Editoryal

Nagpapatuloy ang armadong rebolusyon ni Andres Bonifacio

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Sa Nobyembre 30, gugunitain ng sambayanan ang araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, supremo ng Katipunan. Makabuluhan ang okasyong ito hindi lamang dahil paghahanda ito sa kanyang ika-150 kaarawan sa darating na taon, kundi dahil gugunitain ito sa harap ng tumitinding paghigpit ng kontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas at ganap na pagtataksil ng bagong mga ilustradong kumukontrol sa papet na gubyerno.

Tulad sa nakaraan, gagamitin ng naghaharing uri ang araw na ito para kunwa’y purihin si Bonifacio, habang minamaliit ang kanyang kabuluhan sa kasalukuyan. Iiwasan nilang banggitin ang kanyang natatanging kontribusyon bilang lider ng uring manggagawa at tagapamuno ng pinakaunang armadong kilusan sa Asia. Para sa kanila, mapanganib ang mga konseptong itinaguyod ni Bonifacio at wala na itong lugar sa kasalukuyan.

Pilit nilang binubura sa isip ng bayan ang tunay na kabuluhan ni Bonifacio sa tangkang supilin ang kasalukuyang pagsusulong ng isang pambansang rebolusyong katulad ng kanyang pinamunuan. Ginagamit nila ang mga paaralan at iba pang ahensyang pangkultura para magturo ng nasyunalismong limitado sa paggunita ng mga anibersaryo ng mga bayaning matagal nang tinanggalan ng buhay na papel sa lipunan.

Natatanging pamana ni Bonifacio at ng Katipunan ang pagmamahal sa bayan na katumbas ng walang pag-iimbot na pag-aalay ng buhay sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan. Tanglaw ang diwang ito sa pagtahak at pagsulong nila sa landas ng armadong paglaban sa dayuhang mananakop.

Kung wasto lamang na pag-aaralan si Bonifacio at ang kilusang kanyang pinamunuan, hindi mahirap pagdugtungin ang kasalukuyang kaayusan sa nakaraan. Nagpapatuloy sa kasalukuyan ang dayuhang paghahari sa lipunang Pilipino. Ang pagtatraydor ng mga ilustrado ay ipinagpapatuloy ng kasalukuyang mga papet. Sa ilalim ng dominasyon ng imperyalismong US, nananatiling malakolonyal at malapyudal ang bansa.

Nasa kontrol ng imperyalismong US at mga katuwang nitong malalaking burgesya kumprador ang lokal na ekonomya. Sila ang pangunahing sagabal sa industriyalisasyon at pag-unlad ng kabuhayan ng mamamayan. Sinasamantala nila ang murang lakas-paggawa at dinadambong ang yamang mineral at iba pang murang hilaw na materyales ng Pilipinas sa kapahamakan ng mamamayan.

Kinukubabawan ng US ang pulitika sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga papet na reaksyunaryong pulitiko. Sapul nang itatag ang huwad na republika noong 1946, naging sunud-sunuran na sa imperyalismong US ang mga namuno rito. Nagpapatibay sa neokolonyal na relasyon ng Pilipinas sa imperyalistang US ang mga ipinasa nitong mga batas at pinasok na kasunduan.

Direkta ang panghihimasok-militar ng imperyalismong US sa bansa. Permanenteng nakaistasyon sa eksklusibong pasilidad ng kampo militar ng AFP sa Mindanao ang kanilang mga tropa. Tuwiran silang nakikialam sa lokal na digmaang sibil sa pamamagitan ng pagdidirihe ng mga kontra-rebolusyonaryong programa, pagpondo sa AFP at tuwirang paglulunsad ng mga operasyong pangkombat.

Nangingibabaw ang dominasyon ng imperyalismo sa lokal na kultura at edukasyon. Pinalalaganap sa midya, internet at sistemang pang-edukasyon ang kaisipan at panlasang kolonyal. Ang mga “pagpapaunlad” sa sistema ng edukasyon ay lagi’t laging nakatuon sa mga pangangailangan ng malalaking dayuhang kapitalista at ang sinasabing “pagpapataas ng kalidad” nito ay panabing lamang sa layuning hubugin ang kabataang Pilipino ayon sa interes ng mga imperyalista.

Sa gayon, tungkulin ng lahat ng mga patriyotiko at rebolusyonaryong pwersa na linawin ang papel ni Bonifacio at ilagay siya sa kanyang tamang lugar hindi lamang sa kasaysayan, kundi mas mahalaga, sa nagpapatuloy na armadong kilusan para sa pambansang paglaya.

Malinaw sa karanasan nina Bonifacio at ng Katipunan na ang armadong rebolusyon ang pangunahing porma ng paglaban para sa pambansang paglaya. Sa pamamagitan ng masikhay na pagmumulat at pag-oorganisa noon, nahikayat nila ang mga manggagawa, magsasaka at mga intelektwal na ilunsad ang armadong himagsikan. Hindi sila nangimi at umatras sa harap ng brutal na kampanyang inilunsad ng kolonyalistang Espanyol. Bagamat burges liberal na kaisipan ang gumabay sa kanila, matagumpay nilang napukaw ang noo’y sumisibol pa lamang na kamulatang nasyunal.

Pero dahil hindi kumprehensibo at lahatang-panig na syentipiko ang kaisipan, nabigo si Bonifacio at ang kanyang mga kapwa manggagawa na sansalain ang mga ilustradong umagaw sa pamunuan ng rebolusyon. Umabot muna ng ilang dekada bago wastong nagabayan ng ideolohiyang proletaryo ang pagsusuri at pagkilos ng mamamayan. Ito ang ideolohiyang gumagabay ngayon sa kilusang bayan para sa pambansang paglaya at naglilinaw na ang kasaysayan ay nililikha ng masa at hindi ng iilang lider lamang.

Wasto lamang na pagtuunan ng rekurso at panahon ang parating na anibersaryo at gamitin ang susunod na mga buwan para paghandaan ang paggunita sa ika-150 anibersaryo ni Bonifacio sa 2013. Mahalagang magamit ang panahong ito para idiin ang pangangailangang magbalik-tanaw sa kasaysayan upang tukuyin kung papaanong nakadugtong ito sa kasalukuyan. Dapat gawin itong buhay para labanan ang gawi ng mga reaksyunaryo na huwag pag-ugnayin ang nakaraan at kasalukuyan at magsagawa lamang ng mabababaw na pagbabalik-tanaw sa nakaraan.

Hindi kailanman naging tunay na malaya ang Pilipinas, at sa gayon, hindi rin kailanman napatid ang armadong paglaban ng mamamayan. Sa ngayon, pinamumunuan ito ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), katuwang ang Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front of the Philippines. Inilulunsad ng PKP ang matagalang digmang bayan sa mahigit isandaang larangang gerilya. Isinusulong ito ng libu-libong Pulang mandirigma at milyun-milyong mamamayan.