Mga kilos protesta, inilunsad bago ang SONA

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Naglunsad ng noise barrage o koordinadong pag-iingay noong Hulyo 20 dakong ala-5 ng hapon ang mga residente ng mga barangay na nakapaligid sa Batasang Pambansa sa Quezon City. Pinamunuan ang mga pagkilos na ito ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) at Alyansa Kontra Demolisyon.

Isinagawa ang sabayang kilos-protestang ito sa kabila ng pagbabawal ng pulisya na makalampas ang mga raliyista sa layong dalawang kilometro mula sa Batasang Pambansa—ang lugar na pagdarausan ng State of the Nation Address (SONA) ni Benigno Aquino III sa Hulyo 22. Lumahok sa “noise barrage” ang mga residente mula sa mga barangay ng Commonwealth, Payatas, Batasan, Bagong Silangan at Holy Spirit. May mga kilos-protesta rin sa iba pang komunidad sa mga lunsod ng Maynila, Caloocan, Mandaluyong at San Juan, at pati sa mga itinapon sa Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal.

Nagtirik naman ng kandila ang mga residente ng North Triangle sa labas ng Trinoma sa North Avenue sa Quezon City bilang protesta. Sumama sa kanilang protesta ang mga seminarista at iba pang taong simbahan mula sa Church-Urban Poor Solidarity.

Nagsimula ang mga sama-sama at organisadong pagkilos na ito sa buong bansa noong Hulyo 16 bilang paghahanda sa araw ng SONA. Ang serye ng mga protesta ay tinaguriang “Protesta ng Bayan laban sa nagtataasang presyo, demolisyon at pribatisasyon.”

Lalahok din sa protestang bayang ito ang may 250 dayuhang delegado sa International Conference on Human Rights and Peace (ICHRPP) na ginanap sa Great Eastern Conference, Quezon City nitong Hulyo 19 hanggang 21. Ang mga delegado na nagmula sa US, Canada, Germany, Japan, United Kingdom, Australia, Belgium, The Netherlands, Denmark at iba’t ibang bansa sa Latin America ay determinadong pataasin ang antas ng internasyunal na pagkakaisa at pakikibaka para sa pagtatanggol ng karapatang-tao at kapayapaan sa Pilipinas. Bago ito, nagsagawa ang mga delegado ng fact-finding mission mula noong Hulyo 15 sa Tarlac, Pampanga at Aurora kung saan talamak ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao.

Noong Hulyo 16, pinamunuan ng GABRIELA ang rali ng mga kababaihan sa tapat ng upisina ng Department of Health. Binatikos nila ang pagpapatuloy ng plano nitong pribatisasyon sa mga ospital ng gubyerno sa ilalim ng Public-Private Partnership Program. Kinundena naman ng mga kabataan-estudyante ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa may 400 pampubliko at pribadong unibersidad at kolehiyo sa buong bansa.

Samantala, nagtungo ang grupong StrikeTheHike sa Pandacan Oil Depot sa Maynila dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ng tatlong higanteng kumpanya ng Chevron/Caltex, Shell at Petron. Ayon sa mga drayber at opereytor na kaanib ng PISTON sa Bacolod City at Iloilo City, nagpoprotesta sila dahil nawawalan sila ng P1,002 kada buwan bunga ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa Davao City, nagsimula ang mga pagkilos noon pang Hulyo 15 at magtatapos sa Hulyo 22. Pinamumunuan ito ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN-Southern Mindanao).

Napuno na rin pati ang maliliit na negosyante sa ipinapatong na mga buwis ng gubyerno. Noong Hulyo 18, may 50 container truck mula sa Aduana Business Club Inc. ang humarang noong Hulyo 18 sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Maynila, malapit sa upisina ng Department of Public Works and Highways. Tinututulan din nila ang implementasyon ng bagong batas laban sa overloading at iba pang dagdag na bayarin. Anila, magreresulta ito sa mas mataas na bayarin sa freight, handling and storage at bunga nito ay magtataas nang P1 hanggang P3 ang kada kilo ng bigas at iba pa.