Delubyong dulot ng pagkawasak ng kapaligiran

Resize text: A+ A- Reset

Hindi na bago sa mga Pilipino ang bagyo at pag-ulan. Sa buong mundo, ikatlo ang Pilipinas sa pinakamadalas daanan ng bagyo. Taun-taon, binabayo ito ng mahigit 20 bagyo.

Subalit ang lawak at tindi ng pinsalang dulot ng mga delubyong inireresulta nito ay sadyang papatindi at papalupit nitong nagdaang 20 taon. Resulta ito ng malawakang pagkakalbo ng mga kagubatan, pagkawasak ng mga watershed at pagbabaw ng mga ilog. Ang kalupaan sa paanan ng mga bundok, laluna yaong malalapit sa mga ilog, ay nasa peligrong bahain ng putik at mga troso mula sa mga bundok. Karaniwang mga biktima sa mga delubyong ito ang masang anakpawis na naninirahan sa tabing-ilog, mga paanan ng bundok at nagsisiksikang barung-barong.

Pinalala pa ito ng gubyernong inutil at walang plano sa harap ng ganitong mga bantang peligro. Sa kabila ng ilang ulit na mga delubyo, bigo ang reaksyunaryong gubyerno na maghanda ng mga hakbangin upang iwasan ang pagkamatay ng malaking bilang ng mamamayan.

Noong Disyembre, ilang araw na bumuhos ang ulan dulot ng bagyong Sendong sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao at Visayas, kabilang ang talampas na prubinsya ng Bukidnon at mga kalbong bundok ng Lanao. Dahil sa ilang dekada nang operasyon ng pagtotroso at mga plantasyon, lubhang nasira na ang watershed sa Bukidnon. Matapos ang ilang araw na ulan, umawas ang mga ilog mula sa Bukidnon at bumuhos sa Cagayan de Oro City. Halos kasabay nito na bumaha ang mga ilog sa Lanao del Norte na bumuhos naman sa Iligan City. Napakalawak at napakatindi ng mga pinsalang idinulot nito. Halos 2,000 ang namatay at daan-daan pa ang tinangay ng rumagasang maputik na tubig noong madaling araw ng Disyembre 17 habang sila ay natutulog.

Nang maharap sa mariing pagkundena ang kainutilan at kawalang-malasakit ng rehimeng Aquino, sinisi pa nito ang mga residente dahil sa hindi nila paglikas sa lugar na dadaanan ng bagyo. Pero ang totoo, bigo ang rehimeng Aquino at ang lokal na gubyerno na seryosohin ang banta ng bagyo. Hindi sapat ang naging mga babala. Wala itong isinagawang hakbang para ilikas ang maraming residente na nakatira malapit sa mga ilog at sa lugar na tinatayang mag-iipon ang tubig mula sa bundok. Walang inihandang imprastruktura at suporta para sa mga bakwit.

Walang kumprehensibong plano ang rehimen para isalba ang natitirang watershed na malaon nang natukoy na magiging dahilan ng malawakang pagbaha. Wala itong maayos na plano kaugnay ng pabahay ng libu-libong mga residenteng naninirahan sa mga tabing-ilog at iba pang lubhang mapanganib na lugar.

Kriminal na pananagutan

Mula nang maupo ang rehimeng Aquino noong 2010, tatlong beses na itong binalaan ng Climate Change Congress of the Philippines (CCCP) tungkol sa panganib ng siltation o pag-ipon ng makapal na latak sa bungad ng Rio Grande de Cagayan. Sa partikular, tinukoy nito ang posibilidad na mangyari ang malawak na pagbaha sa Cagayan de Oro katulad ng nangyaring pagbaha sa Kamaynilaan dulot ng bagyong Ondoy noong 2009.

Dahil sa pagdalas ng mga pag-ulan, tinataya ng CCCP na dadalas din ang pagbaha at mas masasahol na pagguho ng lupa. Apektado rito ang mahigit 20 milyong ektaryang lupa o 67% ng bansa. Ang 69 prubinsyang nasa silangang bahagi ng bansa ay tatamaan ng La Niña (o matinding pagbuhos ng ulan) at sa gayon ay may pinakamataas na bulnerabilidad sa pagbaha at pagguho ng lupa buong taon.

Hindi pinakinggan ng gubyernong Aquino ang mga babala ng CCCP. Anang Malacañang, abala ito sa “mas kagyat” na mga bagay. Dahil dito, walang ginawang hakbangin ang Malacañang para ilayo ang mamamayan sa peligro. Binawasan pa nga ni Aquino ang pondo para sa paghahanda sa mga sakuna noong 2011. Sa halip na ilatag ang mga hakbangin para iwasang malagay sa peligro ang buhay ng mga tao, iniutos na lamang nito sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na paghandaan na lang ang epekto ng mga sakuna, kabilang ang pagbili ng mga kabaong ng magiging mga biktima.

Ang pinakamasahol na krimen ng rehimeng Aquino ay ang pagpapatuloy nito sa mga patakarang nagdudulot ng malawakang pagkasira ng kalikasan — ang deka-dekadang malawakang pagmimina at pagtotroso; ang paghawan ng libu-libong ektarya ng kagubatan para bigyang-daan ang mga operasyon ng mga multinasyunal na plantasyon, kumpanyang real estate at iba pang negosyo; at ang walang patumanggang quarrying at pagmimina sa mga ilog na nagpapalala sa pagbabaw ng mga ito.

Sa kabila ng trahedyang dala ng Sendong, hindi iniatras ng rehimen ang mga mining permit na iginawad nito sa mga dayuhang kumpanya sa pagmimina. Karamihan sa mga kumpanyang ito ay pinayagan pa na magtroso, bilang bahagi ng kanilang insentibong mamuhunan sa bansa.

Hindi rin iniatras ang mga logging permit sa Bukidnon at kalakhan ng Lanao del Norte. Kalbo na ang mga gubat dito dulot ng malawakang operasyon sa pagtotroso ng mga dayuhang kumpanya at kanilang kasapakat na lokal na malalaking burgesya kumprador, gayundin ng mga iligal na nagtotroso.

Lalo pang nakakalbo ang kagubatan dahil sa walang rendang ekspansyon ng mga multinasyunal na plantasyon. Partikular sa Bukidnon, umaabot na lamang sa 25% ang natitira sa orihinal na kagubatan dahil sa ekspansyon ng mga plantasyon ng tubo, mais, pinya at saging.

Noon pa ma’y nagdudulot na ng malawakang pagbaha ang pagkakalbo ng kagubatan ng Bukidnon na nagsisilbing watershed sa mga katabi nitong prubinsya.

Dagdag sa Misamis Oriental, ang anim na malalaking ilog nito ay dumadaloy patungo sa Northeast Mindanao at Davao (Upper at Lower Pulangi River, Tagoloan River, Rio Grande de Cagayan, Maridugao River, Agusan-Cugman River at Davao-Salug River). Noong Disyembre 23, ilang araw matapos ang bagyong Sendong, umapaw ang tubig sa Lumbayao Dam sa Valencia City, Bukidnon dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan. Umabot sa 300 katao ang kinailangang ilikas sa kanilang mga bahay sa tabi ng Pulangi River.