Ang mapanlinlang na ASEAN Human Rights Declaration

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Bahagi ng kabuuang pagpapanggap ni Benigno Aquino III na tagapagtaguyod siya ng karapatang-tao ang pagpirma niya sa ASEAN Human Rights Declaration noong Nobyembre. Ito ay isang mapanlinlang na dokumento na sa aktwal ay sumusuporta sa mga mapaniil na gubyerno. Pag-atras ito mula sa United Nations Declaration of Human Rights na nagsasaad na ang karapatang-tao ay saligang karapatan ng lahat ng indibidwal.

Ang nilalaman ng ASEAN Human Rights Declaration ay binalangkas ng iba’t ibang upisyal ng mga myembro ng ASEAN subalit walang kahit isang tagapagtaguyod ng karapatang-tao na kinonsulta hinggil dito. Ang resulta, kinundena ito ng mga aktibista sa karapatang-tao sa rehiyon sa halip na ikatuwa nila ito.

Nakasaad sa deklarasyon na “…sa katuparan ng karapatang-tao, dapat bigyang-konsiderasyon ang rehiyunal at pambansang konteksto at isaalang-alang ang iba’t ibang katangiang pampulitika, pang-ekonomya, ligal, panlipunan, pangkultura, istoriko at panrelihiyon.” Dapat din daw isaalang-alang ang mga rekisito tulad ng pambansang seguridad, kaayusan, kalusugan, kaligtasan at moralidad ng publiko.

Ang mga batayang karapatan tulad ng karapatang bumoto, lumahok sa gubyerno at bumuo at sumapi sa mga unyon ay maaari lamang pairalin kung naaayon ito sa mga batas at patakaran. Ang pagbilang din sa “moralidad” bilang batayan ay maaaring gamitin sa pagsagka sa karapatan ng kababaihan.

Anang KARAPATAN, maraming butas ang dokumento at maaaring gamitin ito ng mga estado sa ASEAN bilang balangkas sa ibayo pang mga paglabag sa karapatang-tao. Mismong ang UN High Commissioner on Human Rights at 62 lokal, rehiyunal at pandaigdigang grupo ang nanawagan noon sa ASEAN na suspindihin ang pagpirma sa deklarasyon.

Subalit ipinagpatuloy nina Aquino at iba pang pinuno ng ASEAN ang paglagda sa deklarasyon dahil sinusuhayan nito ang mapaniil na tunguhin ng mga gubyerno sa rehiyon.