Pondong coco levy, muling ninanakaw

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Sa pamumuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Kaisahang Pambansa ng mga Magsasaka sa Koprahan (KOPRAHAN), naglunsad ng mga aksyong protesta noong Oktubre ang mga magsasaka para igiit ang pagbabawi sa pondong coco levy na dinambong ng sabwatang Marcos-Cojuangco noong panahon ng batas militar. Itinaon ang mga protestang magsasaka sa ika-40 anibersaryo ng Presidential Decree 27, ang huwad na programa sa reporma sa lupa ni Marcos sa ilalim ng batas militar.

Sa inilunsad na pagkilos sa Mendiola noong Oktubre 21, iginiit ng mga magsasaka ang kagyat na pamamahagi ng P56.5 bilyong pondong coco levy sa maliliit na magsasaka sa niyugan. Para maidiin ang makatarungang sigaw na ito, ipinakita nila kung gaano kahirap ang paggawa ng kopra at inilarawan ang pagdarahop ng mga magsasakang magkokopra at magniniyog.

Kasaysayan ng coco levy. Ang coco levy ay buwis na ipinataw sa pagbebenta ng kopra mula 1973-1982 na ipinabalikat sa masang magsasaka. Pakana ito ng diktador na si Ferdinand Marcos, noo’y Defense Minister Juan Ponce Enrile at malapit na kroni ni Marcos na si Eduardo “Danding” Cojuangco. Kapalit nito ang pangakong kaunlaran sa industriya ng niyog at makukuhang kita mula sa pamumuhunan.

Kabaliktaran ang nangyari. Ginamit nina Cojuangco ang nalikom na pondo para itayo ang United Coconut Planters Bank (UCPB) na pinamunuan ng malalaking panginoong maylupa tulad nina Danding Cojuangco at Maria Clara Lobregat. Ginamit din ni Cojuangco ang pondo para bilhin ang mayoryang sapi sa San Miguel Corporation (SMC), likhain ang Coconut Industry Investment Fund (CIIF) at 14 na holding companies, anim na oil mills at iba pa. Ang CIIF ang namamahala sa pondong coco levy. Mula noon, tinatayang lumobo na sa P100-150 bilyon ang halaga ng mga ari-ariang nabili gamit ang pondong coco levy.

Halos tatlong dekada nang ipinaglalaban ng mga magsasaka sa niyugan na tunay na mapasakanila ang pondong coco levy. Noong Abril 2011, idineklara ng Korte Suprema na si Cojuangco ang may-ari ng kontrobersyal na sapi sa SMC. Bunga nito, nagpetisyon sa Korte Suprema ang may 3,000 magsasaka sa niyugan at hiniling na imbestigahan ang di makatarungang desisyong ito. Pero nitong Enero, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na maaari lamang gamitin ang pondong coco levy para sa pakinabang ng mga magsasaka sa niyugan at sa pag-unlad ng buong industriya sa niyugan. Kaya nararapat lamang na mapunta sa kontrol ng mga magsasaka ang mayoryang sapi ng SMC na binili gamit ang pondong sila ang nagmamay-ari.

Noong Oktubre 5, nagbayad ang SMC sa CIIF ng P56.5 bilyon para lubos na nitong maangkin ang 24% sapi sa SMC. Nakalagak na ito ngayon sa sentral na pondo ng gubyerno.

Kalagayan ng pondo. Itinayo ni Aquino ang Presidential Task Force on the Coco Levy Fund para mapangasiwaan diumano ang pondo. Pinamumunuan ito ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) sa pamamagitan ni Joel Rocamora, dating pinuno ng Akbayan. Sa plano ng NAPC, gagamitin ng rehimeng Aquino ang P11.17 bilyon para sa mga programa ng gubyerno tulad ng “Programang Pantawid” ng DSWD at sa land tenure improvement ng Department of Agriculture (DA) na parehong may dati nang nakalaan mula sa pangkalahatang pondo ng gubyerno. Nangangamba ang mga magsasaka na gagamitin lamang ang pondo para sa pangangampanya sa eleksyon.

Paninindigan ng mga magsasaka. Desidido ang mga magsasaka sa niyugan na mabawi ang pondong coco levy. Hindi nila hahayaan ang nagpapatuloy na pandarambong sa pondo na matagal nang dapat ibinalik sa kanila. Ang pagkakalagak ng P56.5 bilyong pondo sa kaban ng gubyernong Aquino ay bunga ng sustenidong paglaban nila. Subalit bahagi lamang ito ng buong halaga na dapat mabawi at nararapat mapakinabangan ng mga magsasaka sa niyugan. Tiyak na magmamaniobra ang rehimeng Aquino para pigilan na mapunta ito sa mga magsasaka sa niyugan.

Para tuluyang mabawi ang pondong coco levy at iba pang pag-aaring nagmula rito, planong maglunsad ng mga samahan ng magsasaka sa niyugan sa iba’t ibang prubinsya ng papaigting na mga aksyong protesta. Hinihiling nila ang kagyat na pagsasabatas ng House Bill 3443, na ipinanukala ng partidong Anakpawis, na naglalayong ilaan ang pondong coco levy bilang Coco Farmer’s Fund para sa rehabilitasyon at pagpapaunlad ng industriya ng niyog.

Habang nakadirekta ang mga protesta kina Aquino at Cojuangco, dapat mahigpit na nakaugnay ito sa kabuuang pakikibakang antipyudal. Kabilang sa mga dapat labanan ang mapagsamantalang sistemang resikada at ang monopolyo ng dayuhang kapitalista sa merkado.