Pangangamkam at pandarambong ng mga plantasyong multinasyunal

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Paulit-ulit na nauungkat ang pananagutan ng dayuhang mga kumpanya sa pagmimina, pagtotroso at mga komersyal na plantasyon sa harap ng malaking pinsalang dala ng magkakasunod na mga sakuna. Tampok ito sa kaso ng Mindanao, kung saan deka-dekada na ang malawakang pangangamkan ng lupa, pandarambong sa likas na yaman at panggigipit ng naturang mga kumpanya, katulong ang reaksyunaryong estado. Pinakaapektado sa mga operasyon ng mga kumpanyang ito ang milyun-milyong masang magbubukid, Lumad at mga manggagawa na matagal nang pinagsasamantalahan, inaapi at sinusupil.

Patung-patong na pamiminsala ang ginawa ng mga dayuhang kumpanya. Bago ang mga mina at malalawak na plantasyon, kinalbo muna ng mga ito ang mayayamang kagubatan ng isla para sa de-kalidad na mga troso. Mula pa noong panahon ng kolonyalistang US, sistematiko na ang pagtotroso sa ilalim ng forest law ng 1904. Matapos ubusin ang halos lahat ng mga gubat, bumaling ang mga dayuhang kumpanya sa pagmimina at paglalatag ng malalawak na plantasyon. Hindi pa nagkasya mula sa nahawang gubat, naging malawakan ang pagpapalit-tanim sa mga lupang dating natatamnan ng palay at mais ng mga produktong pang-eksport.

Sentro ng mga multinasyunal na korporasyon sa agribisnes. Nagsisilbing sentro ng bansa sa agribisnes ang Mindanao mula pa noong dekada 1920. Noong maagang bahagi ng dekada 1980, ang isla na ang pinagmumulan ng umaabot sa 40% ng kalupaan ng bansa na natatamnan ng mataas-na-halagang produkto para sa eksport. Sa kasalukuyan, narito ang mga multinasyunal na korporasyong tulad ng DOLE-Stanfilco, Del Monte, Sumitomo Fruits Corp. (SUMIFRU) at UNIFRUTTI, para sa produksyon ng mga pananim na pang-eksport tulad ng saging, pinya at papaya; at iba pang korporasyon sa plantasyon ng goma, oil palm, at maging para sa agrofuel.

Maagang nagkainteres ang mga dayuhang korporasyon sa Mindanao dahil sa mayamang lupa at paborableng klima nito. Bago ang akumuladong epekto ng pandarambong sa likas na yaman ng isla, na nagdala ng malaking bulnerabilidad sa harap ng pagbabago ng klima nitong huling mga taon, ang isla ay ligtas sa mga kalamidad kumpara sa ibang bahagi ng bansa. Bukod dito, ang atrasadong kalagayan ng Mindanao ay napakapaborable sa pagsasamantala sa mga lupaing ninuno at murang lakas paggawa ng mga Lumad at iba pang maralita.

Naging madali para sa mga dayuhang korporasyon na ikutan ang kontrobersyal na usapin ng pambansang soberanya, mga mapaminsalang epekto sa kapaligiran at sa mamamayan, dahil sa pangangayupapa sa dayuhang interes ng magkakasunod na papet na rehimen sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyang rehimen ni Aquino. Tumutugon ang programang Public-Private Partnership (PPP) sa agresibong pagpapalawak ng pamumuhunan sa mga plantasyong agribisnes sa bansa.

Sa kasalukuyan, sumasaklaw ng 300,000 ektarya ang mga plantasyong natatamnan ng pang-eksport na produkto. Hindi pa kabilang dito ang plantasyon para sa agrofuel na umaabot ng 664,000 ektarya at plantasyon sa goma na target ding abutin ang lawak na 300,000 ektarya pagdating ng 2016.

Mga anyo ng ligal na pangangamkam ng lupa. Ipinagbabawal sa reaksyunaryong batas ang pagmamay-ari ng mga dayuhan ng lupa sa Pilipinas. Pero nagawa nilang balewalain ito at kamkamin ang malalawak na lupa sa isla sa pamamagitan ng iba’t ibang iskema kabilang ang joint-venture, “pag-uupa,” at contract growing.

