Pananalanta ng Pasistang Estado

Walang humpay na pagpatay sa mga bata, kinundena ng NDFP

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Kinundena ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang walang tigil na pagpatay ng rehimeng Aquino sa mga bata upang itaguyod ang antinasyunal at kontra-mamamayang patakaran ng neoliberal na globalisasyong dikta ng US.

Ang pinakahuling pangyayari ay ang pagmasaker sa pamilya ni Daguil Capion noong Oktubre 18 sa Barangay Kimlawis, Kiblawan, Davao del Sur (hindi sa South Cotabato, tulad ng unang naiulat sa AB). Napaslang dito si Juvi, ang buntis na asawa ni Daguil Capion, ang kanilang dalawang anak na sina Jorge (“Pap”), 13 taong gulang, at Jan-Jan, 7 taong gulang. Nasugatan din si Becky, 5 taong gulang.

Nasaksihan ang lahat ng ito ng isa pang anak ng mag-asawang Capion na si Ressa, 11 taong gulang.

Nangyari ang pagmasaker nang paulanan ng bala ng 13 sundalong pinamumunuan ni 1Lt. Dante Jimenez ang kubong tinutulugan ng mag-iina noong umaga ng Oktubre 18. Ang yunit na ito ay nakapailalim sa 27th IB at pinamumunuan ni Lt. Col. Noel Alexis Bravo.

Ayon sa mga nakasaksi, buhay pa si Juvi sa unang bugso ng mga putok. Nagmakaawa siya sa mga militar na huwag idamay ang kanyang mga anak. Pero nang makapasok sa kubo ang mga sundalo ay isa-isa silang pinagbabaril. Narinig pa ng mga kapitbahay at kamag-anak ng mga Capion na unang dumating sa eksena ang pag-utos ni Lieutenant Jimenez sa mga sundalo na patayin silang lahat. Lahat ng mga napatay ay may tama sa ulo.

Si Daguil Capion ay lider ng tribong B’laan. Siya at ang kanyang asawang si Juvi ay mga kasapi ng Kalgad, isang organisasyong aktibong lumalaban sa operasyon ng Sagittarius Mines Inc. (SMI). Ang SMI ay isang multinasyunal na kumpanya na may malaking kapital mula sa Xstrata Plc, isang Swiss na kumpanya na nakabase sa United Kingdom, at Indophil Resources, isang kumpanyang Australian.

Ilang araw matapos ang madugong insidente, papunta kay Bishop Dinualdo Gutierrez sa Marbel, South Cotabato sina Becky at ang kanyang nakatatandang kapatid na si Ressa, nang harangin sila ni Josephine Malid. Si Malid ay myembro ng Tribal Foundation, isang non-government organization na suportado ng SMI.

Pinapasok sina Ressa at Becky sa sasakyang pagmamay-ari ng SMI at dinala sa upisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Kiblawan. Tumutol dito ang kanilang lola kaya inilipat ang dalawang bata sa Social Action Center sa Marbel Archdiocese, South Cotabato.

Ayon kay Ka Coni Ledesma, pinuno ng NDFP Special Office for the Protection of Children, nagsasabwatan ang rehimeng Aquino at mga minahan para dambungin ang yamang mineral ng bansa, wasakin ang kapaligiran, patayin ang mga lider ng Lumad, at pairalin ang pwersahang ebakwasyon ng mga komunidad ng minorya mula sa kanilang lupang ninuno. Biktima kapwa ang mga bata at nasa edad sa mga pang-aabusong ito.

Samantala, binatikos ng BAYAN-Socksargen ang AFP sa hindi pagsama sa paglilitis ng court martial ni Maj. Gen. Ariel Bernardo, hepe ng 10th ID.

Sa Bukidnon, binuo ang tinatawag na New Indigenous People’s Army for Reform (NIPAR), isang grupong paramilitar na nakapailalim sa Civilian Active Auxiliary (CAA) ng 8th IB. Pinamumunuan ito ni Alde “Butchoy” Salusad. Responsable ang NIPAR sa pagpatay ng ilang lider ng Lumad, sa sapilitang ebakwasyon ng mga komunidad at pagho-hostage noong Oktubre 7 kay Julia Manlus-ag, asawa ni Sitoy Manlus-ag at apat nitong mga anak na edad 9, 6 at 4 na taong gulang at 9 na buwan.

Layunin ng pangho-hostage ng NIPAR na kumbinsihin si Manlus-ag at ang kanyang pamilya na bumalik sa baryo at suportahan ang maganda umanong mga ginagawa ng minahan, operasyon ng logging at plantasyon ng mga dayuhan at kumprador na kumpanya sa Bukidnon. Si Manlus-ag at iba pang mga pamilyang Lumad ay walong buwan nang nagkakampo sa tapat ng kapitolyo ng Bukidnon para igiit ang katarungan para kay Jimmy Liguyon, lider-Lumad na pinaslang ni Salusad noong Marso.

Dagdag pa ni Ledesma, ang rehimeng Aquino ang malaking tagalabag ng mga karapatan ng mga bata. Responsable rin ito sa nagpapatuloy na pagpatay sa mga bata sa pamamagitan ng paglabag sa karapatang panlipunan, pang-ekonomya at pangkultura ng mga mamamayang minorya.