Transport caravan, matagumpay

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Naglunsad ng transport caravan noong Enero 10 ang mga drayber at opereytor ng UV Express (FX) para tutulan ang planong phase-out sa kanilang mga sasakyan simula ngayong taon.

Pinamunuan ng PISTON Party at ALSA-UV ang caravan mula Quezon City Memorial Circle patungong Mendiola sa Maynila. Umabot sa mahigit 50 sasakyan ng FX at mga dyip ang nakiisa sa caravan. Bago ito ay dumulog muna sila sa Korte Suprema para magsampa ng petisyon na ipatigil ng gubyerno ang pagpapatupad ng plano. Ayon kay George San Mateo, tagapangulo ng PISTON Party, mariin nilang tinututulan ang Memorandum Circular ng Land Transporation Office (LTO) kaugnay sa 13 taon na o mas luma pa sa mga UV Express na ipatutupad ngayong taon. Kapag pinagbawalan nang pumasada ang mga FX na mas luma pa sa 13 taon ay maraming drayber ang mawawalan ng hanapbuhay.

Marami ring maliliit na opereytor ang mawawalan ng negosyo dahil kokontrolin ng mga dayuhan at malalaking kumpanya sa sasakyan ang pagbebenta ng mga mas bago at mamahaling modelo ng FX.

Nagbanta rin ang PISTON at ALSA-UV na maglunsad ng tigil pasada kapag ipatupad ang naturang plano.