Boluntarismo ng kabataan para sa masa at kalikasan

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Kabataan Depensahan ang Kalikasan, Paglingkuran ang Sambayanan. Ito ang panawagang nagbigkis sa 300 kabataan na boluntaryong sumama sa tatlong-araw na misyon na pinamunuan ng Tulong Kabataan-Southern Mindanao, ang kampanya sa boluntarismo at pakikisangkot ng kabataan sa mga pinsalang dulot ng kalamidad. Naglunsad din sila ng psychosocial therapy at mga grupong talakayan sa mga apektadong komunidad sa Compostela Valley mula noong Enero 26.

Dati nang nagsagawa ng operasyong relief at rehabilitasyon ang Tulong Kabataan noong bago lang dumaan ang bagyong Pablo sa mga lugar ng Compostela Valley at Davao Oriental, at sa pinakahuling pagbaha sa Davao City. Umabot sa halos 1,500 ang namatay, 834 ang nawawala at P40 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura, imprastruktura at mga ari-arian na idinulot ng kalamidad.

Sa mga nangyaring sakuna nitong nakaraang dalawang taon, nakita nila ang pangangailangang higit pang paunlarin ang pampulitikang kampanya tungo sa mas mataas na antas upang pangalagaan ang kapaligiran laban sa patuloy na pinsalang dulot ng walang patumanggang pandarambong sa likas na yaman ng Mindanao.

Idiniin nila na habang nagbibigay sila ng suporta sa mga komunidad na napinsala ng mga bagyo at pagbabaha, sinisingil nila ang rehimeng Aquino at mga kumpanya ng malakihang pagmimina at pagtotroso sa kanilang pananagutan sa mga nangyaring sakuna.