Sa joint-venture, nagkakasundo ang dayuhang korporasyon at ang “kasosyo” nitong kooperatiba na bumuo ng pangatlong partido na kumpanya. Lupa ang sosyo ng kooperatiba, samantalang sa kabila naman ang teknolohiya, pinansya at operasyon ng pangangasiwa. Bibigyan lamang ng kwentado na balwasyon ang lupa at nawawalan ng karapatan sa lupa ang mga magsasakang kasapi ng kooperatiba. Sila ang mga nagiging manggagawang bukid sa plantasyon na makatatanggap ng kakarampot na sahod.

“Pag-upa” ng lupa ng mga magsasaka. Pinahihintulot ng batas ang pag-upa sa lupa ng mga dayuhang kumpanya nang hindi hihigit sa 25 taon. Maaaring palawigin nang 25 taon pa ang kontrata, sa hindi lalampas sa 1,000 ektarya ng lupa. Sa loob ng panahong nabanggit, lahat ng karapatan sa lupa ay isusurender sa kumpanya. Obligado na magtrabaho bilang manggagawang bukid ang mga magsasaka para mabuhay.

Sa contract growing na umaayon din sa patakaran ng outsourcing, kinukuha ng kumpanya ang serbisyo ng mga lokal na panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador para sa pagpapatanim ng kinakailangang produkto, tulad ng saging, pinya, tubo, oil palm at cacao. Sa ilalim ng iskemang ito, nakapagpapalawak ang mga kapitalista ng operasyon nang walang aalalahaning mga risgo. Nagagamit nila ang pera ng mamamayang nakalagak sa Land Bank para bigyan ng kapital ang iskemang ito. At nakakaiwas pa ang kumpanya sa dagdag na gastos sa pasahod.

Nagagawa ito sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga panginoong maylupa para magtayo ng mga “grower’s cooperative” para magmobilisa ng libong mga lupaing pag-aari ng mga panggitna at mayamang magsasaka para serbisyuhan at tugunan ang ekspansyon ng mga plantasyon.

Sa kalagayang may mga lupa sa Mindanao na nakapaloob sa Agrarian Reform Communities (ARC) sa pangangasiwa ng Department of Agriculture (DAR), pinangungunahan mismo ng DAR ang pagpasok ng mga ARC sa mga nabanggit na iskema.

Sa ganitong mga paraan pumasok ang Del Monte Corporation sa produksyon ng pinya noong dekada 1920, ang DOLE noong dekada 1970 at iba pang mga plantasyon sa saging, oil palm at agrofuel. Kaakibat din nito ang paggamit ng pwersang militar para mapaalis ang mga komunidad bago pumasok sa mga kasunduan sa mga multinasyunal na korporasyon at para sa pagsupil ng anumang anyo ng mga protesta.

Mabigat ang kabayarang panlipunan at pangkalikasan ng pagpapaunlad ng malakihang plantasyong agribisnes.Winawasak nito ang tradisyunal na produksyon para sa pagkain ng mga magsasaka. Nangangahulugan din ito ng pagkawasak ng mga komunidad ng mga Lumad, pinsala sa kalikasan, at banggaan ng mga interes.

Nagbigay-tulak ito sa konsentrasyon ng lupa sa dayuhang kumpanya at mga lokal na panginoong maylupa na kasapakat nito, at sa gayon ay nawalan ng lupa ang libu-libong maralita at maging mayayamang magsasaka. Naging pinagsasamantalahang mga manggagawang bukid sila sa plantasyong alipin ng sistemang sahuran, baon sa utang at walang seguridad sa trabaho.


(Ang artikulong ito ay una sa serye ng mga artikulong magtatalakay sa kalagayan at epekto ng malawakang dayuhang pagmimina, pagtotroso at mga operasyon ng komersyal na plantasyon sa Mindanao.)