Tribute to Gregorio "Ka Roger" Rosal

 

Sa alaala ni Dad

Christine Roldan
Dating istap ni KR sa media

October 14, 2011

Para sa amin na naging malapit sa kanya, “Dad” ang naging koda namin sa bantog na mukha at tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas. Una ko siyang nakilala bilang si Ka Jo, Ka Beng, Ka Goring at iba pang nom de guerre na naisipan niyang gamitin. Hindi ko alam kung kailan nagsimulang bigyan ng ilang kasama ng kodang Dad si Gregorio “Ka Roger” Rosal. Sa bahagi ko, natutunan ko na lamang iyon sa kanilang mas nauna sa akin na makasama ang wonder old man ng kilusan (tiyak pupunahin niya ako sa ganito dahil aniya’y kalabaw lang ang tumatanda). Madali lamang para sa akin ang masanay na tawagin siyang Dad dahil mas ligtas itong gamitin sa talastasan maliban pa sa anggulo na sadyang tinitingan namin siya bilang isang ama ng aming yunit.

Si Dad ang tipo ng tao na madali mong makapalagayang-loob. Ito kaagad ang nabuo kong hakahaka nang una kaming magkasama sa gawain sa maagang yugto ng nagdaang dekada. At sa loob ng ilang taon na kami ay nagkasama, nalaman kong hindi ako nagkamali sa aking hakahaka.

Nang magpasya ako noon na maglingkod nang buong panahon sa kanayunan, hindi ko lubos akalain na ang destino ko pala ay sa linya ng gawain kung saan ang araw-araw kong makakasalamuha ay si Dad. Ang sinabi lang kasi sa akin noon na mayroon daw mas nakatataas na organo na nangangailangan ng istap. Ayon sa kalihim ng grupo ng partidong kinabibilangan ko noon, ang aking mga kakayahan ay sadyang bagay sa trabahong naghihintay sa akin. Nang ako’y mag-usisa, ang sinabi lamang sa akin ay “mataas ang security risk” ng trabaho.

Dahil panahon iyon ng aking kabataan, syempre naroon ang magkahalong kaba at pananabik sa sinasabing trabaho na mataas ang panganib sa seguridad. Nang malaman ni Dad na ganoon ang paglalarawan ng trabahong inialok sa akin, tawa naman siya nang tawa dahil hindi naman daw siya mapanganib. At doon na nga nagsimula ang aking unti-unting pagkakilala sa taong kahit buhay pa’y nagiging alamat na sa masa.

Sa loob pa lamang nang maikling panahon na kami’y nagkasama, maraming bagay na akong natutunan sa kanya. Mas naunawaan ko ang kasaysayan ng partido sa pamamagitan ng kanyang mga salaysay. At sa kanyang mga ibinahaging mga karanasan mas naging malalim ang pagkaunawa ko sa maraming bagay hindi lamang sa usaping may kaugnayan sa kilusan kundi pati na sa mga bagay hinggil sa tao at sa pag-iral sa mundong ibabaw.

Sapagkat sabik ako sa mga malalimang pagtalakay sa maraming bagay, madalas kami noong nagkakahuntahan laluna’t kami ang madalas na magkasama kapagka aakyat na sa tuktok ng bundok upang makakuha ng signal. Noong mga panahong iyon kasi, sabik na sabik din siya sa muling pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan at sa mga tagamidya matapos ang ilang panahong siya’y pinagpahinga ng mga kasama. Kitang-kita ko noon ang sigasig niya sa araw-araw na pakikipagtalakayan sa kung sinu-sinong mga reporter na nakikipanayam sa kanya. Naging organikong bahagi na yata sa buhay niya ang ganoong mga gawain. At upang malaman ang kasalukuyang mga isyu, makakatulugan na niyang nakikinig sa radyo at magigising din siyang nakikinig sa radyo. Sa radyo na aniya uminog ang kanyang buhay kahit noong nagsasaka pa lamang siya sa kanilang bukid sa Ibaan.

At hindi lamang mga tagamidya ang pinaglalaanan niya noon ng panahon. Kahit pa nga iyong mga masang dumudulog sa kanya hinggil sa kung anu-anong mga usapin ay kanyang pinaglalaanan ng panahon. Nariyang may mag-asawang negosyante na humihingi ng tulong dahil may nangguyo sa kanila. Nariyang may nanghihingi ng tulong dahil kinakamkam ng iba ang lupa nila. Nariyang may nagrereklamo hinggil sa talamak na druga sa kanilang lugar. Nariyang may nagpapatulong na masingil ang utang na hindi binabayaran. May nagsusumbong din hinggil sa illegal logging. At kung anu-ano pang mga suliranin at katanungan na matiyaga niyang sinasagot at sinisikap na makapagbigay ng tulong kahit sa payo man lamang.

