Pananalanta ng Pasistang Estado

Militar, umatake sa mga Lumad

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Inatake ng mga pasistang militar ang mga Lumad na Manobo sa North Cotabato. Tatlong aktibista naman ang iligal na inaresto habang isang kampo naman ng militar ang itinayo sa isang barangay sa Davao del Norte.

Nobyembre 27-Disyembre 5. Walang habas na kinanyon ng 57th IB ang mga barangay ng Bagumbayan, Noa, Amabel at Bantac sa Magpet, North Cotabato. Hindi bababa sa 15 bomba ang pinasabog ng militar mula Disyembre 4 hanggang 5. Umabot sa 200 pamilya, karamihan mga katutubong Manobo, ang napwersang lumisan sa kanilang mga tahanan.

Bago ito, noong Nobyembre 27 ay tinutukan, pinaghubad, ginapos at isinailalim sa matinding interogasyon ng mga sundalo ng 57th IB si Aurelio Buhisan, 54 anyos, residente ng Sityo Tanay, Barangay Doles. Inakusahan siyang kumander ng BHB. Pinakawalan lamang si Buhisan nang dumating ang barangay captainng Doles na nagpatunay na sibilyan ang biktima.

Sa Sityo Salingsing sa kanugnog na barangay ng Amabel, sapilitang hinakot ng mga sundalo ang ilang residenteng Lumad sa basketball court at dalawang oras doon ininteroga sa ilalim ng araw. Kabilang sa mga biktima ang dalawang babae at limang bata.

Hinalughog at pinagnakawan din ng mga sundalo ang bahay ni Stella Imbud, 40 anyos, isa ring Lumad na residente ng naturang sityo. Kunway naghahanap ng mga armas at granada ang mga nanghahalughog na militar.

Disyembre 3. Dinukot ng mga operatiba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sina Randy Vegas at Raul Camposano, kapwa mga organisador ng mga kawani ng pamahalaan sa ilalim ng Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE). Dinampot sila sa Metro Manila ng mga di nagpakilalang armadong tauhan, dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig bago dalhin sa Daet, Camarines Norte kung saan sila tuluyang ikinulong. Hindi sila binigyan ng abugado habang isinasailalim sa interogasyon.

Sinampahan sila ng gawa-gawang kaso kaugnay ng pagtambang ng Bagong Hukbong Bayan sa mga tauhan ng AFP noong Abril 29 sa Labo, Camarines Norte.

Nobyembre 29 ng gabi. Inaresto ng mga pulis si Marites Bacolod na lider Samahan ng Maralitang Nagkakaisa-Corazon de Jesus, isang lokal na samahan ng KADAMAY sa San Juan City. Dinampot si Bacolod isang araw bago ang nakatakdang pagtalumpati ni Aquino sa San Juan. Isinangkalan ng pulis ang kasong “civil disobedience” kaugnay sa demolisyon ng Barangay Corazon de Jesus noong 2011.

Oktubre 22 hanggang sa kasalukuyan. Nagtayo ng kampo ang mga elemento ng 60th IB sa sentro ng populasyon ng Sityo Natulinan, Barangay Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte. Dahil sa takot, ilang bata na ang tumigil sa pag-aaral at ilang residente na ang nagbakwit. Kabilang sa mga napilitang lumisan sina Toto Barintos at ang kanyang pamilya, dahil pinaglalagian ng militar ang kanilang bahay at tindahan. Dahil sa militarisasyon, natigil na rin ang pagtatanim ng mga halamang ugat, mais at palay na siyang ikinabubuhay ng mga residente.