Dayuhang pamumuhunan: Para sa denasyunalisasyon at pribatisasyon

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Noong nakaraang taon, naglaan ang rehimeng Aquino ng dagdag na P142 bilyon para sa mga proyektong pang-imprastruktura na nakapailalim sa iskemang Public-Private Partnership (PPP) nito. Ginawa ito ng rehimen para akitin ang dayuhang mamumuhunan na makisosyo sa naturang mga proyekto. Ayon kina Aquino at kanyang mga ekonomista, pasisikarin diumano ng dayuhang kapital ang lokal na ekonomya. Pauunlarin diumano nito ang mga kaakibat na industriya at lilikha ng demand sa mga bagong industriya at kaakibat na mga bagong trabaho.

Gayunpaman, deka-dekada nang napatunayang hindi sasalbahin ng dayuhang pamumuhunan ang bangkrap na lokal na ekonomya. Pangunahing itinutulak nito ang denasyunalisasyon ng ekonomya at pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan. Pinananatili nito ang atrasado at di-industriyal na lokal na ekonomya bilang base nito ng murang lakas-paggawa at likas na yaman. Samakatwid, malinaw na hindi ito ang solusyon upang umunlad ang ekonomya. Bagkus, ito mismo ang problema.

Pribatisasyong ng kita

Ang iskemang PPP ay isa sa mga programang dinisenyo ng World Bank at International Monetary Fund para itulak ang pribatisasyon ng mga pampublikong utilidad at serbisyo. Ang mga teknokrata mula sa International Finance Institute, isang korporasyon sa ilalim ng IMF, ang umaaktong mga konsultant sa mga proyekto. Sila rin ang nagpapautang ng pondo para rito.

Sa ilalim nito, makikipagsosyo sa mga dayuhang negosyo ang mga lokal na burukrata para ipailalim sa kanilang kontrol ang pagkukumpuni at operasyon ng mga pampublikong utilidad tulad ng sa kalsada, transportasyong masa, ospital at iba pa. Walang ipinapasok na bagong kapital sa bansa ang mga dayuhang kumpanyang kasosyo sa PPP. Ang tipo ng pamumuhunan na pumapasok sa ganitong mga proyekto ay nakatuon sa pagbabago ng pangangasiwa at paghahanap ng pondo ng mga proyekto.

Sa kaso ng mga pampublikong utilidad kung saan ang publiko ang pangunahing kliyente ng serbisyo, ang “dayuhang pamumuhunan” ay napalilitaw gamit ang pondo ng pambansang gubyerno at mga institusyong panseguro tulad ng GSIS. Ito ay nasa porma ng pamumuhunan ng nga pampublikong institusyon, samutsaring subsidyo, pagbibigay ng kolateral, pagbibigay ng garantiya o direktang pagpapautang sa espesyal na kulumpon ng mga kumpanyang humahawak sa lahat ng aspeto ng proyekto sa pamamagitan ng securities at iba pang instrumento sa pinansya. Sa panahong hindi na makapagbabayad ang dayuhan at lokal na kumpanya o sa kaso ng mga “bigong” proyekto, ang mga utang ng mga pribadong kumpanya ay sasaluhin ng gubyerno at ng publikong tumatangkilik sa serbisyo at utilidad sa anyo ng mas matataas na bayarin. Masahol pa, babayaran ng gubyerno ang lokal at pribadong korporasyon para sa mga serbisyo na kaya nitong ipagkaloob at hindi batay sa aktwal na kinokonsumo ng publiko. Tampok na halimbawa nito ang kaso ng independent power producers ng elektrisidad na pinangakuan ng estado ng subsidyo para sa produksyon nila, gamitin man ito o hindi.

Pumapasok lamang ang mga dayuhang kumpanya sa iskemang PPP kung mababa ang risgo sa pinansya nito at natitiyak nila ang kanilang kita mula sa mahabang paggamit ng publiko sa kanilang utilidad at mga serbisyo. Sa aktwal, limpak-limpak at walang taning ang nahuhuthot nilang kita mula sa mga proyektong nakapaloob dito.

Denasyunalisasyon ng lokal na industriya

Taliwas sa gustong palabasin ng rehimen, hindi rin pasisikarin ng dayuhang kapital ang nananamlay at manipis na baseng industriyal ng bansa. Ayon sa Board of Investments, malaking bahagi (75% noong 2011) ng dayuhang kapital ay napupunta sa special economic zones, mga espesyal na engklabong nakalaan para sa lokal na operasyon ng mga dayuhang negosyo. Pero kalakhan nito ay napupunta sa mga negosyong sangkot sa business process outsourcing. Sa mahigit 200 engklabo sa bansa ngayon, 134 ay information technology parks/centers o mga call center at upisina para sa medical transcription at iba pang trabahong klerikal. Nasa 69 lamang ang mga export-processing zones o mga engklabong nakatuon sa pagmamanupaktura.

Nakaasa sa dayuhang negosyo at imported na materyales ang mga pabrika at upisina sa special economic zones. Liban sa lakas-paggawa, halos walang ambag ang lokal na mga industriya sa karamihan ng mga sonang ito. Nakatuon sa pagbibigay ng serbisyong klerikal sa mga kliyente sa labas ng bansa ang mga call center. Ang mga pabrika sa mga export-processing zone ay bahagi lamang ng mahabang linya ng asembliya ng mga produktong binubuo sa ibang bansa (sa ngayon, China). Ang mga pyesang kinukumpuni sa Pilipinas ay mura, hindi nangangailangan ng mataas na teknolohiya at sa gayon, napakababa ng dagdag na halaga.

Halos wala o napakababa ng ginagawang pagpoproseso ng mga dayuhang kumpanya sa hilaw na materyales na iniluluwas nila mula sa bansa. Walang sagka nilang nailalabas ang nahuhuthot nilang likas na yaman, tulad ng mga agrikultural na produkto, mineral, troso at natural gas. Ang proseso ng pagmamanupaktura at transpormasyon sa mga mineral at natural gas tungo sa mga produkto at enerhiya ay isinasagawa sa sarili o ibang mga bansa. Sa mga bansang ito napalilitaw ang makabuluhang mga trabaho, kabilang yaong nangangailangan ng matataas na kasanayan, at doon nalilikha ang mataas na dagdag na halaga.

Sa kabilang banda, napakalaki ng tinatamasang mga bentahe ng mga dayuhang kumpanya sa mga espesyal na sona. Nasasamantala nila ang mura at kiming lakas-paggawa dulot pangunahin ng dami ng walang trabaho at mababang kasanayan nila at ang relatibong mabababang bayarin sa mga pampublikong utilidad (kumpara sa ibang bansa). Sa tulong ng mga reaksyunaryong batas sa paggawa, lalong pinipiga ang lakas-paggawa at sinisikil ang karapatan at interes ng mga manggagawa.

Napakarami nilang tinatamasang pinansyal at komersyal na mga insentibo mula sa reaksyunaryong gubyerno. Kabilang dito ang eksempsyon sa lahat ng taripa at iba pang buwis sa kanilang inaangkat na mga materyales, makinarya at pyesa, gayundin ang eksempsyon sa pagbayad ng lahat ng pambansa at lokal na buwis (income at corporate tax nang hanggang sampung taon, wharf and export tax at VAT sa mga lokal nitong pangangailangan.) Nitong nakaraang mga taon, mas malaki pa ang nahuthot na buwis ng reaksyunaryong gubyerno mula sa masang manggagawa at mga sahurang empleyado kumpara sa pinagsamang buwis ng mga dayuhang negosyo.