Mga aral mula sa kasunduang Ramos-Misuari

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Mahalagang matuto sa mga aral ng nakaraan upang huwag nang maulit ang dati nang mga pagkakamali. Partikular sa pakikibaka ng mamamayang Moro, maraming mga aral ang mapupulot sa naging kapitulasyon o pagsuko ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa rehimeng Ramos sa pamamagitan ng pagpirma ni Nur Misuari ng MNLF sa Final Peace Agreement (FPA) noong 1996 (ang kasunduang Ramos-Misuari). Sa pamamagitan ng kasunduang ito, pormal na sumailalim ang MNLF sa konstitusyon at kapangyarihan ng reaksyunaryong estado at tuluyang nilamon ng bulok na sistema.

Dapat matamang panghawakan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga aral na ito sa kasaysayan laluna sa pagpasok nito sa kritikal na yugto ng pakikipagnegosasyon sa rehimeng Aquino, partikular na sa pagpirma nito sa Framework Agreement noong Oktubre. Bagamat nagsisilbing balangkas pa lamang ng isang pinal na kasunduan, nasa Framework Agreement na ang katulad din na mga saligang depekto na nasa kasunduang Ramos-Misuari ng 1996. Kung hindi ito maiwawasto, may peligro na ang Framework Agreement ay magagamit na balangkas para sa pagpapasuko ng pakikibakang Moro para sa pambansang pagpapasya-sa-sarili.

Ang prestihiyo ng MILF bilang kinatawan ng mamamayang Moro ay nakamit nito pangunahin na sa pagtakwil ng kasunduang Ramos-Misuari at sa naunang palasukong Tripoli Agreement ng 1976 sa pagitan ng MNLF at rehimeng Marcos at pagtatanghal nito ng bandila ng armadong pakikibaka. Dapat lamang na magbalik-tanaw sa naturang mga aral dahil nakataya rito hindi lamang ang kinabukasan at integridad ng MILF bilang rebolusyonaryong pwersa kundi ang mithiin ng buong mamamayang Moro.

Ang pinal na kasunduan ng pagsuko ng MNLF sa rehimeng Ramos noong 1996 ay ibinunga ng tuluy-tuloy na pagtutulak ng US na may mabuong kasunduang tatapos sa armadong paglaban ng mamamayang Moro. Ginamit na instrumento rito ng US ang mga reaksyunaryong bansang myembro ng Organization of Islamic Cooperation (OIC, dating Organization of Islamic Conference) para udyukan ang MNLF na huwag nang humiwalay sa balangkas ng papet na republika at tanggapin na lamang ang awtonomya. May pabalat-bungang pagkilala kapwa ang Tripoli Agreement ng 1976 sa ilalim ng diktadurang Marcos at ang pinal na kasunduang Ramos-Misuari sa mithiin ng mamamayang Moro para sa pagpapasya sa sarili. Subalit sa esensya ay pinawalang-saysay ng dalawang kasunduan ang naturang mithiin dahil itinadhana ng mga ito ang awtonomya para sa mamamayang Moro sa ilalim ng mapagsamantala at mapang-aping estado.

Nakatakda sa kasunduang Ramos-Misuari na dapat sumang-ayon sa batas ng reaksyunaryong estado ang anumang bagong kaayusang itatayo sa lupain ng mamamayang Moro. Ipinailalim muna sa lehislasyon ng reaksyunaryong Kongreso ang mga pinagkasunduan bago mapairal ang mga ito. Ang reaksyunaryong Kongreso ang nagsilbing ultimong garantiya ng mga naghaharing uri na walang makalulusot na probisyon ng kasunduan na labag sa kanilang kapangyarihan at interes.

Nakapaloob na sa kasunduang Ramos-Misuari ang pormula sa pagpapawalang-saysay sa MNLF. Bukod sa pagpapailalim ng MNLF sa saligang batas ng GPH, itinakda sa kasunduang Ramos-Misuari ang tuluyang paglusaw sa armadong kakayahan ng MNLF at ang integrasyon ng ilang libong mandirigma nito sa Philippine National Police at sa Armed Forces of the Philippines. Mula nang lusawin ang hukbo ng MNLF, nawalan na ito ng lakas at kabuluhan sa pulitika at naging madali na para sa GPH na balewalain, baligtarin o baluktutin ang anumang kasunduan nito sa MNLF.

Gayon na nga ang nangyari kay Misuari at sa MNLF. Sa aktwal ay malaki-laking bahagi pa ng kasunduang Ramos-Misuari ang hindi pa naisasabatas, laluna tungkol sa mga pangakong ayuda at sa mineral sharing agreement. Hanggang sa pinakahuling pag-uusap ng MNLF at GPH noong Marso, walang nabuong batas ang reaksyunaryong Kongreso hinggil sa mga regulasyon sa pagmimina ng mga mineral sa teritoryo ng ARMM at hatian ng kita rito. Nasa katawa-tawa pang pusisyon noon ang MNLF, dahil wala na itong pormal na papel sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) matapos maputol ang termino ni Misuari noong 2002 bilang gubernador nito. Kaya sa gayong punto pa lamang ay wala na ito sa katayuang makipagnegosasyon. Sa madaling sabi, maliban sa tigil-putukan, pagkalusaw ng hukbo ng MNLF at pinalabnaw na bersyon ng awtonomya, wala nang ibang mahalagang bahagi ng kasunduan ng 1996 ang naipatupad. Mula sa pagiging lider-rebolusyonaryo ay naging tradisyunal na pulitiko na lamang si Misuari sa ARMM, ang bogus na rehiyong awtonomus na itinayo sa isang tipak ng lupaing ninuno ng mamamayang Moro.

