Matatagumpay na Opensiba ng BHB

Dalawang tambang sa madaling araw

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Binigwasan ng mga Pulang mandirigma mula sa Benito Tesorio Command at Reynaldo Pinon Command ang mga pangunahing panagupang yunit ng 5th ID sa dalawang magkahiwalay na insidente noong madaling araw ng Nobyembre 27. Ang 51st at 52nd Division Reconnaissance Companies (DRC) ang tinaguriang mga elite o espesyal na yunit ng 5th ID. Umabot sa 13 tropa nito ang nalagas sa dalawang labanang tatlong oras lamang ang pagitan sa magkanugnog na mga bayan ng San Mariano at Echague.

Ayon sa upisyal na ulat ng Benito Tesorio Command, nakasamsam sila mula sa kaaway ng isang M60 at dalawang K3, limang M16, tatlong night vision scopes, isang Harris radio, isang pares ng binoculars, daan-daang mga bala at 15 US bakpak sa ikalawang labanan sa Echague.

Taktika ng 51st at 52nd DRC ang pagkilos sa gabi nang may night vision scope. Pinatunayan ng dalawang pananambang na ito na sa kabila ng dilim, hindi maaaring ikubli ng kaaway sa masa at BHB ang padron ng kanilang pagkilos.

Ala-1:30 ng madaling araw noong Nobyembre 17, sa Sityo Luzcon, Barangay Gangalan, San Mariano, anim na tropa ng isang platun ng 51st DRC sa pamumuno ni 2Lieutenant Cabanas ang napatay sa ambus ng isang platun sa ilalim ng Reynaldo PiƱon Command.

Samantala, sa Mabbayad, Echague, inambus ng mga Pulang mandirigma ang mga elemento ng 52nd DRC na nag-ooperasyon sa lugar na dati nilang pinagkampuhan noong madaling araw ng Nobyembre 16. Nang wala silang madatnan doon, maghapon silang nagkubli sa lugar na masukal. Napag-alaman ito ng isang platun ng BHB na nasa di kalayuan. Pumusisyon ang mga Pulang mandirigma sa mga lugar na posibleng daraanan ng mga pasista para tambangan.

Tatlong iskwad ng BHB ang pumwesto sa paborableng lugar sa itinakdang ambush site. Hindi na sila kumain ng hapunan at hindi na iniwan ang kanilang mga pusisyon buong magdamag dahil anumang oras ay maaaring dumating na ang target nila.

Pinag-aralan ng kumand ng platun ng BHB kung paano makokontra ang pagkilos sa gabi ng mga tropa ng DRC sa pamamagitan ng tambang sa gabi.

Ang itinakdang killing zone ng kumand ng platun ay ang maliit na kalsada sa ibaba ng burol na pinwestuhan ng mga gerilya. Ang unang iskwad ay nakahiwalay nang may distansya sa dalawa pang iskwad. Ang pangalawang iskwad ay nakahilera sa taas ng burol na lupa lamang ang kublihan. At ang kalapit nitong pangatlong iskwad ay nakakubli sa ilang tumpok ng mga puno ng saging sa mas mataas na bahagi ng burol. Sa pagitan ng kalsada at ng dalawang iskwad ay ang nalinis nang pinagtamnan ng mais na paahon sa burol. Madilim ang gabi, at lalong dumilim nang magmadaling araw na ng Nobyembre 17.

Pasado alas-4 na ng madaling araw nang may maaninag ang ilang kasama na papalapit na magkakadikit na tao, na noong una’y hindi matiyak kung iyon ba ang isang iskwad ng BHB o kaaway na. Tatlong metro na lamang ang layo ng mga sundalo nang sila ay paputukan ng mga Pulang mandirigma.

Nagtakbuhan ang karamihan pababa sa burol, habang ang iba, kabilang ang may hawak ng M60 na nasa harapan ay umahon sa tutok ng burol na pinwestuhan ng pangatlong iskwad ng BHB. Sinalubong ng isang kasama ang kaaway na nakamasinggan. Papuputukan niya sana ito ng shotgun pero hindi pumutok ang kanyang baril. Kaya sinunggaban niya ang kaaway at nagpambuno sila. Iniulos ng isa pang kasama ang dulo ng kanyang M14 sa tagiliran ng kaaway. Tumakbo ito at naiwan ang hawak niyang M60. Masinggan ang unang nasamsam sa unang bugso pa lamang ng putukan.

