Pananalanta ng Pasistang Estado

Isa pang Capion, pinatay sa Davao del Sur

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Tatlong buwan makaraang imasaker ng 27th IB ang mag-iinang sina Juvy Capion at kanyang dalawang anak sa Davao del Sur, pinatay naman ang kanyang bayaw na si Kitari Capion ng nag-ooperasyong mga elemento ng 27th at 39th IB noong Enero 29.

Si Kitari ay nakababatang kapatid ni Daguil Capion, asawa ni Juvy. Kinikilalang lider sina Daguil at Kitari ng “Red pangayaw,” isang armadong kilusan na inilulunsad ng tribong B’laan laban sa mapangwasak at marahas na mga operasyon ng Xstrata-Sagittarius Mining Corporation sa kanilang lupang ninuno.

Tinamaan sa likod si Kitari nang paulanan ng mga sundalo ng bala ang kanyang bahay. Nadala pa siya sa ospital sa South Cotabato pero tuluyan na siyang namatay dala ng pagkawala ng dugo.

Napilitang magbakwit ang 150 residente ng Barangay Kimlawis, Kiblawan, Davao del Sur noong Pebrero 1 matapos patayin si Kitari.

Mariing kinundena ng mga grupong minorya at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang pagpatay kay Kitari at ang harasment sa mga komunidad ng B’laan. Nananawagan silang kaagad na iatras sa komunidad ang Task Force KITACOM (Kiblawan, Tampakan, Columbio, Malungon). Ang Task Force KITACOM ay binubuo ng mga pwersa ng 27th at 39th IB at ng CAFGU na nagbibigay-proteksyon sa dayuhang kumpanyang Xstrata-SMI.

Ang mga elemento ng 27th IB na nagmasaker sa pamilya Capion noong Oktubre ay hindi pa nakakasuhan hanggang ngayon.