Pananalanta ng Pasistang Estado

Ipokrito si Aquino sa usapin ng karapatang-tao

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Malaking panloloko ang ipinakita ni Benigno Aquino III sa internasyunal na komunidad nang suportahan niya ang ASEAN Human Rights Declaration sa idinaos na ika-21 ASEAN Summit sa Phnom Penh, Cambodia nitong Nobyembre 20. Animo’y may malaking pagmamalasakit para sa karapatang-tao ang kanyang rehimen gayong nagpapatuloy naman ang malalalang paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersang panseguridad nito.

Hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyang-hustisya si Juvy Capion at dalawa niyang anak na minasaker ng militar sa Tampakan, South Cotabato noong Oktubre. Nitong Nobyembre, nadagdagan pa ito ng mga kaso tulad ng pagpugot ng militar sa isang upisyal ng barangay sa Albay at pagdukot sa isang guro ng mga katutubo at lima pang sibilyan sa Rizal.

Albay. Pinaslang ng mga tauhan ng 2nd IB si Ely Oguis, isang kagawad ng konseho ng Barangay Cabaluaon, Guinobatan noong Nobyembre 11 ng gabi. Pinahirapan muna si Oguis bago siya patayin. Tinanggalan siya ng mga tenga, pinugutan at ibinaon sa putik ang kanyang ulo.

Para tabunan ang brutal at di makataong pagpaslang sa upisyal ng barangay, kaagad-agad na ibinintang ng militar sa BHB ang krimen. Ayon kay Ka Greg Bañares, tagapagsalita ng NDF-Bicol, magaling sa paglulubid ng kasinungalingan si Maj. Narzan Obuyes, hepe ng Civil- Military Operations ng 2nd IB.

Bago mangyari ang pamamaslang ay kainuman pa ni Oguis ang mga sundalo ng 2nd IB.

Ani Bañares, walang naganap na engkwentro noong gabing paslangin si Oguis at ang mga putok na narinig ng mga tagabaryo ay ang pamamaril ng militar sa biktima. Wala ring yunit ng BHB na umatake sa tropa ng militar, taliwas sa pahayag ng upisyal ng 2nd IB.

Mula noong Agosto 2011, ilang beses na kinumpronta ng mga upisyal ng 2nd IB si Oguis dahil umano sa kanyang pagsuporta sa rebolusyonaryong kilusan.

Nitong Nobyembre 1, binaril at napatay ng mga sundalo ng 2nd IB si Dante Osma sa Barangay Sinungtan, Guinobatan. Bandang alas-6:00 ng gabi nang paslangin ng mga sundalo si Osma sa tapat ng kanyang bahay, mga 300 metro ang layo mula sa baraks ng Peace and Development Team ng 2nd IB.

Samar. Limang magsasaka ang hinuli ng pinagsanib na mga tauhan ng 43rd IB at Philippine National Police sa Barangay Camhumawid, bayan ng Gandara. Inakusahan sila ng militar na sila raw ang may-ari ng limang pistola, isang granada, mga ka-gamitang pampasabog at mga bakpak. Nakakulong ngayon ang limang sibilyan sa Gandara Municipal Police Station.

Rizal. Dinukot ng mga tropa ng 16th at 59th IB sina Lanie Latuga, isang guro ng mga ba-tang Dumagat, at limang iba pa. Sila ay dinukot sa Sityo Uron, Puray, bayan ng Rodriguez matapos tambangan doon ng BHB ang militar noong Nobyembre 7.

Mula nang dukutin ang guro at lima pa niyang kasama ay hindi pa sila inililitaw ng militar. Dinakip sila sa hinalang mga tagasuporta sila ng BHB.

Compostela Valley. Binugbog ng mga sundalo at mga elemento ng CAFGU sa ilalim ng 66th IB ang isang 19 anyos na kabataan sa Compostela Valley.

Bandang alas-6 ng umaga noong Nobyembre 5 nang puntahan siya ng 11 sundalo ng 66th IB sa kanilang bahay sa Barangay San Isidro, Compostela Valley. Inakusahan siyang kasapi ng BHB. Nang itanggi niya ito ay binugbog siya ng militar, pinakain ng hilaw na isda at pinainom ng tubig na lasang kalawang.

Nakatakas lamang ang biktima nang sumigaw ito para makahingi ng tulong sa kanyang ina.

Cordillera. Inilakip sa “hit-list” ng 86th IB ang 28 sibilyan na mga residente ng mga bayan ng Tinoc at Asipulo sa prubinsya ng Ifugao. Ipinagbigay-alam ito ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) sa idinaos nitong news conference noong Nobyembre 8. Nakakuha ang CHRA ng isang photocopy ng dokumentong ipinaikot sa news conference. May logo ito ng 86th IB at ng 5th ID at nakalista ang 28 indibidwal na may kumpletong adres, kinaaanibang organisasyon, at relasyon umano nila sa BHB.

Ayon sa CHRA, ang mga inilistang sibilyan ay katunaya’y nagpapatupad ng mga programa hinggil sa karapatang-tao, sustenableng agrikultura at mga sosyo-ekonomikong proyekto sa mga komunidad.

Kasunod ng pangalan ng mga sibilyan ang mga pagbansag tulad ng “tagasuporta,” “nagbibigay ng pagkain,” “tinutulugan ng BHB ang bahay,” at “imbakan ng baril ng BHB.” Isang halimbawa si Jude Baggo, ang pangkalahatang kalihim ng CHRA na ika-22 sa listahan at utak diumano ng BHB.