Pananalanta ng Pasistang Estado

Mga paglabag sa karapatang-tao, kinundena

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Lumiyab hanggang sa naging abo ang imahe ni Benigno Aquino III na nakasakay sa pinaghalong tangke de gera at backhoe nang sunugin ito noong Disyembre 10 sa Mendiola, Maynila ng libu-libong raliyista na nagtipon para gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao. Karamihan sa kanila’y nagmula sa Mindanao, Southern Tagalog at National Capital Region.

Pinamunuan ng KARAPATAN ang mga raliyista sa pagsunog ng pitong-talampakang imahe na sumisimbulo sa kambal na kasamaang dulot ng militarisasyon at malawakang pagmimina sa buhay ng mga magsasaka at mga pambansang minorya.

Ayon sa KARAPATAN, hindi lamang tinalikuran ni Aquino ang kanyang pangako na bigyang-katarungan ang mga biktima ng karapatang-tao, kinukunsinti pa niya ang mga ito. Pinakahuling halimbawa nito ang promosyon ng ilang upisyal-militar na sangkot sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao.

Bukod kay Brig. Gen. Eduardo Año (bagong hepe ng ISAFP) na sangkot sa pagdukot kay Jonas Burgos noong 2007, binigyan din ng promosyon sina Brig. Gen. Aurelio Baladad at Maj. Gen. Jorge Segovia na responsable sa iligal na pag-aresto at detensyon ng “Morong 43.” Si Baladad ang bagong deputy chief of staff for operations ng AFP at si Segovia ang bagong hepe ng Eastern Mindanao Command.

Tinuran din ng KARAPATAN ang Executive Order 79 na ibinaba ni Aquino hinggil sa pagmimina at nagsilbing kautusan sa mga yunit ng Philippine Army, CAFGU at iba pang mga yunit paramilitar para supilin ang mamamayang tutol sa pagmimina. Hindi lamang pinalalakas ni Aquino ang malawakan at mapangwasak na pagmimina, binabalewala pa niya ang mga kaso ng pamamaslang at pagpapalayas sa mga pambansang minorya ng malalaking kumpanya sa pagmimina tulad ng Toronto Ventures Inc., Xstrata-Sagittarius Mines Inc. at Philco sa Mindanao.

Tatlong araw bago ang paggunita ng ika-64 anibersaryo ng International Human Rights Day, nadagdagan ng tatlo katao ang mga biktima ng ektrahudisyal na pamamaslang.

Bandang alas-12 ng tanghali noong Disyembre 7, pinagbabaril ng mga tropa ng 53rd IB si Roland Quijano, isang magsasaka at aktibong kasapi ng Alliance of Farmers in Zamboanga Del Sur (AFZDS-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) sa Purok 4, Barangay Ocapan, bayan ng San Miguel. Matagal nang nagkakampo ang nasabing yunit-militar sa naturang barangay.

Noong araw ding iyon, bandang alas-6 ng gabi, pinagbabaril hanggang sa mapatay sina Cheryl Ananayo at pinsan niyang si Randy Nabayay sa Didipio, Nueva Vizcaya. Si Ananayo ay tinarget kahit dala-dala niya ang kanyang sanggol at isa pang maliit na anak. Kasapi siya ng Didipio Earthsavers Multipurpose Association (DESAMA), na aktibong tumututol sa operasyon ng proyektong pagmimina ng Oceana Copper-Gold Corporation.

Bukod sa mga kilos-protesta na inilunsad ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga kaanib nila, nagsagawa rin ng sabay-sabay na pagbabasa ng mga tula bilang protesta ang mga detenidong pulitikal tulad nina Ericson Acosta sa Calbayog Subprovincial Jail at ang tinaguriang “Batangas 7.” Kabilang din sa nagbasa ng mga tula sa kani-kanilang selda ang 14 na konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa negosasyong pangkapayapaan tulad nina Alan Jazmines, Eduardo Serrano, Eduardo Sarmiento, Tirso “Ka Bart” Alcantara, Reynante Gamara at Ramon Patriarca.

Bago ito, nag-ayuno nang isang linggo ang mahigit 400 bilanggong pulitikal sa iba’t ibang kulungan sa bansa. (Tingnan ang kaugnay na artikulo.)