Mga biktima ng Pablo, patuloy na binibiktima ng rehimeng Aquino

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Sa kabila ng mga pangako ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), walang dumating na bigas at dagdag na relief sa mga biktima ng bagyong Pablo matapos nila barikadahan ang haywey ng Montevista sa Compostela Valley noong Enero 15. Sa halip, sinampahan ng kasong “public disorder” (panggugulo) ang mga lider ng mga nagprotesta.

Mariing kinundena ng mga progresibong grupo ang pagsasampa ng kaso. Anila, tanda ito ng pagmamatigas ng gubyernong Aquino laban sa lehitimong kahilingan ng mamamayan na tugunan ang interes ng mga nasalanta ng kalamidad at resolbahin ang tunay na dahilan sa pagkawasak ng kapaligiran na nagdulot ng malaking pinsala sa mamamayan ng Mindanao.

Samantala, nabulgar din ang korapsyon kaugnay ng mga itinayong “bunkhouse” o temporaryong tirahan ng mga biktima ng Pablo na nawalan ng bahay. Nakumpirma mismo ito ng mga mamamahayag na sumubaybay sa kalagayan ng mga nasalanta at nakapag-interbyu ng mga taga-DSWD. Ayon sa isang inhinyero ng DSWD, nagkakahalaga ng P550,000 ang isang istrukturang itinayo sa San Rafael, Cateel, Davao Oriental (isa sa 21 yunit na itinayo sa Cateel), at P650,000 ang bawat isa sa 39 na yunit na itinayo sa iba pang bahagi ng Compostela Valley at Davao Oriental.

Hindi makapaniwala ang masa at mga mamamahayag dahil gawa lang naman sa coco lumber at plywood ang mga istruktura. Isa sa mga anomalya ay ang gastos sa patrabaho sa San Rafael, dahil lahat ng nagtrabaho rito ay mga sundalo na dati nang sumasahod sa gubyerno. Palusot ng upisyal ng DSWD, alawans daw ito sa pagkain. Pero wala rin sa rekord ng DSWD ang alawans sa pagkain para sa mga sundalo.

Nagulat din ang mga residente nang makita na may nagastos daw na P63,107.23 badyet para sa sementado na sahig, samantalang wala namang ginawang pagsesemento dahil itinayo sa dating basketball court ang “bunkhouse.” May naisama ring badyet na P28,602 para sa pasilyo na hindi naman kailangan na dahil dati na itong basketball court. Ang nabanggit na datos ay tungkol sa isa pa lang na “bunkhouse.” Animnapung yunit lahat ang naitayo sa lugar.

Sa iba pang kaso ng korapsyon, 11 upisyal ng Philippine National Police ang tinanggal sa pwesto nitong Enero 22 bunsod ng katiwalian sa pagbili ng 75 depektibong rubber boats na nagkakahalaga ng P131.5 milyon noong 2008. Kabilang sa mga sinibak sina Police Chief Supt. Herold Ubalde at Deputy Dir. Gen. Benjamin Belarmino Jr.