Editoryal

Kundenahin ang kapabayaan ng rehimeng US-Aquino

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Dalawa’t kalahating linggo na ang nakalilipas mula nang hambalusin ng malakas na unos ang timog at hilaga-silangang Mindanao at ilang bahagi ng Kabisayaan. Nakitil ang buhay ng mahigit 1,000 katao, daan-daan pa ang nawawala at pinangangambahang patay na at milyun-milyon ang nawalan ng kabuhayan.

Hindi masukat ang paghihirap ng mga biktimang walang makain, walang masilungan at walang panggamot sa kanilang mga tinamong sugat at dumapong karamdaman.

Sa kabila ng kalunus-lunos na kalagayan ng mamamayan sa mga sinalantang lugar, sukdulan at kriminal ang pagpapabaya sa kanila ng rehimeng US-Aquino. Usad pagong ang pagpapaabot ng tulong at pamamahagi ng relief. Walang katulad ang kakuparan ng gubyerno para abutin ang pinakamalalayong barangay.

Ang aktwal na tulong na umaabot sa mga biktima ay sasapat lamang para sa iilang araw. Gapatak lamang ito sa bilyun-bilyong pisong halaga ng likas na yamang hinuhuthot taun-taon ng reaksyunaryong gubyerno mula sa kagubatan, kabundukan at plantasyong agribisnes sa kapatagan sa Davao Oriental at Compostela Valley, ang dalawang prubinsyang pinakamatinding tinamaan ng sakuna.

Sa kabila ng napakalaking pakinabang ng sentral na reaksyunaryong gubyerno sa kayamanan ng Mindanao at iba pang bahagi ng Pilipinas, napakaliit ng inilalaan nitong rekurso para sa paghahanda sa sakuna at pagtiyak na nalalayo sa kapahamakan ang mamamayan. Nakamapa nga ang pinakapeligrosong mga lugar, pero wala namang ginagawa ang mga ahensya ng gubyerno para itayo ang mga imprastruktura upang maibsan ang mga baha, pigilan ang pagguho ng lupa o kontrolin ang pagragasa nito. Wala ring sapat na rekurso ang gubyerno para isagawa ang organisadong pagbakwit bago ang aktwal na kalamidad. Nagkakasya ang reaksyunaryong estado sa “pagbibigay-babala” sa mga tao at sinisisi ang mga biktima ng salanta na “hindi nakinig.”

Pinakamalaking krimen ng rehimeng US-Aquino ang agresibong pagtutulak nito ng malawakang dayuhang pagmimina at komersyal na pagtotroso sa kabila ng malawak na panawagang itigil na ang mga ito. Ang imperyalistang pagdambong ng kagubatan at kabundukan, na nagresulta sa matinding pagkawasak ng kapaligiran ang tunay na nasa ugat ng mga delubyong taun-taon nang sumasalanta sa bansa.

Ang mga inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan ng Mindanao ang pinagbabayad sa deka-dekadang pagpapakasasa ng mga imperyalista, burgesya-kumprador at panginoong maylupa. Dahil wala silang sariling lupa, itinitirik nila ang kanilang mga bahay sa gilid ng mga bundok, tabing dagat, tabing-ilog at iba pang lugar na bulnerable sa sakuna. Pwersado silang magsugal ng buhay sa mga lugar na mapanganib dahil sa kahirapan at kawalan ng ibang mapagkukunan ng kabuhayan.

Ang salantang sinapit ng milyun-milyong mamamayan, kung tutuusin, ay hindi lamang dahil sa kalamidad. Ang dinaranas nilang kahirapan, pagsasamantala at pagkaapi ang naglagay sa kanila sa katayuang bulnerable sa malalaking sakuna tulad ng mga bagyo, baha at pagguho ng lupa.

Masahol pa, dagdag sa kriminal na pagpapabaya ng rehimeng US-Aquino ang pagsagpang nito ngayon ng kalamidad para patindihin ang militarisasyon sa mga sinalantang lugar. Ang pasistang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinagmumukha ngayong mga tagasalba ng mamamayan. Sa katunayan, sila ang protektor at pribadong hukbo ng mga trosohan, plantasyon at minahan sa kanilang pagpapalayas sa mga magsasaka at Lumad at pagdambong sa likas na yaman ng isla.

Hanggang pakitang-tao lamang ang anumang tulong na iniaabot ng rehimen sa mga nasalanta. Sa halip na gawing tuluy-tuloy ang pamimigay ng tulong at pagpapatupad ng mga hakbang para sa rehabilitasyon ng mga nasalantang komunidad, nagpapalitrato na lamang o nagpapabidyo ang mga upisyal na panandaliang bumibisita at namumudmod ng barya-baryang ayuda. Tulad ng dati, ang tunay na habol ng mga reaksyunaryong pulitiko ay kung papaano mapagkukwartahan ang sakuna at magagamit para maisulong ang kandidatura sa nalalapit na eleksyon.

