si Danilo Hagosojos sa Brgy. Tigbao, Casiguran, Sorsogon. Siya ay nagtuturo sa non-formal education program sa kanilang baranggay.
  • Enero 23, 2007 – Pinaslang ang tricycle driver na si Ruben Ermino, tricycle driver sa Brgy. Tabi, Gubat, Sorsogon.
  • 2007 — Pinaslang si Raul Ferando, isang market vendor sa bayan ng Prieto Diaz.
  • Abril 15, 2012 (7:00 ng gabi) – Sugatan sa pamamaril ang dalawang kabataan na sina Joshua at Budoy Ferreras sa Sityo Cogon, Brgy. Tabi, Gubat, Sorsogon.
  • Abril 16, 2012 (4:00 ng gabi) – Pinaslang ang washer sa bus na si Raul Vihiro sa Brgy. Ariman, Gubat, Sorsogon.

Sina PFC Enconado at PFC Acunia ay parehong intel operatives at aktibo sa pagtatayo ng lambat-paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan. Sila ay mga lehitimong target ng taktikal na opensiba ng BHB.

Samantala, sa parehong insidente, tinamaan ng bala sa paa si Salvador Estrada, residente ng Brgy. Bulacao nang magwala at walang-habas na magpaputok sina Pfc Enconado at Pfc Acunia noong naka-atras na ang yunit ng BHB mula sa lugar ng pinangyarihan. Pinatotohanan ng mismong biktimang si Estrada na ang militar ,at hindi ang mga BHB ang nakabaril sa kanya. Matapos ang insidente, nagsagawa nang pagsisiyasat ang yunit ng BHB upang matiyak kung paano ito tinamaan ng bala.

Kasunod nito, alas 7:00 ng gabi, ng parehong araw ng Abril 29, pinaslangng 9th ID ang isang sibilyan, ang magsasakang si Jovic Estrellado, residente din ng Brgy. Bulacao. Si Estrellado ngayon ang pinakahuling biktimang ekstra-hudisyal na pamamaslang ng tropang AFP sa lalawigan ng Sorsogon sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Ang mga sibilyan at walang-kalaban-labang mamamayan ang binalingan ng pasismong mga tauhan ng 9th ID. Pagkatapos, malisyosong ipinaratang ng 9th ID sa BHB ang krimeng ito.

Nananawagan ang Celso Minguez Command (CMC) – BHB sa mamamayang Sorsoganon na magkaisa upang biguin ang Oplan Bayanihan, na ngayon ay muling naninibasib, nagdurugtong sa madugong record ng Oplan Bantay Laya 1 at 2 sa paglabag sa karapatang-tao. Ang Oplan Bayanihan ang kasalukuyang kontra-insurhensyang kampanya ng Rehimeng US-Noynoy Aquino laban sa mamamayan. Liban sa paghahasik ng terror sa mamamayan ay nagpapakana, nanlilinlang, nagtatakip sa kanilang mga krimen at nagpapakalat ng samu’t saring intriga laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Mapulang Saludo sa Armando Catapia Command-Camarines Norte sa matagumpay na taktikal na opensiba ng mga kasama!

Pagbayarin ang tropang AFP sa kanilang mga kontra-mamamayang krimen!
Biguin ang Oplan Bayanihan!

Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita

Website:
http://bhbsorsogon.blogspot.com/

http://bhbsorsogon.blogspot.com/2012/04/paglilinaw-ukol-sa-panibagong-biktima.html