Pananalanta ng Pasistang Estado

Mga sibilyan, pinagbalingan ng militar

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Mga sibilyan ang pinagbabalingan ng militar ng kanilang galit bunsod ng mga kabiguan nila sa mga operasyong militar laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinakahuling mga halimbawa ang dalawang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa Albay nitong Pebrero 11 at 12.

Sa Albay. Dinukot at pinaslang ng mga berdugong tropa ng 2nd IB ang magsasakang si Dalmasio dela Punta, Jr. noong Pebrero 12 ng umaga sa Sityo Divisoria, Barangay Tobgon, bayan ng Oas. Ilang oras bago ito, pinagbabaril ng militar si Romero Octavo, isang 36 taong gulang na magsasaka mula sa Pioduran, sa parehong prubinsya.

Dinakip si Dela Punta sa kanyang bahay bandang alas-9 ng umaga. Pagkatapos maidaan sa bahay ng barangay kapitan, pinatay siya ng militar malapit sa sentro ng Barangay Tobgon, pasado alas-10 ng umaga. Kasama ng 2nd IB noon ang mga tropa ng Force 5 ng PNP Regional Public Safety Battalion.

Ayon kay Gregorio “Ka Greg” Bañares, tagapagsalita ng NDF-Bicol, pinagbalingan ng galit ng mga sundalo si Dela Punta matapos ang bigong pagkubkob nila sa isang iskwad ng BHB noong araw na iyon sa Barangay Tobgon. Apat na sundalo ang malubhang nasugatan sa nasabing labanan nang masabugan sila ng command-detonated explosive. Pinalalabas ng militar na kaswalti sa panig ng BHB si De la Punta.

Sa Barangay Sukip, Pioduran, dinukot ng sampu-kataong tropa ng 2nd IB si Octavo habang nasa gitna siya ng sayawan noong Pebrero 11, bandang ala-una ng umaga. Nakasuot ng bonnet at armado ng mga riple ang mga sundalo. Nakasakay ang ilan sa kanila sa mga motorsiklo. Pagkalabas ng sayawan, pinagbubugbog at pagkatapos ay binaril nila si Octavo.

Mabilis na naghugas-kamay ang militar sa responsibilidad nito sa pagpaslang kay Octavo, subalit ipinagpipilitan pa rin ni Lt. Col. Andrew Costela, hepe ng 2nd IB, na isa siyang gerilya ng BHB.

Sa Bukidnon. Iligal na inaresto ang apat na sibilyang Lumad at sinunog ng mga tropa ng 8th IB ang anim na bahay sa mga sityo ng Salumayag at Kasilaan sa Barangay Halapitan, bayan ng San Fernando noong Pebrero 2 at 4. Ang karahasang ito ay bunsod ng pagbigo ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa pananalasa ng mga sundalo at paramilitar sa naturang lugar.

Iligal na inaresto ng militar sina Totot at Sayapo Maganyo at isa pang Lumad na tauhan ni Datu Mantulisan noong Pebrero 2. Matapos tamnan ng mga baril, binansagan sila ng mga upisyal ng 8th IB na mga Pulang mandirigmang sumuko sa militar.

Arbitraryong inaresto ng mga sundalo noong Pebrero 4 si Balangas Anglangit, taga-Sityo Salumayag. Nangyari ito habang naghahagot siya ng abaka kasama ang dalawa niyang anak na 12 at 16 anyos malapit sa ilog sa Sityo Kala-Kala. Tinutukan ng mga baril ang dalawang bata, ngunit nakatakbo sila habang ginagapos ng mga pasista ang kanilang ama. Saksi rin ang dalawang bata sa panununog ng mga tropa ng 8th IB sa anim na bahay sa tabi ng ilog.

Noong Pebrero 7, hinanap si Balangas ng kanyang mga kamag-anak at kapitbahay sa istasyon ng pulis sa bayan ng San Fernando pero sinabihan sila ng mga pulis na hindi makalalabas sa piitan si Balangas. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya inililitaw.

Samantala, hinamlet ng militar ang mga sityo ng Salumayag at Kasilaan kung saan nakatira ang mahigit isang daang Lumad na Matigsalog. Pinagbawalan silang lumabas ng kanilang komunidad upang magsaka at maghanap ng makakain. Nagdulot ito ng dagdag pang kagutuman sa dati nang nagugutom na mga residente.

Ipinagyayabang ni Lt. Froilan Viamos, tagapagsalita ng 8th IB na talagang pinipigilan nilang pumunta sa bukid ang mga residente. Pakutya niyang sinabing nagkakasya na lamang ang mga ito sa maliit na tulong mula sa lokal na pamahalaan ng San Fernando.

Sa Abra. Dinakip at ibinimbin mula Enero 30 ng umaga hanggang Pebrero 2 ang apat na magsasaka na pawang mga residente ng Barangay Kayapa, Lagangilang. Ito ay pagkatapos ng isang labanan sa pagitan ng 41st IB at ng isang yunit ng Procopio Tauro Front ng BHB-Abra sa Sityo Manipit, Kayapa noong Enero 30 ng umaga.

Hindi bababa sa dalawang sundalo ang dinala sa ospital bunga ng labanang iyon. Walang kaswalti sa panig ng BHB. Ngunit ibinalita sa radyo na nagtamo umano ang BHB ng apat na kaswalti.

Hinuli ng militar sina Anacleto “Killito” Tugade, Ceferino “Boying" Poclani (isang barangay kagawad), Jemmy “Esmie” Bageng at Bonifacio “Pasio" Bagang. Magkasama sila noon na lumabas ng baryo para maghanap ng pulot nang mangyari ang labanan.

Pinakawalan ang apat na magsasaka pagkaraan ng apat na araw. Bago palayain ay binantaan muna sila ng militar na huwag magsumbong tungkol sa nangyari sa kanila.