Matatagumpay na Opensiba ng BHB

Alpha Coy ng 57th IB, inambus

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Isa ang napatay at dalawa ang nasugatan nang ambusin ng mga Pulang mandirigma ng Front 72-Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang nagpapatrulyang kolum ng Alpha Coy ng 57th IB ng Philippine Army (PA) sa bulubunduking bahagi ng Barangay Cabilao, Makilala, North Cotabato bandang ala-una ng hapon noong Enero 22. Nakilala ang napatay na si Pfc. Rodolfo Limlaud at ang mga nasugatan naman ay ang kumander nila na si Lt. Dennis Matumbale at si Cpl. Batotin Ebat.

Umatras ang mga sundalo sa lugar na pinangyarihan ng pananambang at pinwersa nila ang mga residente na kunin ang naiwan nilang mga kaswalti. Bilang ganti, walang patumanggang namomba ang 57th IB sa bukirin at sibilyang komunidad gamit ang mga 105 howitzer at 60 mm mortar.

Kinabukasan, hinaras ng dalawang yunit ng BHB ang reimporsment ng dalawang magkahiwalay na kolum ng PA. Nangyari ang una bandang alas-8 ng umaga at ang pangalawa ay ala-una ng hapon. Sa panimulang ulat, hindi pa matiyak ang bilang ng mga kaswalti ng kaaway. Walang kaswalti naman sa panig ng mga Pulang mandirigma sa tatlong labanan.

Karugtong ng kanilang sustenidong operasyong kombat laban sa Front-72 itong pinakahuling operasyong militar ng 57th IB. Isa sa mga layunin nito ang paghawan ng daan para sa higit pang pagpapalawak ng mga plantasyon ng saging ng multinasyunal na kumpanyang Dolefil-Stanfilco sa Makilala.