Editoryal

Ang hinaharap ng usapang pangkapayapaan sa nalalabing panahon ni Aquino

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Doble-kara at bantay-salakay. Ito ang tunay na katangian ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH) sa pagpasok nito sa kasunduang tigil-putukan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) hanggang Enero 16.

Nagkasundong magtigil-putukan ang NDFP at GPH noong Disyembre 18 sa layunin sanang magsilbing tulak ito sa negosasyong pangkapayapaan. Subalit nilalapastangan ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa ginagawa ngayong tuluy-tuloy na operasyon at pagpupwesto ng mga pwersa laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at rebolusyonaryong mamamayan.

Litaw na litaw ang panggugulang at pagsasamantala ng GPH kung magbabalik-tanaw sa mga pangyayari mula noong Disyembre 17-18.

Idineklara ng Komite Sentral ng Partido Komunista Pilipinas (PKP) ang tigil-putukan noong Disyembre 20 bilang pagsuporta sa pagsisikap na pasikarin ang matagal nang nauntol na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GPH.

Alinsunod sa pinagkaisahan ng mga espesyal na kinatawan ng GPH at NDFP na nagpulong sa embahada ng Royal Norwegian Government sa The Hague, The Netherlands noong Disyembre 17-18, magpapairal ng tigil-putukan ang dalawang panig mula Disyembre 20 hanggang Enero 15 at magdaraos ng panibagong pag-uusap sa mga unang araw ng 2013.

Agad na iniutos ng Partido sa lahat ng kumand ng BHB ang tigil-putukan.

Nagdeklara rin ng tigil putukan ang GPH pero Disyembre 16 hanggang Enero 2 lamang ang sinaklaw nito. Sa gayon, kinailangang mapaabutan ng pormal na utos ang lahat ng yunit at kumand ng AFP at PNP na palalawigin ang tigil-putukan hanggang Enero 15. Subalit nagmatigas hanggang sa huling sandali ang rehimeng Aquino na maglabas ng sariling kautusan para sa tigil-putukan. Ito ay sa kabila ng pagpapaalala ng PKP at NDFP sa pamamagitan ng mga pahayag at sulat na palawigin ito alinsunod sa kasunduan.

Dahil sa pagbalewala ng rehimeng Aquino sa napagkasunduan, naobliga ang pamunuan ng PKP na iatras ang unang kautusan para sa tigil-putukan at putulin ito hanggang Enero 2, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng NDFP. Ito ay upang hindi malagay sa matinding disbentahe ang BHB.

Atrasadong naglabas si Benigno Aquino III ng kautusang nagpapalawig sa tigil-putukan ng GPH noon na lamang hapon ng Enero 2, labinlimang araw matapos ito mapagkasunduan.

Dahil dito, nirekomendang muli ng NDFP sa PKP na palawiging ang tigil-putukan hanggang Enero 15, at agad itong tinugunan ng Partido.

Ang agarang pagtugon ng PKP sa mga rekomendasyon ng NDFP hinggil sa tigil-putukan ay nagpapakita ng interes ng PKP at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na itulak ang usapang pangkapayapaan.

Malinaw ding ipinakikita ng NDFP at PKP sa GPH na sa seryosong kondukta ng negosasyon, ang magkabilang panig ay dapat marunong tumupad sa usapan, marunong rumespeto sa kausap at marunong gumawa ng mga tumbasang aksyon.

Napakarami pa ng mga dapat gawin ni Aquino para patunayan kung tunay nga siyang seryoso sa usapang pangkapayapaan.

Dapat niyang iwaksi ang layuning gamitin lamang ang usapang pangkapayapaan para pumasok ang mga rebolusyonaryong pwersa sa walang-taning na tigil-putukan. Dapat niyang mabatid na hindi maaaring pumasok ang PKP at NDFP sa walang-taning na tigil-putukan na sisikil at magpapahina sa BHB. Kung magkagayon, mawawalan ng saysay ang usapang pangkapayapaan at magsisilbi lamang na balangkas para sa pagpapasuko. Mananatili lamang at lalala ang mga saligang usaping nasa ugat ng gera sibil.

Dapat niyang iwasto ang mga nakaraang paglabag sa mga nabuong kasunduan. Dapat palayain ang 14 na nakadetineng konsultant ng NDFP bilang paggalang sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Dapat ding palayain ang mahigit 400 detenidong pulitikal, dahil ang patuloy nilang pagkakakulong ay labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Dapat parusahan ang mga nag-utos ng pagdukot sa mga konsultant ng NDFP tulad nina Leo Velasco, Prudencio Calubid, Rogelio Calubad, at iba pa.

Dapat magpakita si Aquino ng kaseryosohan sa pagharap sa mga batayang usapin ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, na siyang nasa likod ng karalitaan ng mamamayan at pagkaatrasado ng bansa at nasa ugat ng nag-aalimpuyong gera sibil sa Pilipinas.

Dapat magpakita si Aquino ng kahandaang makipagkaisa sa sambayanang Pilipino sa pagtatanggol ng pambansang kasarinlan ng Pilipinas sa halip na mangayupapa siya sa lahat ng kagustuhan ng imperyalistang US.

Sa harap ng sagad-sagarang pagiging reaksyunaryo, anti-mamamayan, pasista at pagpapakatuta sa US nina Aquino at iba pang presidente ng papet na republika, totoong malayung-malayo sa hinagap ang posibilidad na makipagkaisa sila sa mga rebolusyonaryong pwersa sa isang programang nagtataguyod sa pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Nitong nagdaang dalawang taon, pinaralisa ni Aquino ang usapang pangkapayapaan dahil sa pagwawalanghiya at pag-atras niya sa mga kasunduan.

Hangad ng rebolusyonaryong kilusan na tumuwid ang daan ng usapang pangkapayapaan. Subalit batid din ng mga rebolusyonaryong pwersa na mangyayari lamang ito kaalinsabay ng pagpapaigting ng armadong pakikibaka at pagpapasigla ng demokratikong kilusang masa na nagbabandila ng pambansa-demokratikong hangarin ng bayan at nagpapakilos ng milyun-milyong mamamayan.