Balita

Mga kampo ng militar sa Davao City, pinalalayas

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Pinalalayas ng Sangguniang Panlunsod ng Davao City ang mga kampo ng militar sa mga sibilyang komunidad ng lunsod. Ito ang nilalaman ng isang resolusyong ipinasa sa isa nitong espesyal na sesyon noong Nobyembre 9.

Nilalayon ng resolusyon na huwag madamay ang mga sibilyan sa mga labanan ng mga sundalo ng gubyerno at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nasaksihan mismo ng isang kagawad ng lunsod ang paggamit ng militar sa pangalawang palapag ng isang barangay hall bilang detatsment habang ang ibaba ay nagsisilbing daycare center.

Ayon sa konseho, nakakabahala ang sitwasyon dahil anumang oras ay maaring madamay ang mga sibilyan sa labanan.

Ang resolusyong ito ay tugon sa matagal nang panawagan ng mga organisasyong nagtatanggol ng karapatang-tao at iba pa para sa kagyat na pag-atras ng militar mula sa lunsod, partikular sa Paquibato District. Napakarami nang naisagawang krimen at paglabag sa karapatang-tao ang militar sa lugar.

Ipinanawagan din ng Sangguniang Panlunsod sa militar na ilipat ang kanilang mga detatsment at huwag gamitin ang mga sibilyang istruktura tulad ng daycare center at health center para sa mga gawaing militar. Nagbabala rin ang Sangguniang Panlunsod sa militar na huwag nang magdagdag ng kanilang detatsment o anumang istrukturang militar malapit sa mga paaralan at mga sentro ng populasyon.