Pwersa at rekurso, pinakilos ng NDF para sa mga biktima ng sakuna

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Pinakilos ng National Democratic Front-Mindanao ang lahat ng pwersa nito na magbigay ng tulong at umalalay sa rehabilitasyon ng daan-daan libong pamilyang biktima ng sakunang dulot ng bagyong Pablo noong Disyembre 4. Nanawagan si Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng NDFP-Mindanao sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan na mangalap ng ayuda para sa mga biktima. Kasabay nito, idiniin niya na dapat managot ang malalaking kumpanya sa pagmimina, pagtotroso at plantasyon sa mga apektadong lugar sa pamamagitan ng pag-ako ng malaking gastos sa relief at rehabilitasyon.

Kaakibat nito, nagdeklara ang NDF-Mindanao ng 29-araw na tigil-putukan upang bigyang-daan ang mga operasyong pagsagip, pamamahagi ng relief at ang rehabilitasyon ng mga komunidad na matinding tinamaan ng bagyong Pablo. Ipatutupad ito mula alas-12 ng tanghali ng Disyembre 5 hanggang alas-12 ng tanghali ng Enero 3, 2013. Nanawagan si Ka Oris sa lahat ng yunit ng BHB sa mga apektadong erya na tumulong sa mga operasyong pagsagip at pagtulong sa pagkumpuni ng mga nasirang bahay at imprastruktura kung pinahihintulutan ng kalagayang panseguridad at ng kanilang mga rekurso.

Sa hiwalay na pahayag, tinukoy ng Merardo Arce Command (MAC) ng Bagong Hukbong Bayan sa Southern Mindanao Region ang mga lugar na saklaw ng tigil-putukan. Ito ang mga prubinsya ng Davao Oriental, Compostela Valley at Davao del Norte; Davao City; mga bayan ng Lingig sa Surigao del Sur; at mga munisipalidad ng Trento, Veruela, Loreto at Sta. Josefa sa Agusan del Sur. Sadyang ibinilang ng MAC maging ang ilang bahagi ng rehiyon na hindi direktang tinamaan ng bagyong Pablo para mabigyang-pagkakataon ang iba’t ibang yunit ng BHB na gawin ang lahat ng kanilang magagawa para harapin ang malaking sakuna.

Ayon sa MAC, di bababa sa 24 na bayan ng rehiyon, mahigit 30% ng mga rebolusyonaryong pwersa nito at mahigit isang milyong magsasaka, manggagawa, Lumad at iba pang maralitang mamamayan ang naapektuhan. Tumirik ang operasyon ng mga gold mining plant sa Diwalwal, packing plant ng saging ng mga kumpanyang multinasyunal sa Compostela Valley at maging sa industriya ng niyog sa Davao Oriental dahil sa kawalan ng kuryente at laki ng sira sa imprastruktura. Dahil dito, daan-daan libong manggagawang bukid, manggagawa sa minahan at mga magniniyog ang walang trabaho at nangagutom ang mga pamilya.

Pinasinungalingan naman ng BHB sa Davao-Agusan (Front 34) ang pinalalabas ng militar na dinakip ng mga Pulang mandirigma ang asawa at anak ng isang sundalo noong Disyembre 9. Noong araw na iyon, nagkukumpuni ang ilang mga Pulang mandirigma ng mga nasirang bahay habang ang iba ay nagbabantay sa paligid. Biglang dumaan ang isang motorsiklong lulan ang tatlong pasahero at drayber. Nang mapadaan ito sa pwesto ng mga gumugwardyang Pulang mandirigma, biglang huminto ang drayber at tumakbo habang naiwan ang tatlo niyang pasahero. Dahil naging kahina-hinala ang kanyang kilos, hinabol siya ng mga gerilya. Nalaman na lamang nila matapos ang ilang minuto na ang tumakbo ay aktibong sundalo nang hagisan sila nito ng granada. Ang mga iniwan niyang pasahero, na asawa’t mga anak niya pala, ay isinukob ng mga Pulang mandirigma sa mga upisyal ng barangay.

Sa Northcentral Mindanao Region (NCMR), nagdeklara rin ng tigil-putukan ang BHB sa mga bayan ng San Fernando at Talakag at sa Valencia City sa Bukidnon dahil sa pinsala ring tinamo ng naturang mga lugar sa bagyong Pablo. Inianunsyo ito ni Ka Cesar Renerio, tagapagsalita ng NCMR, kasabay ng paggunita sa unang anibersaryo ng paghagupit ng bagyong Sendong, na ikinamatay ng mahigit 1,200 katao at nagdulot ng halos P1 bilyong pinsala sa agrikultura pa lamang noong Disyembre 2011.

Samantala, kinundena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang limang kumpanyang pangisda sa General Santos City dahil pinilit nilang maglayag ang 315 manggagawa at tripulante nila kahit ilang araw nang may babala na may paparating na malakas na bagyo. ~