Ang unang iskwad ng BHB na nakapusisyon sa likod ng kaaway ay hindi agad makapagpaputok dahil dikitan ang labanan at napakadilim ng paligid. Nagpaputok na lamang sila nang magliliwanag na. Lalong natuliro ang kaaway nang bugsuhan sila ng putok mula sa likod.

Bagamat nagmumula na ang putok ng BHB mula sa harap, tagiliran at likod, hindi iniatras ng punong upisyal ng kaaway ang kanyang yunit at bagkus ay nanatili sila sa bahagi ng burol na walang makukublian kahit nang magliwanag na ang paligid. Maliban sa mga tumakbo pababa sa burol at nagtago sa mga puno sa ibaba, isa-isang tinamaan ang mga sundalo, kabilang ang pinuno nilang si 1Lt. Jimnah Torrepalma. Nagkalat ang mga masinggan, armalayt, pak at patay at sugatang kaaway ilang metro lamang ang layo sa mga nakapalibot na gerilya.

Bandang alas-6 ng umaga, pinasusuko na ng BHB ang kaaway na nanatili sa burol. Si Torrepalma na malalang nasugatan ay nagpahayag ng pagsuko, kasama ang dalawa pang sundalong sugatan. Ginamot ng mga medik ng BHB ang sumukong tinyente pero malala ang kanyang sugat, at namatay din ito. Ginamot din ang dalawa pang sumuko na di gaanong malala ang sugat at nabuhay ang mga ito.

Agad itinawag ng BHB sa isang reporter sa radyo ang tungkol sa mga sugatang kaaway at sinabing kunin na nila ang mga ito para malapatan ng lunas. Pero pasado alas-12 na ng tanghali nang magdatingan ang dalawang helikopter at reimporsment ng 5th ID.

Tinangka ng kaaway na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa dinanas nilang pagkatalo. Nagpakalat sila ng bulaang kwento na may tatlong dayuhang babae raw na kasama ang BHB at nagpadala raw ang BHB ng mga mandirigma nito mula sa Cagayan. Subalit hindi pa rin maikukubli ang makabuluhang paglakas ng hukbong bayan at armadong pakikibaka sa Isabela.

Bago ang dalawang matatagumpay na ambus na ito, tatlong labanan ang naganap sa pagitan ng BHB at 51st DRC sa mga bayan ng Jones at San Mariano. Siyam na sundalo ang napatay at di bababa sa sampu ang nasugatan dito.

Dalawang sundalo ang nasawi at sampu pa ang nasugatan sa operasyong harasment ng isang iskwad ng BHB noong Nobyembre 8 laban sa 54-kataong tropa ng 51st DRC sa Sityo Namulan, Barangay San Jose, San Mariano. Ikinubli ito ng militar sa masmidya, bagama’t maraming magsasaka ang nakakita sa paghahakot ng mga bangkay at sugatan pasakay sa sumaklolong dalawang helikopter.

Apat na tropa naman mula sa 25-kataong platun ng 51st DRC ang napatay sa harasment ng isang tim ng BHB noong Oktubre 30 sa Sityo Old Nursery, Barangay Disulap, San Mariano.

Pasado alas-12 ng hatinggabi ng Oktubre 17, tatlong sundalo mula sa 24-kataong platun ng 51st DRC ang nabuwal at di mabilang ang nasugatan sa naganap na engkwentro sa pagitan nila at ng isang platun sa ilalim ng Benito Tesorio Command sa Sityo Kidog-kidog, Barangay Santa Isabel sa bayan ng Jones. Nagtagal nang 30 minuto ang sagupaan at walang tinamong kaswalti ang mga Pulang mandirigma. Pinalabas ng 5th ID na walang kaswalti ang magkabilang panig.