Matatagumpay na Opensiba ng BHB

Mga tropa ng gubyerno, inambus sa Aurora

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Tinambangan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ilalim ng Domingo Erlano Command (DEC-BHB) sa Aurora ang mga tropa ng 48th IB noong Nobyembre 22 sa Maria Aurora, lalawigan ng Aurora.

Ayon kay Ka Rowena Cervantes, tagapagsalita ng DEC-BHB-Aurora, inambus ng isang platun ng BHB ang mga tropa na nagsidatingan bilang tugon sa pagsunog ng mga gerilya sa isang dump truck at isang backhoe ng Angel Palacios Constructions.

Pinasabugan ng tatlong anti-personnel command-detonated explosives ang naunang trak ng militar na sinasakyan ng humigit-kumulang 20 sundalo alas-8:15 ng umaga sa Barangay Villa, Maria Aurora. Hindi nakaganti ang militar.

Nagreimpors ang mga pulis na nakasakay sa limang motorsiklo. Ngunit sinalubong sila ng mga putok ng mga isnayper sa blocking force ng BHB sa Sityo Kamatis, Barangay Villa. Agad na napatay ang walong pulis. Hinarang din ng mga Pulang mandirigma ang umaabanteng mga sundalong sakay ng pansibilyang trak.

Pagkatapos ng 20 minutong labanan, nakaatras tungo sa ligtas na lugar ang mga Pulang mandirigma.

Dahil sa paggamit ng militar sa mga sibilyan bilang pananggalang, nadamay sa labanan sa blocking zone ang drayber ng trak ng Department of Public Works and Highways na sinakyan ng mga sundalo at dalawa pang sibilyan na isinakay ng militar papunta sa lugar na pinangyarihan.

Sumisimpatya at nakikiramay ang DEC-BHB-Aurora sa mga sibilyang naipit sa nangyaring labanan. Gayundin, nakahanda itong magbigay ng tulong para sa mga nasabing biktima.

Kaugnay nito, kinukondena ng DEC-BHB-Aurora ang tusong paggamit ng 48th IB ng mga sibilyang sasakyan, drayber, at pagsasakay ng mga inosenteng pasahero papunta sa lugar ng labanan. Nilalabag nito ang Geneva Conventions at mga probisyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.

Nanawagan ang DEC-BHB sa lahat ng mamamayan na tutulan ang pakana ng militar na gamitin ang sibilyan bilang panangga sa pag-atake sa kanila ng BHB, tulad ng paghihimpil nila sa gitna ng mga kabahayan, eskwelahan, simbahan at pampublikong pasilidad.

Mariing sampal kay Col. Victor Castro, hepe ng 702nd Infantry Brigade, ang inilunsad na ambus ng BHB sa Aurora. Dalawang linggo bago ito, buong yabang na idineklara ni Castro sa isang istasyon ng radyo na wala nang kakayahang maglunsad ng mga opensiba ang BHB sa Aurora at Nueva Ecija.

Hindi kataka-takang pilit na itinatago ni Castro sa midya ang sinapit ng kanyang mga tauhan. Nais nilang panatilihin na nawasak na umano ang rebolusyunaryong kilusan sa lugar. Ito ay para tumaas ang mga ranggo ng militar at maging kaakit-akit ito sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan alinsunod sa interes ng mga Angara.

Itinutulak ngayon ng dinastiyang pinamumunuan ni Sen. Edgardo Angara ang proyektong Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) na nakasentro sa bayan ng Casiguran. May nakalaang P353 milyong badyet ito para sa 2013.

Ayon kay Ka Rowena Cervantes, ang inilunsad na taktikal na opensiba ay bahagi ng tuluy-tuloy na kampanyang militar ng BHB sa Aurora at Nueva Ecija upang pagbayarin ang berdugong 48th IB at iba pang sundalo sa ilalim ng 7th Infantry Division sa dumaraming biktima ng kanilang pananakot, pandarahas, pagdukot at pagpatay.