Panukala sa kumpensasyon, inaprubahan

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Pinagtibay ng reaksyunaryong Senado at Kongreso nitong Enero 28 ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Nagtagumpay ang mga kinatawan ng mga progresibong partido sa pangunguna ng Bayan Muna na igiit ang awtomatikong pagkilala sa 10,000 biktimang naunang nanalo noong 1994 sa kaso laban kay Marcos sa US District Court sa Hawaii.

Alinsunod sa panukala, gagamitin ang P10 bilyon mula sa nabawing nakaw na yaman ng mga Marcos bilang danyos sa mga biktima, ayon sa disposisyon ng bubuuing Human Rights Compensation Board. Kabilang sa komposisyon ng lupong ito ang Task Force Detainees, Families of Victims of Involuntary Disappearances, Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism, Inc., Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), at Free legal Assistance Group.

Higit sa pinansyal na kumpensasyon ang kabuluhan nito para sa mga biktima. Ang batas na ito ang tatayong pormal na dokumento na kumikilalang totoong naganap ang mga pang-aabuso sa karapatang-tao sa panahon ng diktadura; ang pagiging makatarungan ng pakikibaka ng mamamayan; at ang pagkilala sa kanilang sakripisyo at kabayanihan.

Naging susi rin sa pag-usad ng panukala ang walang tigil na militansya ng mga biktima sa pangunguna ng SELDA na masususog pa mula noong 1986. Kumakailan lamang, kinundena ng SELDA ang pahayag ni Andres Bautista, tserman ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na dapat pabayaan na ng mga ito ang kanilang laban kaugnay sa class suit, dahil nariyan na rin naman ang panukala para mabigyang kumpensasyon ang mga biktima.