Presensya ng drone ng US sa Masbate, binatikos

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang naiulat na pagkapadpad ng isang Unmanned Aerial Vehicle (UAV) o drone ng US malapit sa baybayin ng Masbate noong Enero 6. Sinabi ng PKP na ginamit ang drone na ito para sa operasyong counter-insurgency katulad ng paniniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan. Dapat din anitong batikusin ang rehimeng Aquino dahil pinapayagan nito na magsagawa ng operasyong paniktik ang US na malinaw na paglabag sa soberanya ng bansa.

Bumagsak ang US drone na may modelong BQM-74E Chukar III sa tabing dagat ng Sityo Tacdugan, San Jacinto sa Masbate. Kinumpirma ito mismo ng embahada ng US at sinabing isang surveillance drone ng US Navy na ginamit sa pagsasanay-militar ang bumagsak sa nasabing prubinsya.

Sinabi pa ng PKP na hindi lang ito ang unang insidente na ginamit ang drone sa bansa. Noong Pebrero 2, 2012, naiulat na isang “smart bomb” ng US, o isa ring uri ng drone na may lulang bomba, ang ginamit sa operasyong kombat sa Parang, Jolo laban mga pinaniniwalaang terorista.

Sa Masbate rin mismo noong 2009 ay nasaksihan ng ilang upisyal ng pulis at militar sa prubinsya ang pagpapalipad ng US drone sa isla subalit nasira at bumagsak ito kinalaunan.