5,000 biktima ng bagyong Pablo, nagbarikada

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Noong Enero 15, mahigit 5,000 biktima ng bagyong Pablo ang nagbarikada sa kahabaan ng haywey sa Montevista, Compostela Valley para batikusin ang kapabayaan ng rehimeng Aquino sa kanilang mga komunidad. Kinundena nila ang napakabagal at piling pamamahagi ng mga ahensya ng gubyerno ng mga pagkain, iba pang relief goods at serbisyo.

Ang mga biktima, na karamihan ay mga magsasaka, manggagawang-bukid at mga Lumad, ay nagmula pa sa mga bayan ng Monkayo, Nabunturan, Compostela at Montevista sa Compostela Valley; mga bayan ng Baganga at Cateel sa Davao Oriental at Trento sa Agusan del Sur. Naglakad sila nang halos sampung oras sa ulan at init para lamang maiparating ang kanilang mga hinaing sa kinauukulan.

Hinarang ng barikada ang haywey na nagdudugtong sa Davao City sa Compostela Valley, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Surigao del Norte at Davao Oriental. Daan-daang sasakyan ang napilitang tumigil dahil dito. Sinubukang takutin ng mga pulis at militar ang mga nagbabarikada at sinabing iligal ang kilos-protesta dahil wala itong permit, ngunit dahil sa dami ng nagpoproprotesta ay hindi ito umubra.

Dahil dito, napilitan si Corazon “Dinky” Soliman, kalihim ng DSWD at Gov. Arturo Uy ng Compostela Valley na harapin ang mga raliyista. Tinangka nilang kumbinsihin ang mga nagpoprotesta na iatras ang barikada pero nabigo rin sila.

Pagsapit ng alas-9:30 ng gabi, isang trak ang dumating sa barikada na may dalang 1,900 na pakete ng relief goods at 100 sako ng bigas. Nagpadala rin ng sulat si Soliman na ibibigay sa loob ng dalawang araw ang 10,000 sako ng bigas. At saka pa lamang inalis ng mga nagproprotesta ang barikada.

Ayon sa Barog Katawhan (Bayan Manindigan), ang bagong tatag na organisasyon ng mga biktima ng bagyo, halos walang dumarating na tulong sa kanila, laluna sa mga pamilyang nakatira sa liblib na mga lugar. Ang kulang na kulang na suplay ay ibinabahagi sa mga biktimang may hawak na family o green card ng DSWD.

Sa kanilang pahayag, inilinaw ng Barog Katawhan ang kanilang mga hinaing. Una, dapat kagyat na ipamahagi sa milyun-milyog biktima ng bagyong Pablo ang tulong para sa relief at rehabilitasyon na bumuhos mula sa lokal at internasyunal na ahensya. Nananawagan silang imbestigahan ang mga maanomalyang kalakaran ng DSWD katulad ng hoarding at pagbibigay-pabor sa malalapit lamang na pamilya. Gusto rin ng mga biktima na parusahan ang mga pulitikong gumagamit ng pondo at mga produktong relief para makakuha ng mga boto sa eleksyon.

Kinundena ng Barog Katawhan ang mga hakbang ng mga komersyal na plantasyon na arbitraryong nag-atras ng mga kontrata sa mga lokal na grower. Ang mga grower ay mga magsasakang kinokontrata ng mga komersyal na plantasyon para magtanim ng komersyal na produkto, halimbawa saging, sa kanilang mga lupa. Ni hindi man lamang nag-alok ng tulong pinansyal ang mga plantasyon sa mga grower at mga manggagawa nito, sa kabila ng deka-dekada nilang pagpapakasasa sa yaman ng lupa at lakas-paggawa. Iginiit nila na dapat kanselahin na ng mga may-ari ng plantasyon ang utang ng mga grower.

Sa kaso ng mga magniniyog, hiniling nilang maglabas ng pondo ang Philippine Coconut Authority bilang pansamantalang solusyon sa malawak na pagkasira ng mga puno ng niyog at para muli silang makapagsimula.

Dagdag dito, iginiit ng mga biktima ang kaagad na pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa sa mga bayang nasalanta at kanselahin ang lahat ng mga utang ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa mga komersyante, panginoong maylupa at mga usurero.

Iginiit din nila ang kagyat na pagbawi ng lahat ng mga aplikasyon ng IFMA (Integrated Forest Management Agreement) na walang iba kundi mga prenteng kontrata para sa malawakang pagtotroso at ang pagbibigay-danyos ng malalaking kumpanya sa pagtotroso na kumalbo sa kagubatan sa dalawang prubinsya. Gayundin, ipinanawagan nila ang walang pagdadalawang-isip na moratoryum sa malawakang pagmimina sa lugar.

Bago ang barikada, naglunsad ng fluvial candle-lighting (pagsisindi ng kandila sa ilog) ang mga progresibong organisasyon ng Davao at BALSA (Bulig sa)-Southern Mindanao noong Enero 15. Ginunita nila ang ika-40 araw ng bagyong Pablo at inalala ang mahigit isang libong mamamayang namatay dito.