Editoryal

Ala-Marcos na pagtatakip ni Aquino sa mga paglabag sa karapatang-tao

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Barumbadong sinagot kamakailan ni Aquino ang kaliwa’t kanang mga reklamo ng paglabag sa karapatang-tao ng mga armadong ahente ng estado. Binalewala niya ang patuloy na dumaraming mga kaso ng pandarahas ng estado laban sa mamamayan at ideklarang ito’y “propaganda lamang ng Kaliwa”.

Nagawa pa niyang baluktot na akusahan ang mamamayan na sila raw ang “lumalabag sa karapatang-tao ng militar at pulisya” at inihalimbawa ang ginawa ng mga maralitang-lunsod na pagtatanggol sa pamamagitan ng bato laban sa pangkat sa demolisyon na katuwang ng mga ahente ng estadong armado ng baril, tirgas at mga batuta.

Ipinapakita sa gayong pabalbal na pahayag ni Aquino ang kanyang pasista at kontra-mamamayang katangian. Wala siyang pakialam sa damdamin at hiyaw para sa hustisya ng mga pamilya ng mga biktima ng pamamaslang, pagdukot at iba pang paglabag ng estado sa karapatang-tao.

Ginawa ni Aquino ang pagbalewala sa paglala ng mga pang-aabuso ng mga pwersa ng estado ilang araw lamang matapos ang pagmasaker ng mga sundalo ng 27th IB sa pamilyang Capion sa Davao del Sur. (Basahin ang detalye ng masaker sa pahina 10.)

Sinasariwa ng mga pahayag ni Aquno ang laganap na kasinungalingan noon ng dating diktador na si Ferdinand Marcos na walang kurap na tumatangging may mga bilanggong pulitikal sa bansa gayong umaabot sa 70,000 ang ipiniit niya sa ilalim ng batas militar.

Tulad ni Marcos noon, itinatanggi ni Aquino ngayon ang pagkakaroon ng mga detenidong pulitikal sa bansa. Sa katunayan, umabot na sa 170 (sa kabuuang 385) ang mga bilanggong puilitikal na ikinulong sa mahigit dalawang taon lamang ng kanyang paghahari. Bukod dito, mayroon nang 114 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang; 127 biktima ng bigong ekstrahudisyal na pamamaslang; 70 tinortyur; at 12 ang dinukot at nawawala. Sa kanayunan, daan-daang komunidad ang militarisado. Dito’y naghahari ang lagim at pang-aabuso sa mga magsasaka, laluna sa kababaihan at mga bata. Papadalas din ang mararahas na demolisyon ng mga komunidad ng maralitang lunsod upang bigyang-daan ang mga proyektong imprastrukturang pinopondohan ng mga dayuhan.

Sa pagbabalewala ni Aquino sa malalalang paglabag sa karapatang-tao bilang “propaganda” lamang, ginagatungan niya ang walang pakundangang paggamit ng dahas ng mga pasistang sundalo at pulis. Ipinagtatanggol niya ang brutalidad ng mga operasyon ng militar at pulisya laban sa mamamayan. Ang ipinangangalandakan niyang mga hakbang laban dito, katulad ng pagsasampa ng kaso laban sa berdugong si Gen. Jovito Palparan, ay pawang pakitang-tao at hanggang salita lamang. Ang totoo, si Aquino at ang kanyang rehimen ang “nagpopropaganda.”

Anupamang paghahambog ni Aquino, hindi niya mapagtatakpan na lumalala ang paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng kanyang rehimen. Tahasang sinusupil nito ang mga magsasaka, manggagawa, maralitang lunsod, estudyante at iba pang pinagsasamantahan at inaaping sektor na tumitindig at sumisigaw laban sa anti-mamamayan, antinasyunal at anti-demokratikong mga patakaran ng rehimen.

Pinagngingitngit pang lalo ni Aquino ang sambayanang Pilipino sa pagmamalaki niya na biktima siya ng pang-aabuso ng batas militar samantalang parehong-pareho naman siya sa dating diktador sa paggamit ng propaganda. Eksperto siya sa paglulubid ng walang katapusang kasinungalingan at panlilinlang sa pag-asang paniniwalaan siya ng internasyunal na komunidad.

Nagbubuhos si Aquino ng daan milyong piso mula sa publikong pondo para padulasin ang kanyang mga kampanyang propaganda. Nagbabalangkas siya at ang kanyang dilawang hukbo ng mga propagandista ng dinoktor na istadistika sa ekonomya at mga sariling sarbey. Layon nilang maghabi ng huwad na realidad at maliitin ang malawakang suliraning sosyo-ekonomiko ng kahirapan, kawalang-hanapbuhay, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang sahod, kagutuman, kawalang-tirahan at kawalang-lupa. Lantaran ding nilalait ni Aquino ang midya na hindi sumasakay sa inilalako niyang mga pantasya.

Hibang si Aquino sa kanyang sariling mga kasinungalingan. Lalong nagiging arogante at yumayabang siya sa harap ng mga puna at pagkadismaya sa kanya.

Sa kabilang banda, lubos siyang sinuportahan ng kanyang imperyalistang amo sa pagpapatupad ng kanyang kampanya ng panlilinlang at panunupil.

Walang ibang dapat gawin ang malawak na masa ng sambayanan kundi ilantad at mariing tutulan ang mga pang-aabuso sa karapatang-tao at ang mga anti-mamamayan at antinasyunal na patakaran ng rehimeng US-Aquino. Dapat lamang na magpursige sila sa paggigiit ng kanilang mga pambansa at demokratikong interes. ~