Dapat mariing kundenahin ng mamamayan ang dagdag na pahirap na dulot sa kanila ng kainutilan ng naghaharing rehimen. Dapat ding likhain ang malakas na kilusang masa upang panagutin ang mga responsable sa pagkawasak ng kagubatan at ang mga lokal na upisyal na kakutsaba nila. Dapat linawin ang kanilang pananagutan sa laki ng pinsala sa buhay at kabuhayan ng masa.

Dahil ang rebolusyonaryong kilusan ang tunay na kumakatawan sa interes ng mamamayan, mahalagang bahagi ng pampulitikang responsibilidad nito ang pagtiyak sa kapakanan ng masa sa panahon ng mga sakuna.

Ang usapin ng pag-iwas at pagharap sa sakuna ay usapin ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Dapat mahigpit na iugnay ang usapin ng sakuna sa usapin ng kabuhayan, paghihirap, pang-aapi at pagsasamantala sa masa. Imulat ang masa na ang kinakaharap nilang peligro ng sakuna ay tuwirang nakadugtong sa kanilang aping kalagayan. Ang epektibong pagharap ng masa sa usapin ng sakuna ay nakakawing sa kanilang pakikibaka para sa kanilang demokratikong interes para sa reporma sa lupa, umento sa sahod, trabaho at libreng pampublikong serbisyong pabahay, pangkalusugan at edukasyon.

Ihanda at pakilusin ang masa para makaiwas at maharap ang posibilidad ng mga sakuna. Dapat ipunin mula sa masa ang impormasyon hinggil sa mga peligro ng sakuna sa kanilang mga lugar at ikumbina ito sa mga impormasyon o pag-aaral ng mga dalubhasa. Tukuyin ang mga hakbanging dapat isagawa para maiwasan ang mga sakuna, mula sa dapat itayo o isaayos na imprastruktura, rehabilitasyon ng kapaligiran at pagpapatigil sa mga operasyong nakapipinsala sa kapaligiran at kabuhayan ng masa.

Patampukin at igiit ang mga ito at singilin ang reaksyunaryong gubyerno sa responsibilidad nitong gumawa ng mga kaukulang hakbang. Dapat magbuo ng plano para sa organisadong pagharap sa sakuna, kabilang ang monitoring, sistema ng pag-aalerto, sistema ng pagsagip, ebakwasyon at iba pa.

Dapat ihanda ang organisadong pagkilos sa panahon ng aktwal na sakuna. Isaayos ang plano para sa pagsagip ng mga biktima, pagsisilong ng mga bata at matatanda, pagbibigay ng paunang lunas sa mga maysakit at nasugatan, pagtatayo ng kolektibong kusina para sa sama-samang pagluluto at pagkain at iba pa.

Dapat organisadong pangasiwaan ang mga pagsagip, rehabilitasyon at koordinasyon sa mga ahensyang pribado at pampubliko. Dapat magbuo ng mga angkop na mekanismo para makarating ang ayuda sa mga nararapat na makatanggap nito at hindi makurakot ng mga bulok na upisyal. Dapat organisahin ang pagtipon at pamamahagi ng tulong at huwag hayaang gamitin ito para sa pagpapalitrato lamang ng mga pulitiko. Dapat maging mapagmatyag ang masa sa mga anomalyang tiyak na lilitaw sa proseso ng pamamahagi ng ayuda.

Dapat kagyat at maayos na maisakatuparan ang rehabilitasyon ng mga komunidad upang manumbalik agad ang mga aktibidad pangkabuhayan. Dapat bigyang-pansin ang pagsasaayos ng mga nawasak na sakahan, pagkukumpuni ng nasirang imprastruktura at muling pagbuhay sa mga nakalbong bundok at gubat.

Napakainam din ng panahon para mas maigting na maisulong ang mga antipyudal na pakikibaka. Isang partikular na kampanyang maaaring isulong sa mga nasalantang lugar sa Mindanao ang pagpapalit-gamit ng libu-libong ektaryang plantasyon ng saging upang tamnan ng palay, mais at iba pang tanim na kapaki-pakinabang sa mamamayan.

Dapat ding isulong ang kilusan laban sa militarisasyon, na malaon nang pumeperwisyo sa kabuhayan ng masa at mas nagiging pabigat sa panahon ng sakuna.

Higit sa lahat, dapat paigtingin ang pakikibaka laban sa mapangwasak na imperyalistang pagmimina, pagtotroso at plantasyong agribisnes.