Nakakalasong basura, itinapon ng US sa Subic

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Nabisto nitong Oktubre ang pagpapatapon ng mga barko at submarino ng US Navy ng mga nakalalasong kemikal malapit sa baybayin ng Subic Bay Freeport sa Zambales. Kinokontrata ng US Navy ang Glenn Defense Marine Asia Inc.-Philippines o GDM, isang kumpanyang Malaysian, para ipunin ang mga basura at idispatsa ito sa karagatan ng Pilipinas.

Sa mismong inspeksyong isinagawa ng Subic Bay Metropolitan Authority Ecology Center noong Oktubre 15, lumalabas na lagpas 700% ng pinahihintulutang antas ang dami ng itinapong kemikal ng GDM 20 kilometro mula sa baybayin ng Zambales. Ayon sa mga upisyal na rekord, umaabot ito sa 189,000 litrong dumi at ihi ng tao at 760 litrong bilge water (kumbinasyon ng tubig, langis at grasa). Kinuha ito ng MT Glenn Guardian mula sa barko ng US Navy na Emory Land.

Sinasabi ng GDM na “treated” na o hindi na nakakapinsala ang basurang ipinapasa sa kanila ng US Navy bago nila ito itapon. Pero inamin din ng GDM na hindi sila gumagawa ng sariling inspeksyon o pagsusuri ng ipinapasa sa kanilang basura. Kaya walang katiyakan kung totoong “treated” na nga ito o walang nakahalong basurang nukleyar at iba pang peligrosong bagay.

Matapos mabisto ang paggamit ng US Navy sa karagatan ng Pilipinas bilang basurahan, nagpasahan ng sisi ang mga sangkot dito. Agad nagtago sa likuran ng Visiting Forces Agreement (VFA) ang GDM para hindi ito masampahan ng kasong kriminal. Mabilis namang sinabi ng US Embassy at US Navy na wala silang pananagutan dahil pribadong kontraktor ang aktwal na nagtapon ng basura, at hindi ito saklaw ng VFA. Pinakakasuklam-suklam ang agarang pag-abswelto ng rehimeng Aquino kapwa sa GDM at sa US Navy at sa pagpapatibay nito sa VFA. Sa halip na panagutin nito ang mga nangwawasak sa kapaligiran at yumuyurak sa soberanya ng bansa ay ipinagtatanggol pa ang mga ito.

Nakalulula na ang dami ng basurang naipatambak ng US Navy sa karagatan ng Pilipinas dahil ngayong taon pa lamang ay 37 barko at submarino na ng US Navy ang sinerbisyo ng GDM.

Sa harap nito, muling lumaganap ang mga panawagan para ibasura ang VFA bunsod ng paggamit dito bilang sangkalan ng militar ng US para gamiting basurahan ng mga nakalalasong kemikal ang karagatan ng bansa.

Naglunsad ng kilos-protesta ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) malapit sa US Embassy noong Nobyembre 14 para igiit ang pagpapawalambisa sa naturang kasunduan.

Sinuportahan din ng BAYAN at iba pang mga progresibong organisasyon ang panukala ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na ibasura na ang VFA at panawagan nina Sen. Francis Escudero, Aquilino Pimentel III at Loren Legarda na imbestigahan ang pagtatapon ng nakalalasong basura ng US Navy.

Sinuportahan din ito nina Rep. Teddy CasiƱo ng Bayan Muna. Sa katunayan, noon pang 2011 ay may mga inihapag nang panukala sa Mababang Kapulungan para ibasura ang VFA at pagbawalan ang mga sundalong Amerikano na bumalik sa dating mga base militar nila sa Subic at Clark.

Higit sa isyu ng pagtatapon ng kemikal ng US sa karagatan ng Pilipinas ay ang paggamit ng VFA para bigyang-matwid ang pamamalagi ng mga tropang Amerikano sa bansa na nanghihimasok sa kontra-rebolusyonaryong digmang inilulunsad ng papet na rehimen. Bukod rito, ginagamit din ng US ang Pilipinas bilang lunsaran ng mga interbensyunistang operasyon nito sa Asia-Pacific. Inaasahan ang pagtingkad nito lalupat binibigyang-prayoridad ng rehimeng Obama ang pagpapalakas ng kapangyarihang militar ng US sa rehiyon. Aabot sa 60% ng mga barko ng US Navy ang idedeploy nito sa buong Asia-Pacific pagsapit ng 2020.

Partikular sa Pilipinas, sinabi ng US Defense Department na mahigit 100 sasakyang panghimpapawid nila ang dumarating sa Clark bawat buwan. Umaabot na sa mahigit 70 barko ng US ang dumadaong sa Subic ngayong taon kumpara sa 51 barko noong 2010 at 55 noong 2011.