Matatagumpay na Opensiba ng BHB

4 masinggan, 4 M16, nasamsam sa Isabela

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Walong malalakas na armas ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma ng Benito Tesorio Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nang tambangan nila ang mga sundalo ng rehimeng US-Aquino sa liblib na pook ng Barangay Mabbayad, bayan ng Echague, Isabela noong madaling araw ng Nobyembre 17. Nakakumpiska ang BHB ng tatlong massingan, apat na M16 at isang K3 submachinegun.

Ayon sa mga panimulang ulat, nagsimula ang ambus laban sa pwersa ng 502nd Division Reconnaissance Company (DRC) ng 5th ID bandang alas-5 ng umaga. Pito ang agarang napatay sa labanan, kabilang sina 2Lt Jimnah Torrepalma, Sgt. Eduardo Arguero at Cpl. Jondy Lar Ebersole. Walo ang nasugatan.

Inamin ng pamunuan ng 5th ID na ang pananambang na ito ang pinakamalaking pagkatalong natamo ng militar sa Northern Luzon mula nang tambangan ng BHB ang nagpapatrulyang platun ng 85th IB sa Tinoc, Ifugao noong Abril. Labing-isang sundalo ang napatay sa ambus.

Bukod sa matagumpay na pananambang sa Isabela, nakapaglunsad din ng mga opensiba ang BHB sa Bukidnon, Davao City at Rizal nitong unang hati ng Nobyembre.

Nakakumpiska ng apat na armas ang isang platun ng BHB nang salakayin nito ang bahay ng sagadsaring kriminal at aktibong aset ng AFP na si Conrado Zulita sa Sityo Kibalaog, Barangay Lilingayon, Valencia City sa Bukidnon noong Nobyembre 15. Napatay si Zulita nang manlaban siya.

Nasamsam ng mga Pulang mandirigma mula kay Zulita ang isang Garand, isang karbin, isang pistolang kal .45 at isang kal .38 rebolber, bukod sa tatlong rifle grenade, mga bala at magasin.

Sa Rizal, dalawang sundalo mula sa pinagsanib na pwersa ng 16th at 59th IB ang napatay at apat ang nasugatan nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma ng Narciso Antazo Aramil Command ng BHB-Rizal noong Nobyembre 7 sa Sityo Uron, Barangay Puray, Rodriguez. Dahil sa pagkatalo, binalingan ng galit ng mga sundalo ang mga sibilyan. Iligal nilang inaresto ang anim na sibilyan, kabilang ang isang guro pagkatapos ng pananambang. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa pahina 6.)

Sa Davao City, dalawang tropa ng 72nd IB at anim na paramilitar mula sa mga grupong Alamara at Blackfighter ang nasugatan nang pasabugan sila ng eksplosibo ng 1st Pulang Bagani Company noong Nobyembre 7 sa Km. 24, Barangay Malabog, Paquibato District. Ang ambus ay bahagi ng pamamarusa ng BHB sa AFP sa paggamit at pang-aabuso nito sa mga Manobo ng Paquibato para maghasik ng lagim sa hanay ng masang Lumad.

Bago ito, noong Nobyembre 4 ay nakasagupa ng 1st PBC ang Special Operations Team ng 69th IB sa isang tsekpoynt ng BHB sa Purok 5, Barko-Barko, Barangay Mapula. Limang sundalo ang napatay habang isang gerilya ng BHB ang nasugatan. Nakasamsam ang BHB mula sa mga sundalo ng tatlong kal .45 na pistola.