Krisis at imperyalistang militarismo

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Ang imperyalistang US ang pinakamilitaristang bansa at pinakamalaking suplayer ng armas sa buong mundo. Ang pagmamantine ng napakalaking imprastrukturang militar ng US ay tampok na katangian ng papatinding inter-imperyalistang tunggalian para sa teritoryo para sa pamumuhunan, mga pamilihan, yamang langis at iba pa. Ang malayong pangunguna ng US sa lakas-militar ang salalayan ng dominanteng kapangyarihan nito sa buong mundo.

Sa harap ng kasalukuyang dinaranas nitong krisis, tumitindi ang militarismo ng US. Layunin nitong patatagin ang dominanteng katayuan nito sa iba’t ibang panig ng mundo. Tahasang idineklara ng US kamakailan ang plano nitong palakasin ang presensya at pagpapakitang-lakas nito sa Asia-Pacific. Inianunsyo kamakailan ng US na ipapakat sa rehiyon ang hanggang 60% ng mga barkong pandigma nito. Ang gayo’y lalo pang nagpapasidhi sa tunggalian ng mga imperyalista at tahasang pang-uupat nito ng digma.

Ngayong taon, naglaan ang US ng $1.3 trilyon para sa “depensa.” Ito’y halos 40% ng taunang badyet nito. Kabilang dito ang $673 bilyon para sa armadong sandatahan, $166 bilyon para sa mga proyektong militar ng ibang ahensya, $440 bilyong pambayad sa utang na mula pa noong nagdaang mga digma at iba pa. Tinatayang mas mataas pa rito ang aktwal na badyet sa pangkabuuang depensa, lalupa’t halos 40% ng gastusin ng Pentagon (Department of Defense) ay inililingid sa publiko.

Ang imperyalismong US ang may pinakamarami at pinakamalalawak na base militar. Mayroon itong 539,000 pasilidad sa 5,000 iba’t ibang lugar sa loob at labas ng US. Wala pa rito ang mahigit 1,000 sikretong base at pasilidad na minamantine ng Pentagon sa mahigit 150 bansa. Kabilang dito ang mga CSL (cooperative security locations,) mga imbakan ng gamit-militar at base sa komunikasyon na sikretong itinayo sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas. Tinatayang umaabot sa $250 billion kada taon ang pagpapatakbo ng mga baseng ito, at $100 bilyon para sa pagmamantine ng malalaking barkong pandigmang nagpapatrulya sa lahat ng mayor na karagatan sa mundo.

Ang industriya ng armas ang isa sa pinakamalalaking negosyo sa US. Noong nakaraang taon, umabot sa $66 bilyon ang kinita ng US sa pagbebenta ng armas, triple sa kinita nito noong 2010. Kalakhan ng mga armas ay ibinenta sa magkatunggaling estado, tulad sa kaso sa India at Pakistan; at Israel at Egypt. Malaki rin ang naibenta nito sa Saudi Arabia, Oman at United Arab Emirates. Ang maramihang pagbili ng armas ng naturang mga bansa ay ibinunsod ng pang-uupat ng US ng gera sa Iran.

Ang sektor ng depensa ang isa sa pinakamalalaking employer ng mga manggagawang Amerikano. Mahigit 1.6 milyong Amerikano ang tuwirang nasa ilalim ng US Department of Defense. Nasa 1.4 milyon ang direktang nagsisilbi sa iba’t ibang sangay ng militar, 73,000 sa National Guard at 208,000 bilang espesyal na reserba. Samantala, umaabot sa 370,000 ang nagtatrabaho sa tatlong pinakamalalaking kumpanya sa depensa pa lamang: 123,000 sa Lockheed Martin, 174,000 sa Boeing at 72,500 sa Northrop Grumman. Sangkatlo ng lahat ng mga syentista at inhinyero sa US ay nagtatrabaho sa sektor ng depensa. Tinatayang tataas nang 3% ang tantos ng disempleyo kung hindi nagsasagawa ng malawakang rekrutment ang militar ng US.

Sinusuhayan at pinalalaki ng alyansa ng monopolyo kapitalistang estado at mga dambuhalang kumpanya sa depensa o ng tinaguriang “military-industrial complex” o MIC ng US ang militarismo at pang-uupat ng digma nito.

Bahagi na ng kapitalistang produksyon mula pa noong dekada 1880 ang malakihang produksyon ng armas para sa gera. Pero umusbong lamang ang natatanging alyansa-monopolyo para rito noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang palakasin at palakihin ng US ang sandatahang pwersa nito para sa imperyalistang ekspansyon sa Europe, Asia at Latin America. Umusbong ang malalaking monopolyo kapitalista sa produksyong militar at sumanib sa burukratikong istruktura ng imperyalistang estado.

Ang MIC ay produkto ng tuluy-tuloy na monopolisasyon ng produksyong militar. Ang paglala ng pangkalahatang krisis ng kapitalismo at kaakibat na pagtindi ng mga imperyalistang tunggalian ay nagtutulak ng pagtindi ng militarismo at pang-uupat ng mga gerang pinagtutubuan ng mga kumpanya sa industriya ng armas.

