Kabataan, nagrali kontra Cybercrime Law

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Naglunsad ng kilos-protesta ang mga kabataan at estudyante noong Enero 15 para tutulan ang pagpapatupad ng RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Law.

Itinaon nila ang protesta habang dinidinig ng Korte Suprema ang mga petisyon kontra sa Cybercrime Law. Mariin nilang tinututulan ang naturang batas dahil sisikil ito sa kalayaan sa pamamahayag sa internet. Magiging kasangkapan lamang ito ng gubyerno para patahimikin ang mga kritiko nito. Maging ang mga ordinaryong mamamayan ay maaaring maging biktima ng batas na ito dahil sa mas pinasaklaw pa na probisyon tulad ng e-libel at panghihimasok sa privacy ng mga indibidwal sa internet.

Nakiisa sa kanilang protesta ang mga progresibong grupo at mga “hacktivist” (katawagan sa mga bihasang gumagamit ng kompyuter para walang pahintulot na pasukin at kontrolin ang isang website) na aktibo ring lumalaban sa Cybercrime Law. Nagdaos naman ng kasabay na pagkilos ang mga estudyante sa Bicol, Cebu, Pangasinan, Cavite at Negros. May nakatakda pang mga protesta ang mga kabataan sa susunod na mga linggo dahil patuloy ang pagdinig ng korte laban sa naturang batas.