Sa kabilang banda, natupad ang layunin ng imperyalismong US at reaksyunaryong estado: ang likidasyon ng MNLF bilang kilusang rebolusyonaryo at lumalaban, ang patuloy na paghahari sa mga Moro ng tradisyunal at reaksyunaryong mga angkan at warlord na kasapakat at kahanay ng mga reaksyunaryong naghaharing uri sa pambansang antas, ang walang hadlang na pamamayani ng mga malakolonyal at malapyudal na patakaran at palakad ng sentral na estadong papet, ang patuloy na pagsahol ng panghuhuthot at pang-aapi sa mamamayang Moro, at sa gayon, ang patuloy na pagsahol ng mga problema at mga labanan sa mga lugar ng Moro.

Napawalambisa sa isang iglap ang buong nilalaman ng kasunduang Ramos-Misuari nang pirmahan nitong Oktubre ang Framework Agreement ng GPH at ng MILF. Nag-ingay si Misuari laban sa pagsasaisantabi sa MNLF, at nagbanta pa ng panibagong pagsiklab ng kaguluhan sa Mindanao. Subalit ipinagkibit-balikat na lamang ito ng Malacañang.

Mahalagang tukuyin na bago pa man ang tuluyang pagkalusaw ng hukbo ng MNLF ay pinadaan muna ito ng naghaharing estado sa matagalang mga tigil-putukan para alisan ito ng inisyatibang militar at gawing pasibo. Bago ang pinal na kasunduang Ramos-Misuari, pumirma ang MNLF sa pormal na kasunduang tigil-putukan noong 1993. Pero noong 1986 pa lamang, nang buksan ng rehimen ni Corazon Aquino ang panibagong pakikipag-usap sa MNLF, nalagay na ito sa depensibong katayuan sa pulitika at militar. Naging bahagi rin ng Tripoli Agreement ang kasunduan sa tigil-putukan, bagamat naging panandalian ang epektibidad nito. Sa gayon, ang tuluyang pagbaklas sa hukbo ng MNLF ay nagsilbing pinakahuling yugto na lamang ng mahabang proseso ng pagpapahina rito.

Tumiwalag ang MILF sa MNLF noong 1976 matapos pirmahan ang Tripoli Agreement. Noon pa man ay natumbok na ng MILF ang kabulukan ng konsepto ng awtonomya sa ilalim ng pasistang diktadura. Lalong tumaas ang prestihiyo ng MILF at naitayo ang pamumuno nito sa pakikibakang Moro nang akuin nito ang pagpapatuloy ng armadong pakikibakang Moro para sa pagpapasya sa sarili matapos ang pormal na pagsuko ng MNLF sa rehimeng Ramos noong 1996. Naitayo rin ang pormal na alyansa sa pagitan ng MILF at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Pebrero 1999 sa batayan ng pakikipaglaban ng MILF para sa kalayaan at pagpapasya sa sarili ng mamamayang Moro at pakikipagtulungan nito sa mga pambansa-demokratikong rebolusyonaryong pwersa laban sa komun na kaaway.

Lubhang napakarami ng pagkakahawig ng sirkunstansya at nilalaman ng Ramos-Misuari Final Peace Agreement ng 1996 at ng Framework Agreement ng MILF at GPH, dahil iisa lamang ang ninanais ng tuso at mapanlinlang na imperyalismong US at papet na rehimeng nagpakana ng mga kasunduang ito—ang masupil ang armadong paglaban ng mamamayang Moro.

Mahigpit ang panawagan sa MILF ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng NDF-Mindanao na alalahanin ang mga aral mula sa karanasan ng MNLF, at huwag basta-basta bitawan ang lakas-militar nito nang dahil lamang sa kagustuhan ng reaksyunaryong gubyerno at ng imperyalismong US. Aniya, ito lamang ang paraan para patuloy nitong mapanatili at maipagtanggol ang interes ng MILF at buong mamamayang Moro. Higit sa lahat, ani Ka Oris, dapat bigyan ng MILF ng mataas na pagpapahalaga ang mga mithiin ng malaon nang nagdurusang mamamayang Moro.

Bukod sa napakatingkad nang mga aral mula sa karanasan ng MNLF, isang malinaw na palatandaan ng mga peligrong nagbabadya sa interes ng mamamayang Moro sa pagpasok ng MILF sa Framework Agreement ang pag-anunsyo kamakailan ng rehimeng Aquino ng intensyon nitong buksan ang ilang bahagi ng Liguasan Marsh at Sulu Sea sa eksplorasyon ng malalaking kumpanya sa langis. Umaabot sa isang trilyong dolyar ang tinatayang halaga ng mga reserbang langis, gas at mineral sa loob ng lupaing ninuno ng mamamayang Moro. Noon at ngayon, pinaglalawayan ito ng malalaking negosyanteng dayuhan at lokal. Wala pa mang pinal na kasunduan sa MILF ay may lakas-loob na ang naghaharing rehimen na isubasta ang likas na kayamanan ng mamamayang Moro. Isa lamang ito sa mabibigat nang dahilan para mag-ingat ang MILF nang lubusan.