Matatagumpay na Opensiba ng BHB

2 harasment sa Leyte, inilunsad

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Kinumpirma ng Mt. Amandewin Command ng BHB-Leyte na naglunsad ito ng dalawang magkasabay na operasyong harasment sa Albuera at Jaro sa Leyte nitong Disyembre 6. Hinaras ang base ng Alpha Company ng 78th IB sa Barangay Antipolo, Albuera bandang alas-8 ng gabi. Walo ang kumpirmadong patay sa hanay ng militar. Isang sibilyan ang tinamaan ng bala sa paa bunsod ng walang patumangga at magdamagang pagpapaputok ng mga sundalo kahit nakaatras na ang BHB.

Kasabay nito, inambus ng BHB ang nag-ooperasyong mga tropa ng 19th IB sa Barangay Rubas, Jaro, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang sundalo at pagkasugat ng mahigit lima pa.

Samantala, isang M16, isang M1 karbin at dalawang kal .45 na pistola ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma ng Eduardo Dagli Command-Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa walang putok na reyd sa Barangay Utod, Nasugbu, Batangas nitong Disyembre 9. Ang nireyd na manukan at babuyan ay pag-aari nina Barangay Kapitan Boy Esguerra ng Barangay Uno at si Teofilo Alonso, ang katiwala nito.

Dinisarmahan ng mga Pulang mandirigma ang despotikong negosyante at abusadong katiwala nito dahil sa kanilang pang-aabuso sa mamamayan. Pilit na itinayo ang babuyan at manukan sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng mamamayan laban sa polusyon na idudulot nito. Nambubugbog, nanunutok ng baril, at nagpapataw din si Alonso ng mabibigat na kaso sa mamamayan. Aktibo sina Alonso sa pagmomonitor ng pagkilos ng masa at BHB sa baryo.

Sa Capiz, isang sundalo ang napatay at isa pa ang nasugatan nang isnaypin ng isang yunit ng Jose Percival Estocada Jr. Command-BHB Central Panay ang detatsment ng Peace and Development Team ng 61st IB sa Barangay Acuña, Tapaz noong Nobyembre 29.