Sa aking pagpapalalim sa pagkilala sa kanya, nakita kong siya iyong tipo ng tao na may tunay na malasakit sa kapwa. Pagtitiyagaan niyang isipin kung paano makatulong sa mga taong dumudulog sa kanya. Naalala ko pa kung paano siya nabagabag sa pag-iisip ng paraan upang matulungan ang isang dalagang may kapansanan na nagnanais na makapagtapos sa pag-aaral. Sa kanyang kagustuhang makatulong, tinulungan pa niya ang dalagang iyon na makapagpadala ng sulat para sa isang senador upang humingi ng iskolarship. Ikinalungkot pa niya noong mapagtanto namin na walang maaasahang tugon mula sa senador na iyon.
Magaan kasama ang taong tulad ni Dad. Bukod sa pagiging mapagbiro, siya ay likas na masayahin. At lalo siyang masaya kapag nakapagpapasaya siya sa mga masang kanyang natutulungan kahit na labas na iyon sa kanyang opisyal na gawain.

Si Dad iyong tipo ng tao na walang kaartehan sa katawan. Handa siya sa kahit anumang sakripisyo. Naalala ko pa noong naglakad kami nang dalawang linggo ay ni ayaw niyang ipabuhat sa akin ang kanyang bakpak kahit na iika-ika na siya dahil sa matinding alipunga. Kapag nauubusan kami noon ng suplay, kakainin niya ang kahit anumang pagkaing-gubat na mahahagilap namin sa palipaligid. At kapagka kami’y nagtatayo ng kampo, siya mismo ang nangunguna sa paggawa ng kanyang sariling kubo kahit pa kailangan niyang maghakot ng mga kawayan o anumang materyales.

Maliban sa nais niyang masilayan ang tagumpay ng rebolusyon, napakapayak lamang ang kanyang pangarap. Aniya, ang nais niyang gawin kung sakaling pagreretirohin na siya ng partido ay ang magsaka sa bukid. Marahil nangangarap siya noon na maipagpatuloy ang kinagigiliwang pagsasaka na naudlot nang siya’y pumalaot sa buhay rebolusyunaryo.

Ang buhay ni Dad ay isang makulay na buhay ng isang tapat at matatag na rebolusyunaryo. At higit pa roon, ang buhay niya’y makulay na buhay ng isang taong may malinaw na hangaring makapaglingkod sa kapwa tao.

Sa kanyang naibahaging mga karanasan sa akin at sa kuwento ng mga taong higit na nakakakilala sa kanya, nakita kong sadyang kahangahanga ang kanyang pag-igpaw sa mga pagsubok sa buhay na kanyang kinaharap. At kahangahangang lalo ang kanyang matatag na paninindigan sa buong panahong paglilingkod sa rebolusyon at sa bayang pinangarap niyang maging tunay na malaya at maging maunlad.

Isang malaking karangalan para sa tulad ko na makatrabaho nang ilang panahon ang kagaya ni Dad na isang likas na paham sa maraming bagay hinggil sa buhay. Ang talas ng kanyang pag-iisip ay masasalamin sa kanyang payak na pagpapaliwanag sa mga kumplikadong bagay at usapin. At sa kanyang pananalita’y mababanaag mo ang magalang na asal na nagpapahiwatig ng kanyang tauspusong paggalang sa kapwa tao.

Kagaya ko rin si Dad na nananaginip at nangangarap na mamuhay nang matiwasay sa isang maaliwalas na kapaligiran. Sabi ko nga sa kanya noon, sa akin na lang siya tumira kapagka nakasasapat na ang ani ng aking bukirin. Nagbiruan pa kami kung papaano siya maipuslit sa paliparan papunta sa isla kung saan naroon ang aking bukid. Marahil sa mga panahong nagkakuwentuhan kami nang ganoon ay ramdam na niya na hindi magtatagal ay mamamaalam na ako sa landas ng pakikibaka. At marahil ramdam na rin niya na hindi magtatagal, mamamaalam na rin siya sa buhay na ito sa lupa. Sapagkat si Dad ang tipo ng tao na malakas ang pakiramdam sa mga ganoong tipo ng bagay. Siya ay kabilang sa huling kawing ng henerasyon ng mga lumang tao na may alam kung kailan sila papanaw sa daigdig na ito. Ayon nga sa kanya, hindi dapat kinatatakutan ang kamatayan sapagkat likas lamang itong darating sa lahat nang nabubuhay sa mundong ibabaw. Ang usapin lamang aniya, ay kung kailan ito darating at kung ano ang iyong pinagkakaabalahan kapag ito ay dumating sa iyo. At tulad ng kanyang inaasahan, dumating nga ang yugtong iyon sa kanya habang siya’y patuloy na naglilingkod sa rebolusyon at sa bayang pinag-alayan niya ng kanyang panahon, lakas, talino at pagmamahal.

Nahuli man ako sa balita, nais kong iparating sa mga kasama, sa kanyang mga kaanak, lalo na sa kanyang dalawang anak, ang aking tauspusong pakikidalamhati sa pagpanaw ng isang huwarang kasama, mapagmahal na ama at dakilang mamamayan ng lipunang Pilipino.

Back to Tributes and Recognitions page


Tribute to Gregorio "Ka Roger" Rosal | Philippine Revolution Web Central homepage