Pananalanta ng Pasistang Estado

Matandang mag-asawa, pinaslang ng 86th IB sa Isabela

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Pinagbabaril ng mga elemento ng 86th IB ang mag-asawang Vicente Valenzuela, 60 anyos at Rosario Valenzuela, 51 anyos sa Sityo Calabaggin, Barangay San Miguel, Echague, Isabela noong madaling araw ng Nobyembre 23. Pinaulanan ng bala ang kanilang kubo sa paniniwalang may mga namamahingang Pulang mandirigma sa loob.

Sa imbestigasyong pinamunuan ng grupong KARAPATAN, napag-alaman na ang mga pumaslang sa mag-asawang Valenzuela ay kabilang sa isang 14-16 kataong grupo ng mga sundalong pumondo sa dalawang bahay sa Sityo Calabaggin, San Miguel buong maghapon ng Nobyembre 22. Ang grupo ay pinamumunuan nina Lieutenant Bernardino at Sergeant Balansa. Nakipag-inuman pa ang mga sundalo sa ilang tagabaryo bago sila umalis bandang ala-una ng madaling araw ng Nobyembre 23.

Bandang alas-3 ng umaga, nakarinig ng dalawang magkasunod na putok ang mga residente ng lugar, na sinundan ng sunud-sunod pang putok. Pagsapit ng alas-11 ng umaga, nakarinig sila ng ulat sa lokal na istasyon ng radyo na nagkaroon umano ng engkwentro sa kanilang sityo. Gayunman, duda rito ang mga residente dahil wala silang narinig na palitan ng putok noong madaling araw.

Nobyembre 24, sinabihan ng mga sundalo ang mga upisyal ng Barangay San Miguel na may mga napatay at sinamahan sila sa bahay ng mga Valenzuela, na nasa tuktok ng isang burol mga kalahating kilometro ang layo mula sa sentro ng sityo.

Natagpuan ng mga upisyal ang bangkay ni Vicente Valenzuela sa may tarangkahan ng kanyang bahay. Mukhang nagtatadtad siya ng kamoteng kahoy nang siya ay barilin. May tama siya likod na tumagos sa kanyang dibdib. Ang bangkay ng kanyang asawang si Rosario ay nasa tulugan, nakatihaya. May tama siya ng bala sa ilalim ng kanang tainga at tagusan ito hanggang kaliwang bahagi ng kanyang ulo. Naaagnas na ang kanilang mga bangkay nang matagpuan. Marami ring butas ng bala ang mga dingding ng kanilang kubo, indikasyon na inistraping ito.

Binidyo at nilitratuhan ng mga sundalo ang mga bangkay at bahay at kinuha ang mga basyo ng bala at isinilid sa mga plastik na bag. Binalot nila ng banig ang dalawang bangkay at ipinahatid sa mga tagabaryo sa sentro ng San Miguel. Habang dinadala ang mga bangkay, humingi ng paumanhin ang isa sa mga sundalong nagngangalang Robert Bagni dahil pinagbabaril daw nila ang bahay sa pag-aakalang may mga gerilya ng BHB sa loob. Maraming residente ang nakarinig sa sinabi ni Bagni.

Noong Nobyembre 25, dalawang imbestigador mula sa pulisya ang dumating sa sityo para inspeksyunin ang pinangyarihan, litratuhan at bidyuhan ito at manguha ng mga basyo ng bala. Subalit noong araw ding iyon, narinig nila sa radyo ang ulat ng militar na napatay daw ang mag-asawang Valenzuela sa palitan ng putok ng AFP at BHB. Kinabukasan, inulit ng PNP-Isabela sa Bombo Radyo ang bulaang linya ng militar, at sinabi pang ginamit daw na pananggalang ng BHB ang mag-asawa. May natagpuan pa raw silang mga detonating cord, laptop at personal na gamit ng isa sa mga sundalong napatay sa ambus ng BHB ilang araw na ang nakararaan. Mahigpit itong pinabulaanan ng mga tagabaryong sumama sa pagkuha ng mga bangkay noong Nobyembre 24.

Ayon pa rin sa mga kamag-anak ng mga biktima, nawawala rin ang P15,000 na iniingatan ni Gng. Valenzuela, na nagmula sa pagbebenta nila ng maliit na parsela ng lupa.

Ang walang awang pagpaslang sa mag-asawang Valenzuela at walang kahihiyang pagtatakip ng mga salarin ang tunay na larawan ng kampanyang “kapayapaan at kaunlaran” na dala-dala ng mga Community Peace and Development (COPD) Team ng Oplan Bayanihan sa malawak na kanayunan.

Ang mga COPD Team ng 5th ID, na kinabibilangan ng mga sangkot na sundalo ng 86th IB, ay nakababad na sa sampung baryo ng timog Isabela mula pa noong Enero. Dito sa mga lugar na ito, laganap ang mga paglabag ng militar sa karapatang-tao at pandaigdigang alituntunin sa digma, tulad ng pagbabase ng mga sundalo sa mga pampublikong lugar gaya ng mga barangay hall at tabi ng eskwelahan; lasingan at sugalan at pang-iistorbo sa katamihikan sa mga baryo; pambabastos sa mga babae; at pananakot ng mga nag-ooperasyong tropa sa mga sibilyan.