Editoryal

Paigtingin ang mga pampulitikang pakikibaka at ang pambansa-demokratikong kilusang propaganda

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Sawang-sawa na ang mamamayang Pilipino sa tatlong-taon nang pambubuladas at pangangako ni Aquino ng pagbabago. Habang nagtatagal, lalong lumilinaw ang kahungkagan at kawalang-saysay ng kanyang sirang-plakang “matuwid na daan” at “malinis na gubyerno.” Klarong-klaro na ang “kayo ang boss ko” ay pambibilog ng ulo. Lantad na lantad na ang tunay na amo ni Aquino ay ang mga kaibigan niyang malalaking negosyante, dayuhang mga kapitalista at ang gubyerno at militar ng US.

Malinaw na hindi si Aquino o ang kanyang mabubulaklak ngunit hungkag na talumpati ang solusyon sa kahirapan, kagutuman, pagsasamantala at kaapihan ng masang anakpawis at petiburgesya. Kahit dagdagan ang mga gimik, palabas at ang mga kwento ng “magagandang balita,” hindi maitatago ni Aquino ang tunay na kundisyon ng mamamayan.

Ang manipuladong “popularidad” ay isang manipis na lamang na sinulid na kinakapitan ni Aquino. Ang totoo, said na ang pasensya ng masang anakpawis. Hindi na rin madaling mapasasakay ni Aquino ang panggitnang saray sa harap ng dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao, labis na pangangayupapa sa US, pang-aabuso sa kapangyarihang pampulitika, korapsyon at krimen. Batid ito ni Aquino kaya pinaiigting niya ang kampanyang panunupil laban sa demokratikong pakikibaka ng mamamayan.

Ang nalalabing tatlong taon ni Aquino ay dapat harapin ng mamamayan ng ibayong pinaigting na mga pampulitikang pakikibaka. Dapat nilang pagbayarin ang rehimeng Aquino sa mga kasalanan at krimen nito sa mamamayan. Dapat nilang tipunin ang kanilang kapangyarihan sa pag-oorganisa at sama-samang pagkilos.

Napakainam ng kundisyon para malawakang pukawin at pakilusin ang mamamayan sa batayan ng paglaban sa walang-awat na pagtaas ng presyo ng langis, karagdagang mga buwis, nakapakong mababang sahod, nabubulok at nagmamahal na serbisyong pangkalusugan at edukasyon, malawakang demolisyon ng mga maralitang komunidad, kawalan ng disenteng pabahay, dayuhang pandarambong sa yamang mineral ng bansa, panunupil at pang-aabuso sa karapatang-tao, pang-aagaw ng lupa, pagpapabaya sa mga biktima ng kalamidad, pagsuko sa kasarinlan ng bansa at pagsunod sa lahat ng utos ng US.

Dapat ituon ng sambayanang Pilipino ang kanilang galit at paniningil sa pagyanig at maagang pagtatapos sa paghahari ni Aquino. Ang pagpapaigting ng mga pakikibakang pampulitikang ito sa kalunsuran ay mag-aambag din ng lakas sa armadong pakikibaka sa kanayunan.

DAPAT pamunuan ng Partido at ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pagpapaigting ng mga pampulitikang pagkilos at pakikibaka ng mamamayan. Ang pagpapalakas ng kilusang masa sa kalunsuran ay kabilang sa pinakamahahalagang pampulitikang rekisito para marating ng digmang bayan ang bungad ng estratehikong pagkapatas.

Gamitin natin ang paggunita sa ika-43 anibersaryo ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 upang balikan ang mga aral sa pagpapalakas ng rebolusyonaryo at demokratikong kilusang masa sa kalunsuran.

Tulad ng papel na ginampanan ng isang kwartong pagragasa ng kilusang masa noong 1970 sa pagpupundar ng digmang bayan, ang paglakas at pagsulong din ng kilusang masa sa mga susunod na taon ang isa sa mga susi sa pagtitiyak na makakamit ang target na pag-igpaw ng digmang bayan sa mas mataas na antas sa loob ng kasalukuyang dekada.

Matagumpay na napakilos ang daan-daan libong mamamayan noong Enero hanggang Marso 1970 sa gahiganteng mga kilos-protesta na dumagundong mula Metro Manila hanggang sa iba pang mga sentrong lunsod sa buong kapuluan. Ibinunga ito ng ilang taong pagpupunyagi sa pagpopropaganda, pagmumulat, gawaing edukasyon at pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa, mala-proletaryado, kabataan-estudyante, kababaihan, propesyunal, mga taong-simbahan at iba pang sektor ng lipunan.

Lubusang nahiwalay at nayanig ang naghaharing rehimeng Marcos hanggang sa hindi na ito makapaghari sa dating paraan. Kumalat ang pasistang lagim nang ipataw ng rehimeng Marcos ang batas militar noong 1972.

