Pananalanta ng Pasistang Estado

Harasment sa mga konsultant at istap ng NDFP Negotiating Panel, binatikos

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Nalalagay ngayon sa peligro ang pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bunsod ng mga insidente ng harasment sa mga konsultant at istap nito.

Noong gabi ng Pebrero 9, hinoldap si Rose Tumbagahon, kasapi ng NDFP Nominated Section ng Joint Secretariat (JS), habang nakasakay sa isang dyip sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City. Tinutukan siya ng baril ng mga salarin at inagaw ang kanyang mga papeles at bag. Laman ng kanyang bag ang kanyang susi sa upisina ng JS, kanyang cellphone at mga USB flash drive. Si Tumbagahon ang malinaw na target, dahil walang ibang pasaherong kinunan ng gamit.

Noong gabi ring iyon, natuklasan ni Rey Claro Casambre, isang konsultant ng NDFP na nilooban ang kanilang bahay. Sinira ang susian ng pintuan ng bahay at ninakaw ang mga laptop computer at isang lumang USB flash drive. Ninakawan din ng pera si Casambre.

Ilang buwan bago ito, pinasok noong Setyembre 2012 ang tirahan ni Atty. Rachel Pastores, NDFP Legal Consultant. Ninakaw ang kanyang mga laptop computer at mga USB flash drive. Dumadalo noon si Pastores sa libing ni Atty. Romeo Capulong, NDFP Chief Legal Counsel.

Itinuturing ng NDFP ang mga pangyayaring ito bilang operasyong paniktik ng AFP lalupat karamihan ng mga ninakaw ay mga USB flash drive na walang gaanong halaga, subalit maaaring naglalaman ng mga impormasyong nais malaman ng militar.

Saklaw ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sina Pastores at Casambre bilang mga myembro ng NDFP Negotiating Panel. Si Tumbagahon naman ay may Document of Identification bilang kasapi ng NDFP-Nominated Section ng JS.