Katuwang, at tuwirang pinakikialaman ng mga kumpanya sa depensa ang pagbubuo ng patakaran sa depensa ng US. Ang mga monopolyo kapitalista sa depensa ang may pinakamakapangyarihang boses sa pagpili ng mga upisyal sa depensa ng US. Tiyak na ang dambuhalang mga kontrata ay mapupunta sa mga kumpanyang ito sa pamamagitan ng direktang pakikipagnegosasyon o “closed bidding.” Bilang gantimpala, marami sa mga dating upisyal sa depensa ng US ay pinauupo at nakakukuha ng mga susing pusisyon sa mga board of directors ng malalaking kumpanyang ito.

Ang pagsasanib ng imperyalistang estado at industriya sa depensa ay palatandaan ng sentral na papel ng gera sa patakarang imperyalista. Nililikha ng alyansang ito ang sitwasyon ng palagiang tensyon at gera. Ang sitwasyong ito ay nagbibigay-daan sa pagpapalakas ng hegemonya ng US at nagpapalaki sa supertubo ng mga monopolyo kapitalista.

Nitong nakaraang 30 taon, halos hindi nagbago ang pinakamalalaking kumpanya sa depensa ng US. Noong dekada 1980, nangunguna sa listahan ang sampung pinakamalalaking kumpanyang General Dynamic, McDonnell Douglas, United Technologies, General Electric, Lockheed, Boeing, Hughes Aircraft, Rockwell International, Raytheon, Martin Marietta, Grumman at Northrop. Sa “gera kontra-terorismo” ni Bush noong 2001, naging dominante ang tinaguriang “Big Five” na binubuo ng Boeing, Raytheon, Lockheed Martin, Northrop Grumman at General Dynamics. Ngayon, sa panahon ng “New Pacific Century” sa ilalim ni Obama, namamayagpag pa rin ang Lockheed Martin, Boeing, Northrop Grumman, General Dynamics, Raytheon, L-3 Communications at United Technologies.

Tulad ng ibang larangan ng industriya, tuluy-tuloy na nagsasanib at nabubuo ang mas malalaking monopolyo sa MIC. Nagsanib ang Lockheed at Martin noong 1995 habang binili ng Grumman ang Northrop noong 1994. Ang Rockwell International at McDonnel Douglas ay nilamon ng Boeing noong 1996 at 1997. May ilang bahagi ng General Electric (ika-18 kumpanya sa kasalukuyang listahan) na binili ng Honeywell, kasalukuyang ika-15 pinakamalaking kumpanya. Ang L-3 Communications ay dibisyon ng Lockheed Martin. Noong dekada 1980, umaabot pa sa 51 magkakahiwalay na dambuhalang kumpanya ang may mga operasyon sa loob ng MIC. Pagsapit ng 1997, bumagsak ito sa lima at apat sa 2001. Sa ngayon, halos tatlo na lamang ang kumokopo sa pinakamalalaking kontrata sa depensa: Lockheed Martin, Northrop Grumman at Boeing. Noong 2011, tinatayang umaabot sa $143 bilyon ang pinagsamang kita ng tatlong kumpanya.

Monopolisado ng mga kumpanyang ito ang mga kontrata ng pananaliksik at paggawa ng mga armas para sa US. Napakalalaki ng halaga ng mga kontratang ito. Mula Enero hanggang Setyembre 2012, naglaan ang rehimeng Obama ng $245 trilyon sa mga kontrata sa mga kumpanyang ito. Isa sa pinakamalalaki ang kontrata sa mga gumagawa ng barkong pandigma, tulad ng Huntington Inggalls, alinsunod sa direksyon ng US na itatag ang hegemonyang militar nito sa karagatan ng Asia-Pacific.

Katumbas nito, monopolisado ng estado ng US ang mga benepisyo ng kanilang pananaliksik at pagbili ng pinakaabanteng armas sa pamilihan. Halimbawa, mahigit 75% ng mga armas na minamanupaktura ng mga kumpanya sa depensa tulad ng Lockheed Martin at Northrop Grumman ay direktang binibili ng Department of Defense at iba pang departamento ng US.

Sa laki ng mga kumpanyang ito, ang armas na ibinebenta nila sa ibang bansa ay sapat para monopolisahin ang internasyunal na pamilihan ng armas. Mahigit 60% ng mga naibentang armas sa buong mundo noong 2010 ay mula sa 44 na kumpanyang nakabase sa US. Pangunahin dito ang Lockheed Martin na nakapagbenta ng halagang $36 bilyong armas. Nakopo ng sampung pinakamalalaking kumpanya ang mahigit kalahati sa kabuuang benta na umaabot sa $230 bilyon. Kung isasama ang benta ng mga serbisyong militar, aabot sa $411 bilyon ang kita ng mga kumpanya sa depensa noong 2010.