Subalit bigo itong durugin ang noo’y nagsisimula pa lamang na rebolusyonaryong kilusan. Bagkus ay lumakas pa ang digmang bayan sa pamamagitan ng pagtungo ng libu-libong mga aktibista sa kanayunan. Binigyang-bwelo nila ang paglawak ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Inabot at inorganisa nila ang daan-libo at milyon pang mamamayan. Hindi mararating ng rebolusyonaryong kilusan ang kasalukuyan nitong lawak at lakas nang wala ang makabuluhang ambag ng mga pwersang napalitaw ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970.

Mainam na balikan ang mga aral mula sa mahalagang bahaging ito ng kasaysayan ng rebolusyong Pilipino upang magsilbing gabay sa pagsisikap natin ngayong lumikha ng bagong maningning na kabanata sa pagsusulong ng digmang bayan.

Ang malakas at sumusulong na kilusang masa sa kalunsuran ang sandata ng mamamayan para labanan ang pang-aapi at pagsasamantala. Ito ang paraan para sila ay mamulat at mapakilos at maidiin ang naghaharing pangkatin at ang buong naghaharing sistema. Dapat pukawin ng mga pwersang pinamumunuan ng Partido ang mamamayan at tipunin ang kanilang rebolusyonaryong saloobin.

Dapat palakasin ang demokratikong kilusang masa sa kalunsuran upang bigyang-linaw ang sigaw ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago at buuin ang iba’t ibang tipo ng alyansa.

Hindi nagkukulang sa matitingkad na isyung dapat tuntungan ng pagpukaw at pagpapakilos sa masa. Mahalagang tungkulin ng kilusang masa ang paghahapag ng kritikal na pagsusuri at paglalatag ng wastong linya upang ituon ng bayan ang pakikibaka laban sa naghaharing reaksyunaryong pangkatin at sistema.

Kaakibat nito’y dapat walang pagod at walang sawang abutin ang masa at ilunsad ang mga paaralan o pag-aaral sa mga pabrika, kampus o komunidad na tumatalakay sa programa para sa pambansa-demokratikong pagbabago.

Ang pagtukoy at paghahapag ng wastong linya ng pagkilos ang makapupukaw at makapagpapakilos sa milyun-milyong mamamayan at magiging daan sa pag-oorganisa sa kanila upang mapagkaisa sila para ipaglaban ang kanilang mga pambansa at demokratikong mithiin. Sa gayon ay maibabaling nila ang kanilang poot hindi lamang sa naghaharing rehimen, kundi sa kinakatawan at ipinagtatanggol nitong bulok na naghaharing sistema.

Di maitatatwa ang papel ng mga kabataan-estudyante sa pagpapasigla ng demokratikong pagkilos ng mamamayan. Dapat malawakan silang kumilos upang harapin hindi lamang ang kanilang mga isyu sa kampus, kundi maging ang mga isyu at suliranin ng masang anakpawis sa kalunsuran at kanayunan. Dapat silang maramihang kumilos tungo sa mga pabrika at komunidad at dalhin ang mga isyung ito sa kanilang mga paaralan at sa lansangan.

Dapat muling maitayo ang malawak na organisadong lakas ng masang manggagawa. Malupit ang mga pag-atake ng reaksyunaryong gubyerno sa kanilang mga unyon at sa kanilang saligang mga karapatan. Ang iba’t ibang mga paraan para bigkisin ang mga manggagawa—sa mga unyon o iba’t ibang anyo ng asosasyon—ay dapat isagawa upang bigyang-diin ang kanilang sigaw para sa karagdagang-sahod, katiyakan sa trabaho at pagpapabuti ng mga kundisyon sa paggawa.

Ang mga napapalitaw na mabubuti at abanteng elemento mula sa paglakas ng kilusang masa ay dapat anihin at bigkisin sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Dapat mapangahas na palakasin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa at tuluy-tuloy na palawakin at palakasin ang mga ito sa pamamagitan ng edukasyong pampulitika at mga kampanyang masa at pakikibaka.

Ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang pinagmumulan ng mga kasapi ng Partido at mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Ang isang makapangyarihang kilusang masa ay nagsisilbing di nasasaid na balon ng mga aktibista, proletaryong rebolusyonaryo at mga mandirigma.

Matalas na tinutukoy, sinusuri at nilulutas ng Partido ang mga dahilang pumipigil o umaantala sa tuluy-tuloy na pagsulong ng demokratikong kilusang masa nitong nagdaang mga taon. Determinado ang mga rebolusyonaryong pwersa na puspusang ilantad ang naghaharing rehimeng Aquino, paigtigin ang mga pampulitikang pakikibaka at puspusang isulong ang pambansa-demokratikong kilusang propaganda.